Newscast: TV Patrol - Broadcast date: 10/30/96
Homepage:
ABS-CBN Broadcasting Corp.
Copyright © 1996, ABS-CBN Broadcasting Corp.

50 SENTIMOS LANG DAPAT
ROMMEL PADILLA PINALAYA NA
GRUPO IDEDEMANDA NI FARIÑAS
ALONTE SINAGOT MGA BINTANG
SEXUAL HARASSMENT VS DOCTOR
ANGARA WALANG SAPAT NA SUPORTA
ISA NA NAMANG INTSIK DINUKOT
PAL WORKERS MAG-WEWELGA
RELIGIOUS GROUPS GINAGAMIT
MGA LEPER PATIENTS GINIGIPIT
INA IDEDEMANDA SI JOJO VELOSO
ABBY TINAWANAN LANG ANG BINTANG


Subject: 50 SENTIMOS LANG DAPAT
Newscast:
TVPATROL - Air Date: 10/30/96

Mahigit isang taong inupuan ng Senado ang panukalang P35 legislated wage hike na inihain ni Senador Ernesto Herrera. Subalit sa budget hearing kanina ng NEDA, sinabi ni Socio-economic Secretary Cielito Habito na 50 sentimos lang bawat araw ang dapat na itaas. Ani Habito, ayon sa kanilang pag-aaral, P17 lamang bawat buwan na pagtataas sa suweldo ng manggagawa ang kayang tanggapin ng ekonomiya, upang hindi maapektuhan ang inflation o presyo ng pangunahing bilihin.


Subject:ROMMEL PADILLA PINALAYA NA
Newscast:
TVPATROL - Air Date: 10/30/96

Pansamantalang pinalaya si Rommel Padilla at ang kasama nitong si Frederick Luna, matapos magbayad ng piyansa. Ngayon pa lamang naranasan ni Rommel ang makulong. Aniya, ngayon ay alam na niya kung ano ang pakiramdam ng kapatid niyang si Robin. Umaasa si Rommel na hindi maaapektuhan ang kanilang personal na buhay. Isa lamang ang kinatatakutan ngayon ni Rommel, at ito ay paghusgahan na siya ng mga kasama niya sa showbiz.


Subject: GRUPO IDIDEMANDA NI FARIÑAS
Newscast:
TVPATROL - Air Date: 10/30/96

Ang Kalakasan ang tumulong kay Maria Teresa Carlson na tumakas mula sa poder ni Governor Rodolfo Fariñas. Idinaing nitong binubugbog umano siya ng kanyang asawa. Ngunit kamakailan, iniurong ni Maria ang kanyang pinagsasabi at nakipagbalikan na kay Fariñas. Nagalit ang gobernador sa Kalakasan dahil hindi man lang siya binigyan ng pagkakataon na makapagbigay ng kanyang pahayag ukol sa issue.

Naglabas naman ng unified statement ang mga womens' groups ukol sa kontrobersiya. Anila, karaniwan sa isang "battered wife" na nagtangkang tumakas sa pang-aabuso ng asawa, ay bumabalik dahil sa takot at emosyonal na pagkokonsidera sa kanyang pamilya. Ayon sa talaan ng DSWD, ngayon taon lang, higit 2,000 mga babae ang naitala nang binugbog ng kanilang mga asawa, at inaasahang tataas pa ang bilang na ito.


Subject: ALONTE SINAGOT ANG MGA BINTANG
Newscast:
TVPATROL - Air Date: 10/30/96

Sinagot na ng grupo ni Biñan, Laguna Mayor Bayani Alonte ang akusasyong "rape" ng 16-anyos na dalagita laban sa alkalde. Binigyang diin ni Alonte na hindi siya nagsusuot ng checkered na salawal tulad na sinabi ng biktima. Samantala, pinasinungalingan naman ng tricycle driver na si Jaime Mendoza na pinayuhan niya ang biktima na mag-reklamo at mag-demanda laban sa meyor.


Subject: SEXUAL HARASSMENT VS DOCTOR
Newscast:
TVPATROL - Air Date: 10/30/96

Hiningi ngayon sa Civil Service Commission na tapusin na ang imbestigasyon sa kasong sexual harassment laban sa Cagayan de Oro City Health Officer na si Rico Jacutin. Sinabi ng complainant na si Juliet Yee na habang naghihirap ang kalooban ng mga biktima ni Jacutin, ito naman ay malayang nakapagtatrabaho pa sa City Health Office. Hinipuan umano niya si Yee, isang nursing graduate noong nakaraang Disyembre bilang bahagi ng physical examination sa Cagayn de Oro Health Office.


Subject: ANGARA WALANG SAPAT NA SUPORTA
Newscast:
TVPATROL - Air Date: 10/30/96

Kumpiyansa si House Deputy Speaker Hernando Perez na hindi siya kayang patalsikin ng grupo nina Senador Edgardo Angara sa LDP dahil marami pang sumusuporta sa kanya. Reaksyon ito ni Perez sa nakatakdang "expulsion proceedings" ng partido laban sa kanya at sa mga kumakalaban kay Angara sa Mababang Kapulungan. Ngunit pinag-aaralan din nila ang posibleng pagre-resign sa partido at pagsanib sa iba. Maari rin umanong bumuo na lamang sila ng panibagong grupo.


Subject: ISA NA NAMANG INTSIK DINUKOT
Newscast:
TVPATROL - Air Date: 10/30/96

Isa na namang negosyanteng Intsik ang nakidnap sa Mandaluyong kagabi. Nagsasagawa na ng operasyon ang Task Force Dragon para mailigtas ito. Hindi muna maibubunyag ang pangalan ng biktima para sa kanyang kalitasan. Kinumpirma ni Vice President Joseph Estrada ang pinakahuling insidente ng kidnapping matapos niyang salubungin si German Chancellor Helmut Kohl. Si Kohl ay nasa bansa upang pagtibayin pa ang ugnayan ng Pilipinas at Germany.


Subject: PAL WORKERS MAG-WEWELGA
Newscast:
TVPATROL - Air Date: 10/30/96

Nagbatang magwewelga ang mga empleyado ng Philippine Airlines bago mag-APEC. Ito ay kundi pa rin mamamagitan si Pangulong Ramos sa labor dispute sa PAL. Ayon sa PALEA, 183 na sa kanilang mga miyembro ang sinibak sa tungkulin sa kabila ng kasunduang mismong ang Pangulong Ramos pa ang nagpatibay noong 1994. Sinabi rin ng PALEA na posibleng makisimpatiya sa kanila ang mga empleyado ng PLDT at Meralco.


Subject: RELIGIOUS GROUPS GINAGAMIT
Newscast:
TVPATROL - Air Date: 10/30/96

Ginagamit ng mapagsamantalang mga importer ang religious at charitable institutions upang ipuslit ang mga ilegal na gamit sa bansa. Kasama sa mga pinupuslit ang gun parts, bala, pulbura, TV at maging bigas. Ang mga ito ay dapat na isang donasyon sa Propagation of Faith Reaching Out Foundation. Pinabulaanan ni Bishop Ernesto Gabasa, direktor ng foundation, na may kinalaman sila sa mga bagay na donasyon umano mula sa Amerika.


Subject: MGA LEPER PATIENTS GINIGIPIT
Newscast:
TVPATROL - Air Date: 10/30/96

Inakusahan ng mga pasyente at manggagawa ng umano'y panggigipit at pananakot ang pangasiwaan ng Tala Leprosarium. Nagpiket sila sa harap ng ospital upang idulog ang mga reklamo nito. Pilit na inaalok ng P10,000 ang mga pasyente mayroon pang ketong huwag lamang itong bumalik na sa ospital. Nito lamang 1996 mahigit sa 100 mga pasyente ang tumanggap ng pera. Mahigit sa 1,000 ang mga pasyente ng Tala Leprosarium. Ayon sa Alliance of Health Workers taktika lamang ito ng pamahalaan upang isapribado ang walong leprosarium sa bansa.


Subject: INA IDEDEMENDA SI JOJO VELOSO
Newscast:
TVPATROL - Air Date: 10/30/96

Ayon kay Ina Raymundo ang pagtakbo niya kay Sen. Nikki Coseteng ang tanging paraan para malinis ang kanyang pangalan. Ang pagtiwalag ni Ina ay tinuturing na pinakamalaking dagok kay Veloso na di na umano makakabangon sa larangan ng talent management. Dalawang taon pa ang kontrata ni Ina sa kanya pero pumirma na siya ng bagong movie contract nang walang pahintulot ng manager.


Subject: ABBY TINAWANAN LANG ANG BINTANG
Newscast:
TVPATROL - Air Date: 10/30/96

Tinawanan lang ni Abby Viduya ang reklamong isinampa ng producer na si Robbie Tan na wala siyang working permit mula sa Department of Immigration. Ayon kina Abby at abogado niyang si Manuel Singson, kahit mayroon siyang Canadian passport, Filipino pa rin ang citizenship na nakalagay sa birth certificate ng aktres.

Go Back to The News Service Index