Newscast: TV Patrol - Broadcast date: 11/20/96
Homepage: ABS-CBN Broadcasting Corp.
Copyright © 1996, ABS-CBN Broadcasting Corp.

MALAKANYANG, OPTIMISTIC
COSETENG, SA EXPLOITATION ISSUE
DAMAGES SA SUBIC
SEGURIDAD NG BANSA TINIYAK NG PANGULO


Subject: MALAKANYANG, OPTIMISTIC
Newscast: TVPATROL - Air Date: 11/20/96

SIYENTO PORSIYENTO ang kumpiyansa ng Malakanyang na magiging matagumpay ang idadaos na summit ng Asia Pacific Economic Conference sa bansa. Ito'y sa kabila ng bantang strike ng iba't-ibang labor groups. Ayon kay Executive Secretary Ruben Torres, hindi nababahala ang Malakanyang sa mga pagbabanta ng mga anti-APEC groups na magsasagawa ng kilos-protesta habang ginaganap ang summit. Ani Torres, walang legal na rason ang mga labor groups na mag-welga dahil karamihan sa kanila'y hindi naman nakikipag-negosasyon ng collective bargaining agreement o di kaya'y may reklamong unfair labor practice. Anumang welga na hindi napapa-ilalim sa dalawang kaso ay maituturing iligal.

Ayon naman kay Labor Secretary Leonardo Quisumbing, kailangan pa ring ipagdasal na magiging matahimik ang sektor ng manggagawa habang idinaraos ang APEC summit. Anya, patuloy ang pagbabantay sa pagwe-welga ng ilang hotel at ng Philippine Airlines.

Sa kabila ng magka-ibang pahayag, nagka-isa naman sina Torres at Quisumbing na hindi dapat gawing isyu ng mga manggagawa ang pagkakahuli kay Filemon "Popoy" Lagman dahil hindi ito isang labor issue. Para naman sa Pangulo, dapat ipaubaya na lang sa korte ang kaso ni Lagman. Mananatili pa ring nakakulong si Lagman hanggang sa matapos ang APEC summit matapos bigyan ni Judge Noel Tijam hanggang bukas ang magkabilang panig upang isumite ang kanilang mga karagdagang paliwanag kung ligal o iligal ba ang pagkulong kay Lagman.

Siniguro naman ng mga unyon sa manufacturing industries na walang magaganap na "work stoppage" sa Nobyembre 25, habang isinasagawa nila ang protesta laban sa pag-aresto kay Lagman. Sinimulan na kanina ang pagdinig ng tripartite wage board para sa dagdag ng sahod. Ayon sa Labor department, dapat gawin ang protest action sa oras ng pahinga ng mga manggagawa at kailangang may permiso ng kanilang mga supervisors. Kahapon ay nagsampa ng notice of strike ang dalawang daang unyon para puwersahin ang pamahalaan na palayain si Lagman.

Samantala, sa pag-dinig ng petition para sa pagtaas ng sahod sa National Wages and Productivity Commission, hiningi ng Federation of Free Workers ang P50 dagdag sa sahod kada araw across the board at across the country. Pormal ding hiningi ng Trade Union Congress of the Philippines ang P45 na dagdag sahod kada araw at P50 sa Lakas Manggagawa Labor Center kapwa across the board lamang. Dahilan nila ang oil price hike, taas ng pasahe, at power rate increase. Binigyan ni Quisumbing ang Wage Board ng apat na linggo para tapusin ang pagdinig.

Samantala, hindi pagwe-welga kung hindi pagpapakalbo naman ang ginawa ng ilang miyembro ng Kristiyanong Ugnayan Para sa Sambayanan o Krus upang bigyang-diin ang protesta nila laban sa APEC. Anila, ito ay simbolo ng mangyayaring pagka-ubos din ng likas na yaman ng bansa dahil sa global liberalization. Ang ritwal ng pagkakalbo at pag-aayuno ay kanilang inilunsad sa Philippine Independent Church.


Subject: COSETENG, SA EXPLOITATION ISSUE
Newscast:
TVPATROL - Air Date: 11/20/96

IPINAMAMADALI ni Pangulong Ramos ang pag-aksyon ng mga kinauukulang ahensiya sa "exploitation issue" laban sa talent manager na si Jojo Veloso. Nauna dito, lumiham si Senadora Nikki Coseteng sa Pangulo dahil sa kawalan ng aksyon ng mga otoridad laban kay Veloso gayung sapat anya ang basehan para kasuhan ito. Tinukoy ni Coseteng ang Departments of Labor at Social Welfare and Development, Metro Manila Development Authority, at National Bureau of Investigation na anya'y nagmimistulang bulag sa isyu. Sinang-ayunan naman ng Pangulo ang mga obserbasyon ni Coseteng at agad na nagbigay ng direktiba sa Justice department, Department of Interior and Local Governments at iba pang mga ahensiya para sa kaukulang aksyon.


Subject: DAMAGES SA SUBIC
Newscast:
TVPATROL - Air Date: 11/20/96

GAGASTOS ang pamahalaan ng US$20 milyon bago matukoy ang lawak ng damage ng toxic waste sa Clark at Subic bases. Ayon kay Director Manuel Gaspay ng Environmental Management Bureau, magiging matrabaho rin ito. Ilan sa mga uunahing susuriin ay ang power plants, mga depots, mga gusali na yari sa asbestos at mga fuel lines. Magpapadala ng mga sayantipiko ang United Nations Development Program para mag-eksamin sa toxic waste. Ang aksiyon na ito ng DENR ay bilang tugon sa pamahalaang Amerikano na nakahandang linisin ang mga basura nito sa Subic sakaling matukoy lamang ang extent ng damage nito.


Subject: SEGURIDAD NG BANSA TINIYAK NG PANGULO
Newscast: TVPATROL - Air Date: 11/20/96

KAMPANTE si Pangulong Ramos na kakayahin ng Pilipinas na mapangalagaan ang seguridad ng mga bisita ng bansa. Ayon sa pangulo, nagawa na ng Pilipinas ito nang bumisita si Pope John Paul II sa bansa noong 1995. Tiniyak rin ng National Intelligence Coordination Agency na walang panganib para sa mga APEC leaders. Ayon kay NICA director, General (Ret) Alfredo Filler, walang international terrorist na nakapasok sa bansa. Sa kabila nito, magtatalaga pa rin ng mga pulis ang Philippine National Police sa mga anti-APEC rallies upang tiyaking magiging maayos ang mga kilos protesta. Pinabulaanan din ni Interior Secretary Robert Barbers na nakatuon sa APEC Summit ang buong puwersa ng PNP.

Samantala, inaresto ng mga operatiba ng Immigration bureau kaninang umaga sa Ninoy Aquino International Airport ang pitong dayuhan na may hawak ng mga tampered German passports. Papaalis na sana ng bansa ang mga dayuhan patungong London nang maaresto.

Sa Angeles City, denitene ng mga otoridad kagabi ang 11 dayuhang laban sa APEC, kabilang ang anim na Hapon at isang Dutch national. Nahuli sila ng mga guwardiya ng Clark Special Economic Zone kung saan tinututulan nila ang isang Japanese government-funded project.

Nabulabog naman ang nga security forces sa Subic ng matagpuan kanina ang isang pipe bomb sa loob ng Subic Bay Metropolitan Authority sa mismong gusali kung saan kinukuha ang mga purchase order o PO. Ang bomba ay natuklasan ng maamoy ito ng isang aso ng SBMA security. Nguni't, sinabi ni SBMA chairman Richard Gordon, na isang pagsasanay lamang ang naganap.

Go Back to The News Service Index