Newscast: TV Patrol - Broadcast date: 10/31/96
Homepage:
ABS-CBN Broadcasting Corp.
Copyright © 1996, ABS-CBN Broadcasting Corp.

MGA SEMENTERYO DINADAGSA
HINDI PA NANANAHIMIK MGA KALULUWA SA OZONE DISCO
LIBU-LIBO STRANDED SA AIRPORT
MGA TSINONG NEGOSYANTE NANGANGAMBA
PROTEST ACTION LABAN SA KRIMEN
MGA MAGSASAKA NAG-RALLY
2 KURATONG NAPASLANG
DAISY REYES TIYAK NA AALIS



Subject: MGA SEMENTERYO DINAGSA
Newscast: TVPATROL - Air Date: 10/31/96

Nagsimula nang dumagsa sa mga sementeryo ang mga Pilipino bilang paggunita sa araw ng mga patay. Simula mamayang alas-12 ng hating gabi ay bawal nang pumasok ang lahat ng sasakyan sa loob ng North, La Loma, Chinese at South Cemeteries.

Ayon kay MMDA Executive Director General Romeo Maganto, bahagi ito ng traffic red alert na nagsimula ngayong hapon at magpapatuloy hanggang bukas. 4,500 traffic police, volunteers at MMDA personnel ang magmamando ng traffic nitong pista opisyal.



Subject: HINDI PA NANANAHIMIK MGA KALULUWA SA OZONE DISCO
Newscast: TVPATROL - Air Date: 10/31/96

Isang daan anim na pu't dalawa ang nasawi sa Ozone Disco. Hindi pa nabibilanggo ang mga responsable. Ayon sa mga kaanak ng mga namatay, maraming pahiwatig ang mga nasawi. Tila hindi matanggap ang nangyari sa kanila. Kasama ang ocular inspection ng korte ang ABS-CBN News kamakailan, walang kakaibang nangyari. Ngunit sa mga still pictures, ma-aaninag ang mga "ghost pictures". At hindi nagkamali ng hinala ang mga Ozone victims. May naririnig pa umanong sayawan sa opisina ng Justice for Ozone tuwing gabi. Pumasok na anino sa disco sa alanganing oras, gayong sarado na ang Ozone Disco. Pito pa sa mga katawang na-recover ay hindi kilala.



Subject: LIBU-LIBO STRANDED SA AIRPORT
Newscast: TVPATROL - Air Date: 10/31/96

Libu-libong pasahero ng Philippine Airlines ang na-stranded bunga ng patuloy na "strike" ng mga PAL employees. Mahigit sa 30 domestic flights ang nakansela bunga ng kakulangan ng mga personnel. Nagbigay ng ultimatum ang PAL management sa mga welgista na bumalik sa trabaho hanggang bukas ng alas-12 ng tanghali. Inatasan na ni Transportation Secretary Amado Lagdameo ang iba pang domestic airline companies na tulungan sa pagbibiyahe ang mga na-stranded na pasahero ng PAL. Ayon kay Lagdameo, ito lang ang kanilang magagawa dahil hindi sila maaring maki-alam sa gulo sa mga empleyado at management ng PAL. Handa ang Senado na mamagitan sa labor dispute ng management at manggagawa ng PAL upang maresolba na ang naturang problema.



Subject: MGA TSINONG NEGOSYANTE NANGANGAMBA
Newscast: TVPATROL - Air Date: 10/31/96

Kung milyun-milyong piso ang ginagastos ng pamahalaan para sa seguridad ng APEC, bakit hindi para sa seguridad ng mga negosyanteng Chino dito sa Pilipinas. Ito ang hinaing ng mga Chinese businessmen sa pamahalaang Ramos dahil sa kabiguang malutas ang kriminalidad sa bansa partikular ng kidnapping. Ayon kay Movement for the Restoration of Peace Order Chairman Teresita Ang-See, kung magpapatuloy ang mga kidnapping sa bansa, sukdulan din ang kanilang magiging hakbang. Nais sanang isulong ng mga negosyante sa Binondo ang pagsasara ng kanilang mga establisimiyento sa libing ni Minda Chua, asawa ng negosyanteng si Apo Chua ng Cotabato, na napatay sa isang kidnap attempt noong nakaraang linggo.

Bukod sa Cotabato, binanggit din ng MRPO ang Mandaluyong City bilang isa sa mga kinatatakutang lugar dahil sa laganap na kidnapping. Anim na insidente ng kidnapping ang naiulat nitong nakaraang dalawang buwan.



Subject: PROTEST ACTION LABAN SA KRIMEN
Newscast: TVPATROL - Air Date: 10/31/96

Inutil ang mga awtoridad sa Cotabato City para sugpuin ang mga insidente ng kidnapping doon. Ayon sa mga negosyante ng Cotabato, tukoy na ng mga pulis kung saan nagkukuta ang mga kidnappers at maging ang utak nito ngunit hindi makakilos ang mga ito. Muling nagsagawa ng indignation rally kaninang umaga ang mga opisyal at estudyante sa Cotabato City bilang pagkondina sa kriminalidad sa lungsod.



Subject: MGA MAGSASAKA NAG-RALLY
Newscast: TVPATROL - Air Date: 10/31/96

150 magsasaka ang nag-rally sa harap ng Clark International Airport dahil sa pagpapa-alis sa kanila doon bunsod pa rin ng APEC. Pinabulaanan naman ng Clark Development Corporation ang bintang ng mga magsasaka at nilinaw na 1993 pa lang ay pina-aalis na nila ang mga magsasaka.



Subject: 2 KURATONG NAPASLANG
Newscast: TVPATROL - Air Date: 10/31/96

Mistulang giyera ang nangyaring sagupaan kaninang madaling araw sa Timog Avenue, Quezon City. Alas-kuwatro nang nagka-engkuwentro ang mga tauhan ng Task Force Limbas ng PNP at mga miyembro ng Kuratong Baleleng gang sa harapan ng Lexus Disco sa Timog Avenue. Apat sa mga awtoridad ang malubhang nasugatan nang gamitan ng M-203 grenade launcher ang kanilang mga sasakyan. Tumagal ang operasyon ng higit sa dalawang oras. Isa sa mga miyembro ng Kuratong Baleleng ang nahuling sugatan, samantala dalawa ang napatay.



Subject: DAISY REYES TIYAK NA AALIS
Newscast: TVPATROL - Air Date: 10/31/96

Tiyak na ang pag-alis ng Binibining Pilipinas Daisy Reyes para sa Miss World na gaganapin sa isang buwan sa Bangalore at Seychelle Islands sa India. Bago nito'y inamin ng Binibining Pilipinas Charities na nag-alinlangan silang ipadala si Daisy dahil sa kontrobersiya. Kinundena naman ng mga aktibista ang Miss World na isang uri ng eksploytasyon at pinababa umano nito ang dignidad ng kababaihan sa India. Sa gitna ng isyu, makuha kaya ni Daisy ang korona na muntik nang mapanalunan nina Evangeline Pascual nuong 1974 at Ruffa Gutierrez nuong 1994.

Go Back to The News Service Index