Newscast: TV Patrol - Broadcast date: 11/28/96
Homepage: ABS-CBN Broadcasting Corp.
Copyright © 1996, ABS-CBN Broadcasting Corp.

SUSPEK SA CHUI MASSACRE SUMUKO
FRAT MEMBER MAKUKULONG
PINAKAMATAAS NA KARANGALAN PARA KAY FVR
SOLGEN MAG-AAPILA
TURNOVER SA AFP
SHABU LABORATORY
BOMB SCARE SA MIRIAM COLLEGE
HUNGER STRIKE SA MUNTI


Subject: SUSPEK SA CHUI MASSACRE SUMUKO
Newscast:
TVPATROL - Air Date: 11/28/96

Sumuko na sa pulisya sa Northern Samar ang umano'y mastermind sa Chui massacre. Ang suspek na si Rolando Poblares Abria, desi-otso anyos, ay pamangkin mismo ng biktimang si Mrs. Maria Fe Chui. Si Abria ay nakitira noon sa tahanan ng mga Chui sa Quezon city. Inamin ni Abria na nagawa niyang patayin si Mrs. Chui at dalawang anak nito noong Abril a-trese, matapos siyang pagalitan at sampalin nito nang magsama siya ng mga kaibigan sa bahay. Itinuro rin ni Abria ang kanyang pinsan na si Leonardo Gaspan at Joel diwan na kasama niya sa krimen. Sila ay naaresto na rin ng pulisya. Ang mga suspek ay inaasahang dadalhin sa PNP/CIC sa Kampo Crame ngayon gabi.

Hiniling ng Malakanyang sa korte suprema na pag-aralan ang posibleng pagrerepaso sa mga desisyong nagpawalang-sala sa mga akusado sa "heinous crimes". Ayon kay Chief Presidential legal counsel Rene Cayetano, pag-aaralan din nilang mabuti ang "double jeopardy principle". Ang hakbang ay bunsod na rin ng pagkaka-acquit ng mga akusado sa mabibigat na kaso tulad ng Vinculado murder at Federico rape-slay.


Subject: FRAT MEMBER MAKUKULONG
Newscast: TVPATROL - Air Date: 11/28/96

Hinatulan ng Manila Regional Trial Court ng habambuhay na pagka-bilanggo ang isang dating estudyante na pumatay ng kapwa niya estudyante noong 1994. Gayunman, wala pa ring katarungan nakuha ang pamilya ng biktima dahil ang salarin ay pinawalan ng korte. Dalawang taon na ipinaglaban sa korte ng pamilya ng biktimang si Jellico Gamilla ang kasong murder laban sa akusado na si Rommel Concepcion pawang mga estudyante ng FEU. Ngayon ang desisyon na life imprisonement laban sa suspek ay binasa sa sala ni Judge Perfecto Laguio Junior. Subalit ni anino ng partido ng suspek ay wala sa promulgation kanina sa manila regional trial court. Ayon sa crusade against violence naging mailap muli ang justisya sa biktima at naiwang pamilya. Sa kabila ng kasong murder, si Concepcion ay pinayagang makapag-piyansa ni Manila RTC branch 42 Judge Felipe Tongco, ang hukom na unang humawak ng kaso. Wala daw sapat na ebidensiya laban dito para siya ay hindi payagang magpiyansa. Agad sinugod ng pamilya ng biktima si Tongco na tumanggi namang humarap sa kanila.

Ang pagpaslang ay naganap noong hulyo katorse sa harap ng FEU. Awayan ng mga Fraternity Tau Gamma Phi at Visayas and Mindanao Student Association ang ugat ng krimen. Si Gamilla ay dalawang ulit na binaril ng salarin na si Concepcion. Agad na humingi ng tulong sa Department of Justice ang pamilya ng biktima.


Subject: PINAKAMATAAS NA KARANGALAN PARA KAY FVR
Newscast: TVPATROL - Air Date: 11/28/96

Ipinasa na ng senado ang Senate Concurrent Resolution Number Nine na nagbibigay ng pinakamataas na papuri o karangalan kay Pangulong Ramos sa matagumpay na pagdaraos ng APEC summit. Ito nama'y matinding tinutulan ni Senador Miriam Defensor Santiago. Sa botohang 11-to-one, ipinahayag ng senado ang kanilang pagbati at papuri sa pangulong Ramos at sa administrasyon nito dahil sa matagumpay na APEC Summit. Isinama rin ng mga senador si Vice President Joseph Estrada sa papuri dahil sa papel na ginampanan nito sa naturang okasyon. Subalit hindi lahat ay nadala sa euphoria ng APEC. Hindi naniniwala si Senadora Santiago na hindi gagamitin ng pangulo ang APEC para isulong ang kanyang ikalawang termino. Ayon naman kay economist Benjamin Diokno, mababalewala ang APEC, kung hindi ipapatupad ng pamahalaan ang mga tamang patakaran sa ekonomiya.


Subject: SOLGEN MAG-AAPILA
Newscast: TVPATROL - Air Date: 11/28/96

Iaapila ng pamahalaan ang pagkakapalaya ng Quezon City RTC kay Filemon "Popoy" Lagman. Inatasan na rin ng Justice Department ang office of the solicitor general na magsampa ng reklamong grave abuse of authority laban kay judge Noel Tijam. Kakasuhan din ng palsipikasyon ng DOJ si Tijam matapos nitong sabihing walang kalakip na criminal information ang isinilbing warrant of arrest kay Lagman.

Nakatakda namang magsampa ng kasong graft si Lagman laban kay senior state prosecutor Ferdinand Abesamis, siya umanong hitman ng militar sa DOJ. Tuloy-tuloy na ang laban ni Ka Popoy para sa mga mangagawa. Tiniyak din niya na hindi siya mag-a-underground. Tinuligsa ni Popoy ang Manila action plan na isinumite ng pangulo sa nakaraang Summit. Aniya, tuloy na ang paghihirap ng mga mangagawa, mababang pasahod, kontraktualisasyon, at iba't ibang uri ng eksploitasyon. Tinuligsa rin ni Popoy ang umano'y makakaliwang grupo nina Crispin Beltran at Satur Ocampo na sumisira sa lehitimong laban ng uring mangagawa.

Ayon naman kay Satur Ocampo,

"Mr. Lagman has long held himself as a heritic in the movement because of actions that has caused his suspension from positions of authority in the movement, but he thinks the line he is taking is the correct one." Bukas magsasampa ng kasong paglabag sa anti-graft law at pamemeke ng public documents, ang grupo ni Lagman laban kay gov't. prosecutor Ferdinand Abesamis.

Idineklara na ni Pangulong Ramos ang animnapung araw na tigil-putukan simula ngayong Disyembre a-uno hanggang Enero a-beinte nuebe ng 1997. Ito ang siyang pinakamatagal na suspensiyon ng operasyong militar. Layunin ng hakbang na patunayan ang sinseridad ng gobyernong maisulong ang kapayapaan. Gayunman, hindi sakop nito ang karaniwang law enforcement functions laban sa mga kriminal.


Subject: TURNOVER SA AFP
Newscast: TVPATROL - Air Date: 11/28/96

Babalasahin ni incoming AFP Chief of Staff Lt. Gen. Arnulfo Acedera ang hanay ng militar pag-upo niya sa puwesto. Ayon kay Acedera, maaapektuhan nito ang limang pinakamataas na puwesto sa AFP GHQ. Nilisan na ngayon ni Gen. Arturo Enrile ang kanyang tungkulin sa turnover ceremonies na dinaluhan ni Pangulong Ramos.


Subject: SHABU LABORATORY
Newscast: TVPATROL - Air Date: 11/28/96

Isang hinihinalang laboratoryo ng shabu sa Marina Bay Homes, Paranaque ang ni-raid kagabi ng mga otoridad. Mabilis na nakatakas ang mga suspek. Mainit pa ang makina ng kanilang sasakyan ng dumating ang grupo. Hinihinalang nakatunog sila. Sa bisa ng search warrant at warrant of arrest, sina Danny Chan alias "King Hung", Calvin Lau alias Peter Lau, Ronald Moy, Robert Lim at isang alias Michael Lau, mga chinese nationals, na pawang mga miyembro ng 14-k gang, ang target. Ang pagkakaaresto kay Lucky Lau, isang Taiwanese national na nahulihan ng dalawang daang kilo ng shabu sa Tagaytay City, kamakailan, ang naging daan para mabunyag ang shabu laboratory.

Bukod sa dalawang kilo ng shabu, labing anim na bungkos ng salapi, shabu paraphernalias at pang-luto ng shabu ang nabawi sa inuupahang bahay ng limang notorious drug pushers.


Subject: BOMB SCARE SA MIRIAM COLLEGE
Newscast: TVPATROL - Air Date: 11/28/96

Sinuspinde kaninang tanghali ang mga klase sa Miriam College sa Quezon City dahil sa isang bomb threat. Dalawang beses na nakatanggap ng tawag ng pananakot ang mga opisyal ng kolehiyo mula sa isang lalaking nagpakilalang miyembro ng NPA. Isang bomba umano ang nasa compound ng paaralan at sasabog daw ganap na alas dose ng tanghali kanina. Agad namang nag-responde ang bomb disposal unit at swat team ng CPD Station-9 subalit walang natagpuang bomba. Noong nakaraang Linggo ay nakatanggap din ng bomb threat ang Saint Bridgette school na kalapit lang ng Miriam College.


Subject: HUNGER STRIKE SA MUNTI
Newscast: TVPATROL - Air Date: 11/28/96

Tiniyak ng Commission on Human Rights na lalakarin nila sa tanggapan ng pangulo ang kahilingan ng mga nag-ha-hunger strike na preso sa new bilibid prison sa muntinlupa. Ito'y matapos isugod sa infirmary ang pito sa apat-napu't isang preso a nag-pro-protesta. Ang hunger strike ay nagsimula noong a-nueve ng Nobyembre. Nais nilang mabigyan sila ng amnestiya ng pangulo. Subalit ayon sa mga otoridad, hindi maaring mangyari ito dahil hindi sila political detainees.

Go Back to The News Service Index