Newscast: TV Patrol - Broadcast date: 10/28/96
Homepage: ABS-CBN Broadcasting Corp.
Copyright © 1996, ABS-CBN Broadcasting Corp.
Subject: ROMMEL NAKULONG
Newscast: TVPATROL - Air Date: 10/28/96
Kinasuhan na ng illegal possession of firearms si Rommel Padilla, kapatid ng action star na si Robin, na ngayo'y naka-kalaboso rin dahil sa iligal na pagdadala ng armas. Itinakda ng piskalya ng Pasig sa dalawandaang libong piso ang piyansa para kay Rommel. Kapag nahatulan, posibleng magsama pa ang magkapatid sa Muntinlupa.
Matapos ang kontrobersiya kina Robin, at Royette, isa na namang Padilla ang tila sumusunod sa kanilang yapak. Nahulihan ng baril si Rommel Padilla, kasama ng kanyang kaibigan na nakunan din baril at marijuana. Subalit ayon kay Rommel imposibleng magdala siya ng kahit na anong uri ng baril. Sinabi pa ni Rommel na naiwan lang sa kanyang kotse ng isang special effects man sa pelikula na si Edmund Cruz ang baril na nakuha sa kanya. Ngunit ayon sa Merdeka films, Inamin din ni Rommel na miyembro siya ng kontrobersiyal na samahan ng H-World. Si Rommel ay nahaharap sa kasong illegal possession of firearm na tulad ng kaso noon ng kapatid na si Robin tungkol naman sa droga, kampante ang pamilyang Padilla na hindi ito matutulad kay Robin. Magatatagal pa ng isang gabi sa kulungan si Rommel habang hindi pa nakakalikom ng pampiyansa ang kanyang ina. Sinabi rin ni Mrs. Eva Carino na alam na ni Robin ang nangyari kay Rommel at pabiro nitong sinabing magkakasama na sila ng kanyang kapatid.
Samantala, itinanggi ng Merdeka Films na sa kanila nanggaling ang .22 magnum ni Rommel dahil lahat ng ammunition props na ginagamit sa shooting ay isinosoli pagkatapos ng shooting day. Noong araw na madakip si Rommel, sinabi ng Merdeka na hindi ito sumipot sa shooting.
Subject: BALITA SA APEC
Newscast: TVPATROL - Air Date: 10/28/96Mariing itinanggi ngayon ng ilang maka-kaliwang grupo ang akusasyon na plano nilang guluhin ang APEC summit. Magkakasamang tinuligsa ng KMP, Bayan at Karapatan ang naging pahayag ni presidential security adviser Jose Almonte na sila'y mga terorista. Nililito lamang ng gobyerno ang publiko, ayon sa mga lider ng leftist groups. Anila, ang pagkakaroon ng curfew sa Olongapo, kabi-kabilang demolisyon, pagbawal sa mga magsasaka na mag-ani ay pawang paglabag sa karapatang pantao. Habang papalapit ang APEC summit, itinakda ng grupo ang ilang aktibidad. Kabilangi rito ang Anti-Imperialist World Peasant Summit, People's Conference Against Imperialist Globalization, People's Caravan, at National Day of Protest.
Samantala, patuloy naman ang pag-giba sa mga "eyesores". Isandaang pamilya ang nawalan ng tirahan sa barangay Tatalon, Quezon City. May mahigit isang libong squatters naman ang pina-alis sa Roxas Boulevard. May apatnaput-siyam na pamilyang din namang nabigyan tulong sa Paco. Ngunit hindi makakaila ang paghahanda ng pamahalaan. Pinagaganda na ang main roads mula sa NAIA na dadaanan ng mga delegates. Sa MIA road, binabakuran na lamang o tinatakpan ng karatula ang squatters, upang ikubli ang sinasabing "eyesore." Magpapatuloy ang demolisyon ng squatters sa iba pang lungsod ng Maynila. Sa loob lamang ng linggong ito, halos apat-na-raang libong pamilya sa Metro Manila ang inaasahang ma-apektuhan.
Subject: MABINI NAMBATIKOS
Newscast: TVPATROL - Air Date: 10/28/96Nakisali na rin ang grupong Mabini sa pagbatikos sa pamahalaan dahil sa pagpigil na makapasok sa Pilipinas si Jose Ramos Horta habang ginaganap ang APEC. Ayon kay Attorney Rene Saguisag, tagapag-salita ng Mabini, mas pinili pa ng gobyerno na papasukin sa bansa ang isa umanong "child molester" na si Michael Jackson, kaysa sa isang Nobel Peace Prize awardee. Anya, nagmimistula ring naka-ilalim sa Indonesia ang Pilipinas dahil sa impluwensiyang i-ban si Horta sa bansa.
Posible ring i-ban sa bansa si Bishop Carlos Felipe Jimenez Belo. Inamin ni Foreign Affairs Secretary Domingo Siazon na may pressure mula sa simbahan nguni't maaaring hindi papasukin si Belo kung ito'y tatayo lang kapalit ni Jose Ramos-Horta. Sinabi naman ni National Security Director Jose Almonte na pag-aaralan pa niya ang listahan ng mga banyaga.
Samantala, tanging ang mga sasakyan na may bagong plaka para sa APEC ang maaring makapasok sa mga APEC activities. Ang plaka ay nakalaan sa mga delegates, opisyal, at sa mga bisita ng APEC. ang mga ito'y maaaring gamitin lamang hanggang may summit.
Subject: STRIKE BIGO
Newscast: TVPATROL - Air Date: 10/28/96Bigo ang mga grupo ng transportasyon sa bantang Welgang Bayan sa iba't ibang bahagi ng bansa. Dito sa Metro Manila, tanging ang malaking bahagi ng business district ng Makati ang naapektuhan. Liban din sa Bacolod, bigo rin ang mga grupo sa transportasyon na iparalisa ang iba't ibang lalawigan. Paralisado ang trenta porsiyento ng Makati kaninang umaga. Marami rin ang na-stranded sa ilang lugar ng las Pinas, Pateros, at Paranaque. Pitumpung porsiyento naman ng Bacolod ang ini-ulat ding paralisado bilang protesta ng mga tsuper sa oil price hike at deregulasyon. Tatlo naman ang demand ng may 200-libong miyembro ng Alliance of Transport groups sa Metro Manila. Wala pang katiyakan kung mapagbibigyan ang singkuwenta sentimos na dagdag sa pasahe dahil kasisimula pa lang ng mga pagdinig dito ng LTFRB. Tinaggihan naman ni Maganto ang kahilingan na huwag nang isama sa unified traffic scheme ang mga public utility vehicles. Aniya 20 porsiyento ang halos nababawas nito sa trapiko. Ayon pa kay Maganto bagamat may ulat na hinaharang ang ilang mga ayaw sumama sa strike, naging payapa rin naman ito. Ngayong hapon nagbalik na sa pasada ang pampasaherong jeepney sa Makati, Las Pinas, Paranaque, at Pateros. Kahit tapos na ang strike, tiniyak ng MMDA at ng lokal na pamahalaan ng makati na may mga nakahandang bus para sa mga commuters.
Subject: MILF-GOV'T TALKS DI NATULOY
Newscast: TVPATROL - Air Date: 10/28/96Uumurong ang MILF sa nakatakdang pakikipag-usap nito sa pamahalaan noong nakaraang Linggo dahil hindi pa umano ito handa. Nguni't naniniwala si Executive Secretary Ruben Torres na maitatakda na ang petsa para sa preparatory talks sa harap ng mga pinakahuling engkuwentro sa pagitan ng MILF at tropa ng pamahalaan. Ayon naman sa isang impormante, gusto ng gobyernong mismong si Hashim Salamat ang maka-usap nito at hindi lamang ang mga tenyente nito. Samantala, binabantayan ngayon ng MNLF ang mga nagsilikas na sibilyan matapos muling naglunsad ng opensiba ang militar laban sa MILF sa Tipo-tipo Basilan. Ito'y matapos bale-walain ng MILF ang itinakda ng pamahalaan na apatnaput walong oras na ultimatum para lisanin nila ang nasabing lugar. Dalawang airforce OB Ten at helicopter gunships ang nag-salit-salit sa pagbomba sa kampo ng MILF sa Baguindah, Tipo-tipo kahapon ng hapon.
Go Back to The News Service Index
Subject: GALIS, KALAT SA ILOILO
Newscast: TVPATROL - Air Date: 10/28/96Usong-uso ang galis sa ilang mga barangay sa Iloilo city, partikular sa North Balwarte, Molo. Galing roon kamakailan ang ABS-CBN Foundation at narito ang report.
Isa sa kinapitan ng galis ang batang si Reno Tanghal na nagkaroon ng komplikasyon sa kanyang atay at kidney. Nagsimula umanong kumalat sa nasabing lugar ang sakit sa balat noong pebrero. Ito rin ang malaking problema ni Marilou Obales. Siya at ang kanyang anim na anak ay kinapitan nito. Matanda man o bata ay walang nakaligtas sa pagtubo ng galis sa kanilang lugar. Karamihan sa mga residente ng North Balwarte, Molo ay mula sa mahihirap na pamilya. Mga halamang gamot lamang ang kanilang pansamantalang lunas sa kanilang mga galis. Sa mga nais magbigay ng tulong sa mga residente ng North Balwarte, Molo, Iloilo City, maari kayong tumawag sa ABS-CBN Foundation, 924-41-01 local 3778 at local 3761.