Newscast: TV Patrol - Broadcast date: 11/26/96
Homepage: ABS-CBN Broadcasting
Corp.
Copyright © 1996, ABS-CBN Broadcasting
Corp.
Subject: FVR ON APEC/SECURITY
Newscast: TVPATROL - Air Date: 11/26/96"Pinakamataas na karangalan" ang igagawad ng dalawang kapulungan ng kongreso kay Pangulong Ramos dahil sa tagumpay umano ng Asia-Pacific Economic Cooperation (APEC) Summit sa bansa. Napahanga ni Pangulong Ramos ang buong kongreso sa naging tagumpay ng pagdaraos ng APEC Summit sa bansa. Isang joint resolution ang bubuuin ng Kamara at Senado para dito. Pinuri ni Senate President Ernesto Maceda ang Pangulo sa pagsisikap nitong mapa-asenso ang Pilipinas sa pamamagitan ng pagho-host ng APEC. Ayon kay House Speaker Jose de Venecia, handa ang Japan at Estados Unidos na magpahiram ng mahigit na $3 milyon upang tulungan ang pagpapa-unlad ng ekonomiya ng bansa. Bukod dito, interesado rin aniyang mamuhunan sa Mindanao ang iba pang bansang miyembro ng APEC. Sa panig ng Senado, tiniyak ni Maceda na isusulong nito ang legislative agenda ng administrasyon upang magtuluy-tuloy ang momentum na idinulot ng APEC sa Pilipinas. Kinilala ng Malakanyang ang tulong ng pribadong sektor sa pagdaraos ng APEC. Ayon kay Press Secretary Hector Villanueva, sulit ang bawa't sentimong ginastos dito ng bansa.
Subject: FEAR IS OVER
Newscast: TVPATROL - Air Date: 11/26/96PURING-PURI naman ang naging performance ng Philippine National Police at ibang law enforcers, bunga ng pagkakaloob ng mahigpit na seguridad sa mga heads of state na dumalo sa summit. Ayon kay Lisandro Abadia, APEC National Organizing Committee director, nasubukan ang katatagan ng ating mga law enforcers sa APEC Summit. Dahil sa magandang performance nito, hindi napahiya ang bansa sa bantang pananakot ng iba't-ibang sektor. Sinabi ni Abadia, di biro ang pag-aabala sa seguridad ng 18 lider ma magkakasama sa iisang lugar. Inamin naman ni Chief Supt Victor Tiangco ng PNP Security Command na labis ang takot nila sa mga dayuhang terorista. Ayon pa kay Tiangco, wala silang nakuhang report na magiging banta ang leftist groups maliban lamang sa mga isasagawang protest rally gaya ng People's Caravan. Gayunman sinabi rin ni Tiangco hindi natatapos sa APEC ang kanilang paghihigpit sa seguridad ng publiko. Samantala, itinanggi ngayon ni abadia na nagsagawa ng cloud-seeding ang militar bilang paghaharang pa rin sa protesta ng mga anti-APEC.
Subject: PULLOUT DUE TO APEC/MEXICO
Newscast: TVPATROL - Air Date: 11/26/96NAGKUKUNWARI lang umano ang mga may-ari ng mga malalaking negosyo sa kanilang pagsuporta sa APEC Summit. Ayon kay Congressman Joker Arroyo, ang totoo'y takot ang mga big-time na lokal na negosyante dahil magkakaroon na sila ng mga matitinik na ka-kompetisyon sa larangan ng "free trade" na siyang isinulong ng nakaraang APEC Summit. Ang Pilipinas ang siyang nagsulong ng ideya na isama ang pribadong sektor sa APEC sa isang "APEC Business Advisory Council" dahil ang naturang sektor ang tunay na nagpapatakbo ng negosyo sa anumang bansa. Bago naganap ang "economic leaders meeting" sa Subic, litaw na litaw ang pagiging aktibo ng mga negosyante dito. Ngunit ayon kay Congressman Joker Arroyo ng Makati, ang mga "professional managers" lamang tulad ni Roberto Romulo ng PLDT na siyang chairman din ng APEC Business Advisory Council at iba pa nitong kasamahan sa "Makati Business Club". Ang sumusuporta sa APEC, ayon kay Arroyo ay ang mga boss ng mga ito. Ang mga malalaking pamilya na nagmamayari ng mga pikakamalaking korporasyon sa Pilipinas ang natatakot sa darating na kompetisyon. Sinabi niyang tiyak na magkakaisa ang mga ito upang protektahan ang kanilang mga "hari-harian" laban sa mga "foreign companies"... Gaya ng AT and T, Wallmart, isang malaking shopping mall chain sa Estados Unidos, at marami pang iba. Nguni't iginiit ng ABAC na ganap pa rin nilang susuportahan ang napagtibay sa APEC Summit. Ang kanila rin umanong pananahimik ay hindi dahil sa takot sa banta ng kumpetisyon.
Samantala, sa harap ng pagsusulputan sa Pilipinas ng iba't-ibang Mexican tele-novela, madaragdagan na rin ang pamumuhunan sa bansa ng mga negosyante mula sa Mexico. Sa pulong kaninang umaga ng mga lider ng Philippine-Mexico Business Council, hinimok ni Chairman Raul Concepcion ang mga Mexican businessmen na dagdagan pa ang investment sa bansa. Sinabi naman ni Mexican President Ernesto Sedillo na ang ginanap na APEC Summit ay hudyat ng mas lalo pang pagsulong ng ugnayang pang-negosyo sa pagitan ng dalawang bansa. Hinikayat din niya ang mga negosyanteng Pilipino na subukang mamuhunan sa Mexico.
Subject: PAGYAO NI PACITA MORENO LOPEZ
Newscast: TVPATROL - Air Date: 11/26/96ANG buong staff po ng TV Patrol at mga empleyado ng ABS-CBN Corporation ay nakikidalamhati sa pagyao ni Ginang pacita Moreno Lopez. Si Mrs. Lopez ay sumakabilang-buhay dakong alas 11:00 kagabi sa Cotton Hospital dahil sa cardiac arrest. Ang kanyang labi ay nakaburol ngayon sa Meralco Chapel, Ortigas, Pasig City. Nakatakdang ilibing si Ginang Lopez sa Huwebes, Nobyembre 28, sa Manila Memorial Crematory.
Subject: POLICE NABBED FOR SHABU
Newscast: TVPATROL - Air Date: 11/26/96Isang pulis na nakatalaga sa Camp Ricardo Papa sa Taguig ang inaresto sa paggamit ng shabu. Si PO3 Randolph Vicente ay nakapiit ngayon sa baler police station matapos mahulihan ng shabu at mga paraphernalia para dito. Unang sinita ng mga otoridad si Vicente nang makitaan ng patalim sa kanyang bewang. At nang usisain ay nakuha mula sa kanya ang ipinagbabawal na gamot.
Go Back to The News Service Index
Subject: 15 HURT/MILF ATTACK
Newscast: TVPATROL - Air Date: 11/26/96Umaabot na sa labing lima-kataong sibilyan ang nasugatan sa serye ng pagpa-pagsabog sa Cotabato City. Kahapon isa na namang insidente ng pambobomba sa bayan ng kidapawan ang naganap. Kumbinsido ang mga otoridad na isang "time bomb" ang sumabog dahil nagawa nitong wasakin ang isang ten-wheeler truck na nakaparada sa pinangyarihan ng insidente. Isang time bomb din ang natagpuan sa loob ng bumubiyaheng bus sa kidapawan. Ang bomba na nakalagay sa isang kahon ay nadiskubre ng konduktor ng bus. Agad itong dinala sa isang military checkpoint para i-defuse. Hinihinala ng mga otoridad na ito'y kagagawan ng mga elementong may koneksyon sa MILF.