Newscast: TV Patrol - Broadcast date: 11/25/96
Homepage:
ABS-CBN Broadcasting Corp.
Copyright © 1996, ABS-CBN Broadcasting Corp.

NAG-TOUR KASAMA SI MING
LIMA ANG NASUGATAN SA SAGUPAANG ANTI AT PRO APEC
THEME SONG NG APEC
NPC AT PMP, PAG-IISAHIN
NORA AUNOR, NAWAWALANG ANAK?
PAENG NANALO SA BOWLING WORLD CUP


Subject: NAG-TOUR KASAMA SI MING
Newscast: TVPATROL - Air Date: 11/25/96

Habang nasa Subic ang mga lider ng APEC, ipinasyal naman ni First Lady Ming Ramos ang mga asawa ng mga delegado sa makasaysayang lugar ng Intramuros. Sila'y nagtungo sa San Agustin Church, Plaza de Real Garden, at sa Casa de Manila kung saan naka-display ang mga kagamitang Pilipinong may halong Kastilang kultura. Matapos ang Intramuros, sila naman ay tumuloy sa Metropolitan Museum kung saan ginanap ang isang fashion show na pinangunahan ng ilan sa pinakamagagaling na Filipino designers. Hindi kasama ang maybahay ni U.S. President Clinton na si Hillary dahil umalis na siya patungong Thailand.


Subject: LIMA ANG NASUGATAN SA SAGUPAANG ANTI AT PRO APEC
Newscast: TVPATROL - Air Date: 11/25/96

Lima katao ang nasugatan nang magkainitan ang ilang pro at anti-APEC sa labas ng isang palengke sa Olongapo City. Isa ang naaresto ng mga pulis matapos pigilin ang magkabilang panig. Samantala, inaasahang magiging normal na ang biyahe ng mga motorista na papunta ng Subic at paluwas ng Maynila. Tinanggal na ng mga otoridad kaninang alas 4:50 ng hapon ang barikada sa Olongapo-Bataan road.


Subject: THEME SONG NG APEC
Newscast: TVPATROL - Air Date: 11/25/96

Hindi lamang mga tanawin, kasuotan at mga pagkain ang ipinagmamalaki nating mga Pilipino, lalo na sa mga delegado sa APEC. Kung entertainment rin lang naman ang pag-uusapan, sa musika, ang mga Pinoy ay masasabing number one. Kabilang sa mga ipapamahagi bilang souvenir sa mga delegado ng APEC ay ang kopya ng APEC theme song na pinasikat ng batang mang-aawit na si Cris Villongco. Hindi lamang barong tagalog at pansit ang matitikman ng mga bisita nating dayuhan sa APEC meeting, maririnig din nila ang tunay na musikang Pilipino. Bukod sa talento ng batang mang-aawit, makukumbinsi sila na pang-world class din ang mga awiting Pinoy. At siguradong masasabi nilang iba talaga ang Pilipino.


Subject: NPC AT PMP, PAG-IISAHIN
Newscast: TVPATROL - Air Date: 11/25/96

Pag-uusapan matapos ang APEC ang pag-iisa ng Nationalist People's Coalition (NPC) at Partido ng Masang Pilipino (PMP). Ani NPC President Senador Ernesto Maceda, maaring si Vice-President Joseph Estrada ang magiging pangulo ng pinag-isang partido. Inaasahan niya na mabubuo na ang naturang partido sa Enero ng susunod na taon. Sa Kalookanm, handa si Mayor Rey Malonzo na harapin ang sinuman kapag natuloy ang recall election sa Disyembre 14. Pero ayon kay dating Mayor Macario "Boy" Asistio Jr., wala ng suporta si Malonzo sa taumbayan. Tatlong option ang pinagpipilian ngayon ni Mayor Malonzo tungkol sa recall order ng Comelec. Magharap ng motion for reconsideration, mag-petisyon sa Supreme Court o harapin ang mga kalaban sa recall election. Apat ang posibleng bumangga kay Malonzo, sinuman sa magkapatid na Macario Jr at Congressman Luis Asistio, Congressman Roberto Guanzon, at Vice Mayor Nancy Quimpo. Pero ayaw nang makaharap ni Malonzo ang dating alkalde ng Kalookan. Binigyang diin ni Malonzo na hindi kapakanan ng mga taga-KalooKan ang layon ng kanyang mga kalaban sa pulitika kundi sirain siya sa anumang paraan.


Subject: NORA AUNOR, NAWAWALANG ANAK?
Newscast: TVPATROL - Air Date: 11/25/96

Ayaw patulan ni Nora Aunor ang isyu tungkol sa dalawang matandang nagsasabing sila ang tunay niyang mga magulang. Malaking balita sa Mindanao kahapon ang pahayag nina Venancio at Monta Agta na mapapatunayan nilang si Nora umano ang matagal na nilang hinahanap na anak. Sabi ng superstar sa ABS-CBN News, di na niya mabilang ang mga taong nagpapanggap na kadugo niya sila. Aniya, ang tunay niyang mga magulang ay nasa Loyola Memorial Park sa Paranaque at ito'y sina Eustaquio Villamayor at si Antonia "Mamay Tunying" Cabaltera na sumakabilang buhay noong dekada otsenta.


Subject: PAENG NANALO SA BOWLING WORLD CUP
Newscast: TVPATROL - Air Date: 11/25/96

Sa ika-apat na pagkakataon ay nakuha ni bowling champion Rafael "Paeng" Nepomuceno ang korona sa World Cup na ginanap sa Northern Ireland. Tinalo ni Nepomuceno ang si Drew Hylen ng U.S. sa iskor na 243 to 172. Si Nepomuceno ay una nang nailista sa Guinness Book of World Records, bilang kauna-unahang bowler na naging World Cup champion ng tatlong beses.

Go Back to The News Service Index