Newscast: TV Patrol - Broadcast date: 11/14/96
Homepage:
ABS-CBN Broadcasting Corp.
Copyright © 1996, ABS-CBN Broadcasting Corp.

NAGWEWELGA BINALAAN
LAGMAN NAG-HUNGER STRIKE
ABB NAGHINALA SA PAMAHALAAN
SUBIC LIGTAS
PRICE HIKE DI TULOY
PISTON MAGWEWELGA
MERCURY POISONING
JACKSON CONCERT NAKABINBIN


Subject: NAGWEWELGA BINALAAN
Newscast:
TVPATROL - Air Date: 11/14/96

NAGBABALA ang Malakanyang na tatanggalin sa trabaho ang mga manggagawang itutuloy pa rin ang kanilang welga sa kabila ng kanilang panawagan. Una rito, maliban sa mga makakaliwang grupo, nagbanta ang mga manggagawa na isasabay nila ang pag-aaklas sa panahon ng Asia Pacific Economic Conference (APEC) summit. Ayon kay Executive Secretary Ruben Torres, maaaring ipag-utos ng Malakanyang ang dismisal ng mga manggagawa mula sa pribadong sektor o sa pamahalaan lalupa't kung ang dahilan ng kanilang pagwewelga ay para lamang guluhin o tutulan ang APEC summit. Sa ilalim ng Labor Code, ani Torres, maaari ring sisantihin ang mga empleyado ng mga kumpanyang may naka-binbing labor dispute kung magwewelga sila ng walang pahintulot.

Sa kasalukuyan, labing apat na kumpanyang pribado ang pinababantayan ng pamahalaan sa Department of Labor and Employment upang matiyak na hindi manggugulo ang mga kawani nito pagsapit ng summit. Kabilang dito ang Philippine Airlines, na ayon kay Torres ay maaaring ipa-hawak muna sa Philippine Air Force kung mag-we-welga ang mga piloto nito. Ayon naman sa PAL Employees' Association (PALEA), malapit nang magkasundo ang management at labor groups ng naturang kumpanya. Sa kabila nito, nanawagan pa rin si House Speaker Jose De Venecia sa mga kumpanya.


Subject: LAGMAN NAG-HUNGER STRIKE
Newscast:
TVPATROL - Air Date: 11/14/96

NAGSAMPA na ng petisyon para sa habeas corpus si Congressman Edcel Lagman kaugnay ng pagkakadakip sa kapatid niyang si Filemon "Popoy" Lagman. Samantala, kinondena ni Popoy Lagman ang pagbabawal ng militar sa media na magdala ng mga recorders o kamera sa loob ng kanyang kulungan. Ito aniya'y isang harrasment samantalang murder ang kaso laban sa kanya. Perfect-timing daw ang ginawang pag-aresto sa kanya. Subalit tuloy aniya ang people's caravan, tuloy ang kilos protesta ng mga manggagawa. Determinado din siya na ituloy ang kanyang hunger strike sa loob ng bilangguan bilang protesta sa pagkaka-aresto sa kanya. Sinimulan ni Lagman ang hunger strike nang siya ay ikulong kamakalawa. Ibinibilang ni Lagman ang kanyang sarili bilang isang political detainee.

Sa 30 pahinang petisyon, iginiit ni Congressman Lagman na may kinalaman dito ang Malakanyang. Hiniling din ni Lagman na pigilin ng Korte Suprema ang pagdinig sa murder case laban sa kanyang kapatid at payagang makalaya ito.

Pina-iimbestigahan ng kongresista sina Senior State Prosecutor Ferdinand Abesamis, State Prosecutor Archimedes Manabat at Marikina Judge Ruben de la Cruz dahil sa umano'y pagbabalewala ng mga ito sa batas. Hiniling ni Lagman na aksiyunan ng Korte Suprema ang kanilang petisyon sa loob ng dalawang araw. Samantala, tiniyak ni Pangulong Ramos na bibigyan ng due process si Popoy Lagman. Inatasan na ng Pangulo ang Department of Justice na hawakan ang kaso ni Lagman. Muli ring itinanggi ng Pangulo na panimula na ito ng crackdown sa mga aktibista. Abduction at hindi umano pag-aresto sa kasong murder ang ginawa ng pamahalaan kay Lagman. Ayon kay Lagman, ginagawa lahat ng paraan ng pamahalaan mapigilan lamang ang mga mangggawa na mag-protesta laban sa globalization.


Subject: ABB NAGHINALA SA PAMAHALAAN
Newscast:
TVPATROL - Air Date: 11/14/96

KINONDENA ng communist hit squad, ang Alex Boncayao Brigade o ABB, ang pag-aresto kay Filemon "Popoy" Lagman. Nangako silang ipagtatanggol ang mamamayan laban sa umano'y "hidden agenda" ng gobyernong Ramos. Ayon sa ABB, ang pagkakahuli kay Lagman ay bahagi ng mas malawak na plano ng pamahalaan para humaba pa ang termino ng Pangulong Ramos. Sa pahayag na pinirmahan ni Sergio Romero, commanding officer ng ABB, sina-sabay-sabay umano ng gobyerno ang pagsasagawa ng hindi makataong programa gaya ng demolisyon sa mga squatters at mga vendors sa Philippine International Convention Center complex. Kasama rin dito ang pagtaas ng presyo ng gasolina at mga pangunahing bilihin sa ngalan ng seguridad sa darating na APEC summit. Hindi naman sinabi ng ABB kung ano eksakto ang kanilang gagawin hinggil sa mga aksyon ng gubyenro.

Si Popoy Lagman ay dating ABB lider. Siya ang sinasabing utak sa pagpatay sa isang pulis-Marikina noong 1992. Ayon sa abugado niyang si Arno Sanidad, ang kaso ni Lagman ay hinukay lamang ng militar para mapa-hinto ang lumalaking protesta sa APEC. Anya, nang hinuli si Lagman, walang ipinakitang warrant of arrest. Hindi rin umano ligal ang ginawang paraan ng paghabla ng kaso.


Subject: SUBIC LIGTAS
Newscast:
TVPATROL - Air Date: 11/14/96

HINDI itinuturing na banta sa seguridad ng APEC summit ang kilusang komunista. Ito ang "assessment" ni Major General Leo Alvez sa seguridad ng Subic sa APEC summit. Aniya, ligtas ang Subic at paligid nito mula sa mga posibleng panggugulo ng New People's Army. Si Alvez, na siyang Commanding General ng 7th Infantry Division, ay sumasakop sa Pampanga, Bataan, Bulacan at Zambales. Halos 2,000 sundalo ang nakatalaga sa paligid ng Subic.

Tiniyak naman ni Ninoy Aquino International Airport (NAIA) General Manager Francisco Atayde, na magiging ligtas ang 17 lider ng mga ekonomiya sa darating na APEC summit. Ani Atayde, itataas nila sa alert level 2 ang seguridad ng airport magmula sa hatinggabi ng Nobyembre 21. Idinagdag pa ni Atayde na ang Presidential Security Group ang mamamahala sa ground security, 200 pulis buhat sa Philippine National Police at mahigit 300 mula sa NAIA police.


Subject: PRICE HIKE DI TULOY
Newscast:
TVPATROL - Air Date: 11/14/96

HINDI matutuloy ang pagtataas ng presyo ng langis bukas. Ito'y makaraang kwestyunin ng kongreso ang oil price formula na ginamit ng Energy Regulatory Board sa pagtataas ng presyo ng langis. Nais ng House Committee on Energy na maki-alam na ang Department of Justice sa ligalidad ng pricing mechanism. Ayon kay ERB Chairman Bayani Faylona, kailangang maresolba muna ito bago matuloy ang oil price increase. Hinihiling rin ng kongreso sa ERB na huwag nang isama sa pagtataas ng presyo ang premium, regular at unleaded gasoline. Subalit ayon kay Faylona, imposible ito hanggat hindi nasa-"subsidize" ang mga ito.


Subject: PISTON MAGWEWELGA
Newscast:
TVPATROL - Air Date: 11/14/96

NAGBANTA na namang magwe-welga ang Pinag-isang Samahan ng mga Tsuper at Operators Nationwide (PISTON) sa panahon ng APEC summit sa kabila ng pagpapaliban ng nakatakdang bagong oil price hike bukas. Ayon kay PISTON leader Medardo Roda, kasinungalingan ang pahayag ni Energy Regulatory Board chairman Bayani Faylona na tumaas ang pandaigdigang presyo ng langis. Sa katotohanan anya, ay bumaba pa ng 70 porsiyento ang presyo ng crude oil. Naliliitan din ang PISTON sa 50 sentimos na dagdag sa pasahe subalit wala na silang magagawa. Ayon kay Roda, ginamitan sila ng gobyerno ng iba't ibang propaganda para lamang mapalabas na makatuwiran ang pagtataas sa pasahe.


Subject: MERCURY POISONING
Newscast:
TVPATROL - Air Date: 11/14/96

DALAWAMPUNG batang estudyante mula sa Apokon, Tagum, Davao province ang positibong nagtataglay ng cyanide sa kanilang katawan dahil sa mercury pollution. Limampung mga bata pa ang sinusuri ng Health department. Isinisisi ng mga residente ang pangyayari sa ilang gold processing plants sa kanilang lugar. Bukod sa kemikal na mercury, gumagamit din ng cyanide ang mga planta sa pagpo-proseso ng ginto. Inirekuminda na ng health officials ang relokasyon ng mga planta.


Subject: JACKSON CONCERT NAKABINBIN
Newscast:
TVPATROL - Air Date: 11/14/96

GAGAWIN ng dating estate manager ni Michael Jackson ang lahat, matiyak lang na hindi matutuloy ang nakatakdang concert ng King of Pop sa bansa sa Disyembre. Nagbanta rin si Mark Quindoy na kakasuhan niya ng libelo si Michael matapos siyang tawagin nitong extortionist. Pinanindigan ni Quindoy ang mga nauna niyang pahayag na minomolestiya ni Michael ang mga bata 10 taong gulang pababa. Kahit labag sa kanyang kalooban ang mga ginagawa ni Jackson, hindi magawa ni Quindoy na komprontahin ito. Pinabulaanan niya na gusto niya lamang kuwartahan si Michael kaya niya inilantad sa publiko ang mga ginagawa ni Michael

Kasabay nito, nanawagan si Quindoy sa Pangulong Ramos na huwag tanggapin sa Malakanyang si Michael dahil malaking kahihiyan ito sa sambayanang Pilipino.

Samantala, lumapit na sa Paranaque ang Midas Promotions para sa posibleng paglilipat na lang doon ng venue ng Michael Jackson concert. Ayon kay Paranaque Mayor Joey Marquez, nagpasaring na sa kanya ang Midas pero wala pa silang pormal na negosasyon. Sinabi ni Marquez na tatanggapin niya ito kung matutuloy ang mga negosasyon.

Go Back to The News Service Index