Newscast: TV Patrol - Broadcast date: 11/11/96
Homepage: ABS-CBN Broadcasting Corp.
Copyright © 1996, ABS-CBN Broadcasting Corp.
Subject: 11 PINOYS PINABALIK
Newscast: TVPATROL - Air Date: 11/11/96Bumalik na sa bansa ang sampu sa labing-isang Pilipino na pinatalsik ng Malaysia. Dadalo sana ang mga ito sa East Timor conference sa Kuala Lumpur. Anila, sinaktan sila ng mga demonstrador doon.
Nagsawalang kibo ang pamahalaan sa pagpapatalsik ng Malaysia sa mga Pilipino. Binatikos naman ito ng mga mambabatas. Anila, nagiging sunod-sunuran na lang ang Pilipinas sa Indonesia at Malaysia. Tatlumpung katao mula sa Anti-Demolition Coalition, United Urban Poor, at Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Munsod, ang nag-rally sa harap ng Malaysian at Indonesian embassies dahil sa APEC summit.
Sinabi ni ADC spokesperson Jess Panis, ang kanilang inaalala ay ang mangyayari kapag sinimulan na ang malayang kalakalan alinsunod sa APEC. Binabatikos din ng mga ito at iba pang militanteng grupo ang anila'y pagiging sunud-sunuran ng pamahalaan sa mga dikta ng Indonesia at Malaysia. Kinundina rin ng mga mambabatas ang anila'y pagsasa-walang-kibo ng Malakanyang. Ayon kay congresswoman Daisy Fuentes, hindi na Amerika ang amo ng Pilipinas ngayon kundi ang Indonesia at Malaysia. Nadismaya rin si Senador Francisco Tatad sa desisyon ng pamahalaan. Nguni't ayon kay Senador Ernesto Maceda, maaaring may batayan naman ang detensiyon ng mga Pilipino at di na dapat iprotesta ito ng pamahalaan.
Pinili naman ng Malakanyang na manahimik na lang sa isyu dahil naka-uwi na naman ang mga Pilipino. Maaalalang mahigit sa labing dalawang foreign delegates ang hindi pinapasok rin ng Pilipinas para sa East Timor meeting rito noong 1994.
Subject: TENT CITY ITINAYO
Newscast: TVPATROL - Air Date: 11/11/96Nagtayo naman ng isang tent city sa harap ng Manila Cathedral ang may limampung pamilya na apektado ng demolisyon ng mga lokal na pamahalaan dahil sa APEC. Moro-moro lang daw ang ginagawang aksiyon para sa kanila ng pamahalaan. Takot na raw silang ma-harass, ang mga dinemolish na mga iskuwater na ito ay mula sa Estero de Paco, Navotas, barangay Damayang Lagi at Holy Spirit sa Quezon City.
Mistulang maliit na tent city ang itinayo ng mga iskuwater sa labas ng Manila Cathedral upang upang pansamantalang tigilan. Ang simbahan ang kanilang napili upang mapansin umano ng pamahalaan. Hiling ng mga iskuwater ang relocation area na may kabuhayan at paaralan, at yung hindi pa na-bubuwag bigyan daw ng pagkakataon maki-pagnegosasyon. Dadami pa raw ang mga iskuwater na ito dito at wala katiyakan kung hanggang kailan ang mga iskuwater sa Manila Catehdral. Pansamantala ay ibinibigay ng simbahan ang kanilang mga kailangan.
Subject: PINAKAHULI SA HOTEL STRIKE
Newscast: TVPATROL - Air Date: 11/11/96Hiniling ng Department of Labor na ipagpatuloy muli bukas ang dialog nito sa pangasiwaan ng Manila Hotel. Sinimulan kaninang hapon ang pag-uusap kung saan iniharap ng Manila Hotel Management ang kanilang counter-proposal sa kahilingan ng kanilang mga superbisor. Ayon sa Dole, marami pang detalye ang kanilang tatalakayin ang hindi matatapos ang lahat ng ito ngayong gabi. Nguni't umaasa ang Labor Department na magiging maganda ang resulta ng dialog. Ang pag-aksiyon ng Dole ay kasunod ng bantang pagwewelga ng mga empleyado ng Manila Hotel sabay sa APEC summit.
Subject: ENGKUWENTRO SA BASILAN
Newscast: TVPATROL - Air Date: 11/11/96Tatlong sundalo ang nasawi at ilang rebelde ang nasugatan nasugatan sa engkuwentro ng militar at MNLF sa Basilan noong Biyernes.
Unang Linggo ng Nobyembre nang salakayin ng mga tauhan ng 5th infantry battallion ang barangay kaili sa bayan ng tipu-tipo habang tinutugis ang grupo ng MILF. Nalaman ng grupo nina Commander Blossom at Kolon kung kaya't sinagupa ang militar sa barangay baiwas at doon nag-umpisa ang labanan muli ng dalawang panig.
Gayunman, minaliit lamang ito ng ilang provincial officials at sinabing ang pangyayari ay isang mis-encounter lamang. Mariin namang itinanggi ng ilang sundalo na isang mis-encounter ang insidente kundi isang ambush daw ang naganap at sila ang naging biktima. Agad na nagpatawag ng meeting kanina si Basilan governor Gerry Salapuddin sa pagitan ng dalawang MNLF commanders at mga opisyales ng militar upang pag-usapan ang nasabing labanan at tapusin na ito.Mahigit limang libong residente ng Pikit, North Cotabato ang nagsilikas sa kanilang lugar dahil sa takot na madamay sa patuloy na labanan ng mga militar at MILF. Isandaang pamilya pa rin mula sa barangay pagalungan ang naiipit sa engkuwentro. Labing dalawang mga sibilyang Muslim na ang kumpirmadong namatay at marami na rin ang nasugatan. Umaabot na rin sa tatlumpong mga sundalo ng gobyerno ang namamatay sa labanan simula pa noong Oktubre beinte-kuwatro.
Nananatili naman ang "blocking force" ng Philippine Navy sa karagatan ng Basilan. Ito'y sa kabila ng malalakas na alon at pagbuhos ng ulan na dala ng bagyong Toyang at Ulpiang. Ayon kay Naval Forces for Southcom Commodore Eriberto Varona, ito'y upang mapigilan ang pagre-recruit pa ng mga rebeldeng Muslim ng mga bagong miyembro.
Go Back to The News Serrvice Index
Subject: PROJECT C-DAY INILUNSAD
Newscast: TVPATROL - Air Date: 11/11/96Daan-daang operators ng public utility vehicles ang nagpa-rehistro kaninang umaga sa metro traffic force. Inirereklamo nila ang mabagal na sistema sa pagkakaloob ng stickers. Pinutakte ng reklamo ang metro traffic force ngayong umaga mula sa mga operators ng public utility vehicles. Wala raw sistema at puno ng red tape ang proseso ng pagkuha ng aplikasyon sa mga sasakyan.
Layunin ng Project C-day na i-rehistro ang mga colorum na mga pampublikong sasakyan. Ayon sa metro traffic force, may 50-hanggang 60 libo ang bilang ng mga kolorum. Makakabawas din ito sa problema sa trapiko. Pinabulaanan din ng MTF ang alegasyon na wala silang sistema. Ayon kay Col. Enrique Robles tanging ang mga operators lamang daw ang nagpapagulo rito. Taliwas naman ang sitwasyon na nakita ng ABS-CBN.
Tatlong mga stickers ang ipinamamahagi ng libre sa mga operators. Subalit kailangan na munang lehitimo ang sasakyan bago ito mabigyan nito. Pula para sa mga pampublikong sasakyan sa Metro Manila. asul sa may biyaheng southern Luzon at Metro Manila, dilaw naman sa Northern Luzon at Metro Manila, sa kabila ng paghingi ng palugit ng mga operators ipatutupad na ito sa isang Linggo.