Newscast: TV Patrol - Broadcast date: 11/20/96
Homepage:
ABS-CBN Broadcasting Corp.
Copyright © 1996, ABS-CBN Broadcasting Corp.

SOBRANG TRAFFIC
HANDANG HANDA NA
200 UNIONS TO STRIKE
JACKSON'S CONCERT



Subject: SOBRANG TRAFFIC
Newscast: TVPATROL - Air Date: 11/20/96

"MEGA-TRAFFIC" sa Metro Manila matapos isara ng Metro Manila Development Authority at Philippine National Police ang ilang lanes sa malalaking lansangan para sa mga delegado ng APEC. Sinimulan 10:00 kagabi ang pagsasara ng mga kalye sa Roxas Boulevard, Sen. Gil Puyat, Paseo de Roxas, Makati at Ayala avenues, NAIA Road at Edsa. Magtatagal ang mga isinarang lanes hanggang sa Nobyembre 21. Kaninang umaga, ilang libong pulis, MMDA traffic enforcers, kasama ang ilang personnel ng Bureau of Jail Management and Penology ang dineploy para man-manan ang trapiko sa mga APEC routes. Pagkalipas ng ilang oras, buhol-buhol na trapiko na ang naranasan ng mga motorista. Ayon sa mga motorista, nagdulot ng kalituhan sa mga biyahero ang pagbubukas-sara ng mga naturang kalye.


Subject: HANDANG HANDA NA PARA SA APEC SUMMIT
Newscast: TVPATROL - Air Date: 11/20/96

HANDANG-HANDA na ang ang pamahalaan sa APEC Summit. Sinasabing "APEC look" na ang buong Maynila lalung-lalo na ang mga daraanan ng mga delegates. Huling yugto na ng pagpapaganda ang isinasagawa ng bawa't isa para sa maayos na pananatili sa bansa ng mga dignitaryo. Ang mga tanawing dadatnan ng mga APEC delegates ay magsisilbing matagalang imahe ng Pilipinas sa kanila. Malinis na daan, makukulay na palamuti, at kaayusan sa mga kalye. Mula airport sa Roxas Boulevard, hindi lamang sariwang hangin at mayayabong na halaman kundi matatayog na gusali ang babati sa kanila. Ang buhay Pinoy ay nababakas sa mga kaabalahan ng bawa't isa. Maunlad, simple, nguni't maipagmamalaki. At dito hindi nahuhulli ang tanawin ng kaugaliang Kristiano tuwing pasko. Mayroon mang yagit na tanawin, kakaunti na lamang ito, inilipat ng pamahalaan sa higit na tahimik at mayamang lugar.

Sa Philippine International Convention Center, red carpet, parang nasa sarili nilang bansa ang mga delegado. Ang huling detalye ng pagpapaganda ay tinatapos na. Bagong anyo, lahat nagsisipag.

Sa Del Pan Bridge sa Tondo, malinaw na naisaayos ang dating pugad ng iskwaters. Karaniwan sa mga iskwater ay nabigyan din ng relokasyon at trabaho. Alam nilang hindi lamang sila kundi ang buong pilipinas ang makikinabang sa kanilang pagpupunyagi.

Samantala, dumating na sa bansa ang mga senior officials mula sa Brunei, Vietnam at Thailand. Sa Sabado, darating si US President William Clinton at asawa niyang si Hilary kasama ang pinakamalaking delegasyon.


Subject: 200 UNIONS TO STRIKE
Newscast: TVPATROL - Air Date: 11/20/96

DALAWANGDAANG unyon mula sa mga manufacturing industries ang nagsampa ng notice of strike sa Department of Labor. Ayon sa Bukluran ng Manggagawang Pilipino, ito ay upang puwersahin ang pamahalaan na palayain ang kanilang lider na si Filemon "Popoy" Lagman. Nakipagpulong ngayon si Labor Secretary Leonardo Quisumbing sa BMP. Ang welga ay gaganapin sa ika-25 ng Nobyembre at aabot sa 130,000 mangagawa ang lalahok dito. Hindi ang isyu ng unfair labor practice, at APEC ang i-pinoprotesta nila kung hindi ang pagaresto kay Lagman. Pinaalalahanan naman sila ni Secretary Quisumbing na ligal lamang ang kanilang protesta kung hindi maapektuhan ang kanilang mga trabaho.

Isusumite ng DOLE ang mga position paper ng mga manggagawa sa Korte Suprema para maagang ma-resolba ang kaso ng writ of habeas corpus ni Lagman.

Sa isyu naman ng Philippine Airlines, sinabi ni Quisumbing na nagkasundo na ang PAL Employees Association, Flight Attendants and Stewards Association of the Philippines at ang PAL management sa labor disputes nito. Ngayong gabi naman ilalabas ang desisyon sa isyu ng Airline Pilot Association. Gayunman, siniguro ni Quisumbng na walang magaganap na strike.

Diringgin naman bukas ng Quezon City Regional Trial Court ang petisyon ni Popoy Lagman para sa kanyang kalayaan. Kasunod ito ng pagpapalabas ng Korte Suprema ng Writ of Habeas Corpus para sa kanya. Pinitisyon ni Lagman sa Korte Suprema na siya'y palayain pansamantala dahil hindi valid umano ang warrant of arrest.


Subject: JACKSON'S CONCERT
Newscast: TVPATROL - Air Date: 11/20/96

SI Kongresista Roilo Golez naman ngayon ang tumututol sa pagtatanghal ni Michael Jackson sa kanyang balwarte sa Paranaque. Ito'y sa kabila ng kasunduan nina Mayor Joey Marquez at ng promoter ni Michael na ganapin ang concert sa compound ng Maritime Industry Administration, malapit sa coastal road. Bukod kay Golez, tutol din si Senator Ernesto Maceda dahil sa aspeto ng seguridad ng libu-libong tao sa concert venue.

Nilalakad naman ni Manila Mayor Alfredo Lim at ng dating mayordomo ng singer na harangin din ng El Shaddai at iba pang grupo ang concert. Ito'y base sa kasong child exploitation na kinasangkutan ni Michael nung 1994. Hindi nalitis ang kaso dahil binayaran umano ni Michael ng US$6 million ang pamilya ng umano'y inabusong bata. Pinag-aaralan pa umano ng El Shaddai kung ano ang magiging aksyon nila ayon sa isang tagapagsalita.

Go Back to The News Service Index