Newscast: TV Patrol - Broadcast date: 11/27/96
Homepage:
ABS-CBN Broadcasting Corp.
Copyright © 1996, ABS-CBN Broadcasting Corp.

KOREANO NAGPANGGAP NA APEC DELEGATE
RALLY SA SMOKEY MOUNTAIN
TATLONG BATA NANGGAHASA NG KAPWA BATA
POPOY, PINALAYA NA
ISA ANG NAMATAY SA PAGSABOG
ANAK NG KONGRESISTA, SINAMPAHAN NG KASO
PALAYAIN SI CONTINENTE AT ITAAS
MAGKATUWANG NA OIL AT GAS EXPLORATION
MGA VILLAS AY NAKATAKDANG IPAGBILI
CHRISTMAS EXPRESS LANES


Subject: KOREANO NAGPANGGAP NA APEC DELEGATE
Newscast:
TVPATROL - Air Date: 11/27/96

INARESTO ng mga awtoridad ang isang Korean businessman na nagpanggap na APEC delegate matapos nitong takasan ang nabanggang kotse sa Ermita, Manila. Hinuli rin ang kanyang driver na nagkunwari namang miyembro ng Presidential Security Group. Nagsisigaw at nagmumura pa si Chul-ung Hwang, 27 anyos, ng BF Homes, Las Pinas, ng dalhin ito sa presinto. Kasamang dinakip ang driver nitong si Danilo Feliciano. Lasing na lasing ang dalawa kung kaya't pinasok nila ang Mabini Street, isang one-way street at nabangga ang kotse ng hepe ng Western Police District Criminal Investigation Unit. Subalit, ng suriin ng mabuti ang Philippine National Police ID ni Feliciano, ito pala'y peke! Pumalag at tumangging sumama si Hwang at Feliciano sa mga pulis sa presinto. Nagpasya ang pulisya na hindi na nila kakasuhan si Hwang. Nguni't nakatakdang sampahan ng kasong "usurpation of authority" at "resisting arrest" si Feliciano.


Subject: RALLY SA SMOKEY MOUNTAIN
Newscast:
TVPATROL - Air Date: 11/27/96

ISANG taon makalipas ang demolisyon sa "Smokey Mountain", mahigit 100 residente doon ang nagsasagawa ng rally. Hindi daw tinupad ng pamahalaan ang mga pangako sa kanila. Noon, ang "Smokey Mountain" ay isa sa mga pangit na "landmark" ng Maynila. Ngayon, ito ay malinis na. Wala na ang basura at wala na rin ang mga residenteng nabubuhay lamang sa pagkalkal rito. Pangako sa kanila, ibayong kabuhayan. Sa unang anibersaryo ng demolisyon ng mga squatter sa "Smokey Mountain", marami daw ang hindi natupad sa mga pangako. Kabilang dito ang disenteng tirahan ng may 165 squatter families. Di tulad ng mabahong basura na kanilang pinagkakakitaan, mabango daw ang salita ng Pangulo na bibigyan sila ng kabuhayan sa pamamagitan ng P1 milyong para sa livelihood program. Marami na rin namang mga residente ng "Smokey Mountain" ang nabigyan ng maayos na tirahan sa mga housing project na ito. Maaring kailangan lang daw paalalahanan ang pamahalaan sa nalalabing mahigit 100 pamilyang umaasa.


Subject: TATLONG BATA NANGGAHASA NG KAPWA BATA
Newscast:
TVPATROL - Air Date: 11/27/96

ISANG anim na taon gulang na batang babae ang ni-rape ng tatlong kabataang lalaki. Ang dahilan? Natukso ang mga batang suspek sa malalaswang babasahin at palabas sa betamax. Sa bakanteng barangay outpost ng Lascano Street, Barangay Sacred Heart, Quezon City, nangyari ang umano'y panghahalay ng tatlong bata kay "Nene", di niya tunay na pangalan. Ang dalawang suspek na walong taong gulang ang sinasabing nauna, sumunod ang pangatlong suspek na 13 gulang. Ayon sa mga bata, na-enganyo sila sa kanilang mga nakikita sa telebisyon. Malimit makipanood ang bata sa kanilang kapitbahay na merong betamax. Nalaman lamang ng ina na nagalaw ang kanyang anak dahil sa kapitbahay. Pansamantalang nasa custody ng pulisya ang mga biktima. Samantala, magsasagawa ng pagdinig ang Senado sa paglaganap ng malalaswang babasahin at larawan sa mga tabloid na sinasabing isa sa mga tukso sa mga kabataan para gumawa ng malalaswa. Naniniwala sina Senators Leticia Ramos-Shahani at Ramon Magsaysay na dapat nang i-regulate ang pag-iimprenta ng mga malalaswang babasahin. Anila, ginagamit na katuwiran ng ilang publishers ang isinasaad ng konstitusyon ukol sa "freedom of the press".


Subject: POPOY, PINALAYA NA
Newscast: TVPATROL - Air Date: 11/27/96

MATAPOS ang APEC Summit, pinalaya na si Filemon "Popoy" Lagman. Dinala muna si Popoy sa Makati Medical Center upang masuri ang kanyang kondisyon kasunod din ng isinagawa nitong hunger strike sa bilangguan. Dinakip si Lagman noong Nobyembre 12, dahil umano sa kasong murder. Ayon kay Judge Noel Tijam ng Quezon City Regional Trial Court, iligal ang pagkakadetine kay Lagman. Nguni't hindi sapat ito para kay Congressman Edcel Lagman. Aniya, umiral man ang katarungan, nagtagumpay na rin ang pamahalaan sa pagpigil kay Popoy na mapamunuan ang mga protesta laban sa APEC. Kasunod ng utos ng hukuman, tiniyak na rin ni outgoing AFP Chief of Staff Gen. Arturo Enrile na igagalang nila kung ano ang itinatakda ng batas. Sa isang pahayag, sinabi naman ni Popoy na isusulong pa rin ngayon ng mga manggagawa ang kanilang pagkilos laban sa di-makamanggagawang epekto ng pagbubukas ng ekonomiya. Ang utos ng hukuman ay ipinalabas sa ikalabindalawang araw ng hunger strike ni Lagman. Ito ang ikalawang pagkakataon sa loob ng dalawang taon na ini-utos ng korteng mapalaya si Lagman sa iligal na detensiyon.


Subject: ISA ANG NAMATAY SA PAGSABOG
Newscast:
TVPATROL - Air Date: 11/27/96

ISANG mananahi ang namatay samantalang dalawang manggagawa ang malubhang nasugatan nang sumabog ang bahay na ginawang pagawaan ng paputok sa Sta. Maria, Bulacan, kaninang umaga. Durog-durog ang konkretong bahay ni Mrs. Eduarda Mendoza, ubos ang kabuhayang ipinundar nilang mag-asawa nuong nasa Taiwan pa sila. Nguni't ang higit na masakit, sinikap ng mga doktor na sagipin si Mrs. Mendoza nguni't grabe ang tinamong sugat nito kung kayat namatay rin siya. Third degree burns naman ang inabot nina Antonio Dichoso at Gilbert Vergara, kapwa trabahador ni Mendoza. Isa lamang ang bahay ni Mrs. Mendoza sa maraming guerilla-type na gumagawa ng paputok sa Sta. Maria, Bulacan. Ayon sa mga naunang ulat, walang permit at safety devices ang nasabing pagawaan kayat hindi nasusuri ang proceso ng paggawa o ang panganib na idudulot nito. Mabilis umanong uminit ang pulbura kung nababasa. Ilang drum umano ng pulbura ang inilipat ng mga biktima sa loob ng bahay dahil sa umuulan. At ito ang naging dahilan ng pagsabog. Maghigpit man ang pulisya, nagpapatuloy ang industriya ng paputok sa Bulacan, illegal man o hindi.


Subject: PANGULONG RAMOS, WALANG BALAK...
Newscast:
TVPATROL - Air Date: 11/27/96

WALANG balak ang Pangulong Ramos na gamiting plataporma ang tagumpay ng Asia-Pacific Economic Cooperation (APEC) Summit para manatili sa puwesto. Sinabi ni Pangulong Ramos na hindi niya hahayaang sirain ng pulitika ang tagumpay na ito. Hindi maitatanggi, isang malaking tagumpay ang APEC 1996. Maging ang mga senador bumulib kay Ramos. Kaya naman nababahala ang Pangulo na baka masira ang APEC ng pulitika at intriga. Sinabi ni Ramos na wala siyang kinalaman sa mga plano umano ng ilang taga-Lakas Party na gamitin ang APEC para patagalin ang kanyang panunungkulan. Ilang ulit na din sinabi ni Ramos na hanggang 1998 na lang siya at hindi siya kakandidato muli.

Sa kabila nito, hindi ang tagumpay ng APEC ang tinuturing ni Ramos na rurok ng kanyang panunungkulan. Sa Hunyo 1998, sa sentenaryo ng kalayaan ng Pilipinas, umaasa si Ramos na magiging ganap na kasarinlan ng bayan. Samantala, hiniling ngayon ng mga negosyante na tiyakin ng pamahalaang magiging parehas ang playing field kahit dumagsa sa bansa ang dayuhang mamumuhunan. Ayon kay Robina Food Manufacturer President Joey Concepcion, hindi sila natatakot sa pagbubukas ng ekonomiya ng bansa gaya ng napagkasunduan sa APEC. Salungat ito sa inihayag ni Congressman Joker Arroyo na bagama't sumusuporta ang mga managers ay nababahala naman sa liberalisasyon ang owners ng malalaking negosyo sa bansa. Naniniwala si Concepcion na makakatulong sa lokal na negosyante ang pagpasok ng dayuhang mamumuhunan. Inihahanda na rin umano nila ngayon ang kanilang mga tauhan para sa kumpetisyon.

Subject: ANAK NG KONGRESISTA, SINAMPAHAN NG KASO
Newscast:
TVPATROL - Air Date: 11/27/96

SINAMPAHAN na ng kasong iligal na pagdadala ng baril ang anak ng isang babaeng kongresista kaugnay ng umiiral na gun ban sa ginanap na APEC Summit. Hinuli si Roberto Borja-Agana habang bumibili sa isang fruit stand sa E. Rodriguez Avenue, Quezon City base sa isang warrant of arrest laban sa kanya sa kasong light threats. Nguni't binalewala niya ito at sa halip nagpakilalang anak siya ni Congresswoman Venice Borja-Agana ng Bohol. Ayon kay Eastern Police District chief, Senior Superintendent Lucas Managuelod, matagal na ang reklamo ng pananakot ng mga tauhan ng Robinson's Apartelle laban sa batang Agana. Subalit kahit na maliit lang ang kaso ay lumaki nang mahulihan ng baril ang anak ng kongresista kahit na may gun ban. Samantala'y itinanggi ng EPD na tinangka nilang itago ang kaso ni Agana. Sinubok ng ABS-CBN News na makuha ang panig ni Roberto Agana subalit ito'y tumanggi.


Subject: PALAYAIN SI CONTINENTE AT ITAAS
Newscast:
TVPATROL - Air Date: 11/27/96

NANAWAGAN naman kay Pangulong Ramos ang samahang KARAPATAN na palayain sina Donato Continente at Juanito Itaas. Sina Continente at Itaas ay hinatulang mabilanggo ng habambuhay noong 1991, kaugnay sa pagpaslang kay JUSMAG Military Adviser Colonel James Rowe. Limang taon na silang nakakulong sa maximum security compound ng National Bureau of Prisons in Muntinlupa. Sa kabila ng hatol ng mababang hukuman na habambuhay na pagka-bilanggo, naniniwala ang mga kamag-anak ng dalawa na wala silang kasalanan. Iginigiit nila na sina Continente at Itaas ay mga political prisoners na dapat palayain dahil kung may nagawa man silang kasalanan, ito'y bugso ng kanilang paniniwalang pulitikal. Tinuligsa rin ng KARAPATAN ang umano'y pakikialam ng Amerika sa kaso nina Continente at Itaas. Anila, dalawang beses ng inirekomenda ng Department of Justice ang kanilang conditional pardon ngunit hinarang ito ng Amerika sa katuwirang sila'y karaniwang kriminal. Ang kaso nina Continente at Itaas ay naka-apila ngayon sa Korte Suprema.


Subject: MAGKATUWANG NA OIL AT GAS EXPLORATION"
Newscast:
TVPATROL - Air Date: 11/27/96

ISINA-ISANTABI nina Pangulong Ramos at Chinese Premiere Jiang Zemin ang pag-aagawan ng dalawang bansa sa Spratlys group of islands. Sa halip, ang pinagtuunan nila ng pansin ay ang magkatuwang na oil at gas exploration sa Mischief Reef. Pinag-usapan din ng dalawa sa loob ng isang araw na State Visit ni Jiang ang katayuan ng mga manggagawang Pilipino sa Hong Kong sa 1997, at clemency sa dalawang Pilipinong nahatulang ng kamatayan sa Tsina dahil sa drug trafficking. Hindi nila pinag-usapan ang alitan ng dalawang bansa sa Spratlys. Sinabi ng Pangulo mas gusto nilang pag-usapan ang bagay na positibo. Nito lamang nakaraang taon, nag-girian ang Philippine Navy at Chinese Navy sa may Spratlys dahil inagaw umano ng Tsina ang ilang islang pagmamay-ari ng Pilipinas. Tanda marahil ng diplomasya sa Asya na ang mga suliraning tulad ng Spratlys ay mas malulunasan pag matatag ang pagkakaibiganan ng dalawang bansa.


Subject: MGA VILLAS AY NAKATAKDANG IPAGBILI
Newscast:
TVPATROL - Air Date: 11/27/96

MATAPOS ang Asia-Pacific Economic Cooperation (APEC) Summit, malaki pa rin ang maaring maging pakinabang sa mga "villa" na pansamantalang tinuluyan ng mga APEC leaders. Dito dati nakaimbak ang ammunition ng U.S. Navy na ngayon ay kinatatayuan ng 21 villas ng mga APEC leaders. Ang mga villas ay nakatakdang ipagbili. Limang bansang miembro ng APEC, kabilang na ang Brunei at Papua New Guinea ay interesadong kumuha ng 50-year lease sa villas. Ang mga villas ay natapos lamang sa loob ng pitong buwan at nakatakdang ma-ilathala sa Architectural Digest, patunay na kaya ng mga Pilipino na makipagsabayan sa mundo. Katulad ng villa na ginamit ni U.S. President Bill Clinton kung saan siya nagbihis ng kanyang barong bago siya salubungin ni Pangulong Ramos. May jacuzzi itong nagmamasahe sa ulo at paa. Ang inidoro ay may electronic flush pa! Ang mga muebles at ibang accessories ay nakuha mula sa apat na continente ng mundo. Ang mga bulaklak naman ay galing pang Indonesia at inayos naman ng isang Taiwanese.


Subject: CHRISTMAS EXPRESS LANES"
Newscast: TVPATROL - Air Date: 11/27/96

MATAPOS ang APEC "Friendship Lanes", sisimulan namang ipatupad sa Disyembre ang Christmas Express Lanes. Pami-pamilya ngayon ang makikitang laman ng mga shopping malls. Ngayon pa lamang ay marami nang namimili ng kanilang mga regalo. Hindi mga lansangan ang nagsisikip ngayon sa trapiko kundi sa mga shopping malls. At tila namamayagpag na ang diwa ng Pasko at nagsulputan na ang mga tiangge. Namahinga rin ang mga kriminal sa panahon ng APEC. Maliliit na kaso lamang ang nai-blotter sa mga presinto. Maging ang mga foreigners ay sinamantala rin ang bakasyon. Gayunman, inireklamo rin nila ang problema ng trapiko. Para sa ibang mga Pinoy, bagamat hindi gaanong pansin ang APEC, ay umaasa pa rin silang hindi lamang bakasyon ang dulot nito, kundi pang matagalang benepisyo para sa mga Pinoy.

Go Back to The News Service Index