Newscast: TV Patrol - Broadcast date: 10/25/96
Homepage:
ABS-CBN Broadcasting Corp.
Copyright © 1996, ABS-CBN Broadcasting Corp.

RAMOS NAPIKON SA VIDEO CONFERENCE
REAKSIYON NG INDONESIA
RALLY LABAN SA HUMAN RIGHTS VIOLATION
HUWETENG/GUN RUNNING
PINAKABATANG SHABU ADDICT
JALOSJOS NAGTAGO!
UPDATE SA CAVITE MASAKER
CRUSADE AGAINST VIOLENCE
KULTO MASS SUICIDE


Subject: RAMOS NAPIKON SA VIDEO CONFERENCE
Newscast: TVPATROL - Air Date: 10/25/96

Napikon si Pangulong Ramos sa mga tanong ng foreign reporters sa isang video conference kaninang madaling araw tungkol sa pagbawal sa pagpasok ni Nobel Peace Prize winner Jose Ramos Horta sa bansa at ang East Timor issue. Nangangamba ang Pangulo na baka mapahiya lamang ang mga foreign opposition leaders kapag dumalaw ang mga ito sa bansa. Matatandaan na hindi pinayagan ni Ramos na dumalaw ang East Timor leader sa bansa dahil ayaw nitong magkaroon ng conflict kay President Suharto ng Indonesia,na siyang namagitan sa peace talks ng pamahalaan at ng MNLF noong nakaraang buwan lamang.

Ang East Timor ay isang lugar sa Indonesia na nais ng kumalas sa nasabing bansa at si Ramos-Horta ang kanilang pinuno.

Ayon pa rin sa Chief Executive, hindi rin makakasama si President Lee ng Taipeh sa darating na APEC meeting.


Subject: REAKSIYON NG INDONESIA
Newscast: TVPATROL - Air Date: 10/25/96

Binasag na ng Indonesia ang pananahimik nito sa mga bintang ng human rights violations sa East Timor. Sa isang pahayag, iginiit ng Indonesia na hindi nito sinisiil ang kalayaan ng mga mamamayan ng East Timor.

"... in no way are the people of East Timor being oppressed. ... Only when East Timor integrated itself with Indonesia that the East Timorese began to enjoy universal suffrage, adequate political representation and real opportunities for economic upliftment..."
Kinuwestiyon ng Indonesia kung bakit ang ginawang batayan ng pagkakahirang nina Bishop Carlos Felipe Jimenes Belo at Jose Ramos Horta sa Nobel Peace Prize ay ang pagsasakripisyo ng mga ito para sa mga East Timorese. Ayon sa Indonesia, mula nang masakop nito ang East Timor ay saka lamang nagkaroon ng representasyon ang mga mamamayan sa pamahalaan.

Samantala, kahit pinal na ang desisyon ni Pangulong Ramos, umaapila pa rin ang Human Rights Watch na ikonsidera ang desisyon nito. Ayon kay Executive Director Sydney Jones, kailangang patunayan ng Pilipinas na itinataguyod nito ang karapatang pantao at kalayaan sa pamamahayag. Pormal namang kukuwestiyonin ng Manila People's Forum sa korte suprema ang ban kay Ramos-Horta sa susunod na Linggo.


Subject: RALLY LABAN SA HUMAN RIGHTS VIOLATION
Newscast: TVPATROL - Air Date: 10/25/96

Kinundina ngayon ng mga militanteng grupo ang anila'y mga mararahas na pagkilos ng Ramos administration makamtan lang ang programa niyang Philippines 2000. Ayon sa PAHRA, kaliwa't kanan ang mga demolisyon ngayon upang palitawin sa mga APEC delegates na papa-unlad na ang ekonomiya ng bansa. Nababahala din ang grupo sa patuloy na pagtaas ng bilang ng mga mamamayang bigla na lamang nawawala dahil sa hayagang pagpuna ng mga ito sa mga programa ng pamahalaan. Sa rally sa Mendiola, iginuhit ng mga protesters sa kalye ang imahe ng mga naging biktima ng karahasan at nagsindi ng kandila ang mga ito bilang simbolo ng mga paglabag sa karapatang pantao ng pamahalaang Ramos.

Samantala, dumulog na sa DOJ ang grupong KAPATID upang hilingin ang pagpapalaya sa natitira pang isandaan at pitumpung political detainees.


Subject: HUWETENG/GUN RUNNING
Newscast: TVPATROL - Air Date: 10/25/96

Sinibak ni DILG Secretary Robert Barbers ang hepe ng pulisya sa San Rafael, Bulacan dahil sa patuloy na operasyon ng jueteng doon. Limampung katao ang naaresto ng PARAC sa isinagawang raid sa isang jueteng den, kabilang ang isang barangay captain. 34-24-34, ito ang huling patama ng jueteng operation sa San Rafael Bulacan. Ito rin ang nagturo sa otoridad ng PARAC DILG para masakote ang grupo ni Abet Viceo--kapatid ni Mayor Jesus Viceo. Pinaiimbestigahan na ni Secretary Barbers si San Rafael Mayor Jesus Viceo. Sibak din si Insp. Edilberto Velasquez-Ang, Chief of Police sa San Rafael. Kasamang naaresto ang Kaingin Barangay Capt Alberto Reyes.

Sa huling kampaniya ng DILG, limampu ang naaresto, kabo, financiers, maging ang mga mananaya. Big-time at de radyo pa sa operation ang mga nahuli. Mga cash, ruta, at iba pang gamit sa pagbobola ang nakumpiska nina Col. Elnora Bernardino.

Samantala, daan-daan libong pisong halaga ng mga piyesa ng baril ang nasamsam ng Bureau of Customs mula sa tatlong forty footer container van na dumating sa bansa mula sa Estados Unidos. Ang kontrabando ay kinabibilangan ng libo-libong mga bala ng kalibre-45 at 9-milimeter, magazines, barrel at mga gun shooting parapehrnalia. Naka-"consign" sa "secretariat for the propagation of faith reaching out foundation, incorporated" ang kargamento. Pinalabas na mga relief goods para sa mga mahihirap at biktima ng kalamidad ang mga parte ng armas na tinakpan ng mga lumang damit. Ang "consignee" na may address sa Paco Manila ay may lisensiya umano mula sa DSWD.


Subject: PINAKABATANG SHABU ADDICT
Newscast:
TVPATROL - Air Date: 10/25/96

Laganap na talaga ang mga ipinagbabawal na gamot sa bansa. Pati mga bata ay nakakabili na rin umano nito na parang kendi. Kagabi ay dinala si Adalberto Gaa ng kanyang mga foster parents sa wpd narcotics unit para ipa-rehabilitate. Sampung taon pa lamang daw siya ng makatikim ng shabu sa mga barkada. Ninanakawan ni Gaa ang kanyang pangalawang magulang para matustusan lamang ang kanyang bisyo. Naging matulungin naman ang bata sa mga awtoridad dahil tinuro niya ang pinagkukunan niya ng ipinagbabawal na gamot. Lima katao ang hinuli ng mga pulis sa Sampaloc, manila dahil sa pagtitinda ng shabu. Dahil sa murang edad ni Gaa, ito ay ituturn-over na lamang ng WPD narcotics unit sa DSWD. Ayon pa kay Yabut, ang bata ay ipapasok na lamang sa rehabilitation center.


Subject: JALOSJOS NAGTAGO!
Newscast: TVPATROL - Air Date: 10/25/96

Ipinadidismiss ni Congressman Romeo Jalosjos ang kasong rape na isinampa laban sa kanya ng labing-isang taong gulang na biktima. Hiniling naman ng prosekusyon na ipawalang-saysay ang naunang report ng NBI na nagpapalakas sa depensa ni Jalosjos.

Iginigiit ng mga abogado ng batang si delantar na puno ng iregularidad ang resulta ng imbestigasyon ng NBI. Anila, ang findings ng NBI ang siyang ginamit ngayong ebidensiya ni Jalosjos para ipabasura ang kasong rape laban sa kanya. Sa imbestigasyon ng NBI, lumitaw na hindi natukoy ng biktima ang larawan ni Cong Jalosjos. Hindi rin umano alam ng bata ang buong pangalan ng kongresista. Naging mailap pa rin si Jalosjos at hindi na naman ito lumitaw sa DOJ. Abogado lang niya ang nagsumite ng 43 pahinang sagot sa akusasyon. Binibigyan ng DOJ ang prosekusyon ng limang araw upang isumite ang kanilang oposisyon.


Subject: UPDATE SA CAVITE MASAKER
Newscast: TVPATROL - Air Date: 10/25/96

Humingi ng hustisya ang mga kamag-anak ng tatlong katao na umano'y pinaslang ng mga pulis sa Imus, Cavite, noong Sabado. Sina Nestor de Guzman, ang asawa nitong si Teofila at anak na si Eugenio ay napatay ng mga pulis, malapit sa bahay ng mga biktima sa barangay Lumil, Silang Cavite. Batay sa report ng pulisya, nanlaban ang mga biktima nang isisilbi ang warrant of arrest laban kay Nestor. Pinabulaanan naman ito ng mga kamag-anak ng biktima, anila, walang armas ang mga biktima at basta na lamang nagpaputok ang mga pulis nang lumabas sa bahay ang mga napaslang. Ang isa sa raiding team ay manugang ni Felimon Castillo, na ang pagkamatay noong 1985 ay ibinibintang kay Nestor de Guzman.


Subject: CRUSADE AGAINST VIOLENCE
Newscast: TVPATROL - Air Date: 10/25/96

Pinabulaanan ng Malakanyang na umiiral na ang curfew sa Subic kaugnay ng nalalapit na APEC summit. Gayunman, ini-utos na rin ni Interior Secretary Robert Barbers ang imbestigasyon sa curfew. Ayon kay SBMA Chairman Richard Gordon, hindi siya nagpapalabas ng direktibang nagpapa-iral ng curfew sa Subic. Sinuportahan din ni Press Undersecretary Honesto Isleta ang testamento ni Gordon. Ayon kay Isleta, na siya ring Acting Chairman ng APEC News Bureau, hindi umano ang pamahalaan ang nagpatupad ng nasabing curfew sa Zambales kundi ang Western Luzon Agricultural College. Ngunit sa panayam ng DZMM kay Zambales Governor Amor Deloso, inamin niyang nagpatupad nga ng curfew sa lugar ngunit hindi umano ito kunektado sa APEC kundi parte ng kanilang anti-drug abuse. Sinabi ni Deloso na iiral ang curfew mula alas diyes ng gabi hanggang alas kwatro ng umaga para sa mga kabataang edad disi-otso pababa simula ngayong araw na ito. Samantala, ipapatawag naman ni DILG Secretary Robert Barbers si Regional director Ed Aglipay upang imbestigahan ang alegasyon.


Subject: KULTO MASS SUICIDE
Newscast:
TVPATROL - Air Date: 10/25/96

Habang palapit ang ika-dalawamput walo ng Oktubre ay lalong nangangamba ang mga mamamayan na ang mga kamag-anak ay nasa Claveria, Misamis Oriental pa at miyembro ng kultong World Elijah Gospel Missionaries dahil sa napabalitang magma-mass suicide ang nasabing kulto na may isanlibong miyembro. Ang balita ay nagmula mismo sa kapatid ng isang opisyal ng Elijah Mission na nakausap ng isang taga-Cagayan de Oro City. Narito ang panayam ng grupo ng Magandang Gabi Bayan.

Testigo: "Ang target date nila Oct. 28 something will happen. Sabi niya nabasa niya sa letter of instruction ng kanilang leader na 'the Prince is coming to claim 144,000 and in order for you to be one of the 144,000 you have to die first.'"
Ang tinutukoy na prince ay si Hesus. Naniniwala ang mga miyembro ng Elijah Gospel Mission na ang kanilang Korean Founder na si Myung Ho Park, na tinatawag nilang "teacher" at "real daddy" ay reincarnation ni Hesus.
Miyembro: "Iyong si teacher at saka kuwan isa lang iyon dahil isa lang iyon una iyong pagbalik niya diyan na siya pumasok sa kay teacher."
At dahil Dinidiyos nila si Park, lahat ng ipag-utos nito ay susundin ng Elijah members. Itinatanggi naman ng mga kasapi na magma-mass suicide sila ngayong Oktubre beinte-otso, pati na ang iba pang human rights violation, exploitation at iba pang isyu laban sa kanila.
Bonifacio Jalasan, Director, Elijah: "Iyan ang kwan ang black propaganda kasi wala iyan sa isip ng mga miyembro."
Sa kabila nito, sa halip na mamatay ang balita ay lalo itong lumalaki, kung kaya't naki-alam na si Claveria, Misamis Oriental Mayor Antonio Calingin sa kulto na nagbibigay ng masamang imahe sa kanilang bayan.
Mayor Antonio Claveria, Misamis Oriental: "We already have a game plan with Chief of Police at the Provincial station Commander, Provincial Director. I mean kung anong gagawin namin para to deter whatever plans they are trying to undertake in the near future."
Sa Magandang Gabi Bayan ngayong Sabado ang kabuuan ng report na ito.


Go Back to The News Service Index