Newscast: TV Patrol - Broadcast date: 11/08/96
Homepage: ABS-CBN Broadcasting Corp.
Copyright © 1996, ABS-CBN Broadcasting Corp.
Subject: LAS PIÑAS MASSACRE UPDATE
Newscast: TVPATROL - Air Date: 11/08/96Nagsalita na, sa wakas, si Lourdes Mendoza, ang amo ng dalawang katulong at tiyahin ng lalaking minasaker sa Las Piñas noong ika-lima ng Nobyembre. Anya, nakaharap pa niya ang isa sa mga suspects sa loob mismo ng kanyang bahay. Kauuwi lamang sa bahay nina Lourdes at ng kanyang pamangking si Jojo, na isa sa mga biktima. Nang marinig ang mga sigaw, kinutuban na siya na may nangyayaring masama sa kanyang tatlong kasama sa bahay. Hinihinala ni Lourdes na may kaugnayan ang masaker sa pagpapa-alis niya sa dati niyang driver na si Pedro Castillo, nito lamang katapusan ng Oktubre. Posible anyang siya talaga ang pakay ng mga supek.
Subalit ayon sa otoridad, mas matindi ang galit ng mga suspek sa katulong na si Virgie Matulac na nagtamo ng labing limang saksak. Samantalang ang dalawang iba pang biktima ay may tig-iisang saksak lamang. Si Virgie umano ang nag-aasikaso ng pagkain ng pinalayas na driver, na kung minsan ay pinapapakain ito ng panis. May inilabas ng cartographic sketch ang mga otoridad batay na rin sa nakita ng ilang testigo. Ayon sa testigong ito nakita niyang pumasok ang apat na lalaki sa bahay ng Mendoza ng araw na iyon. Bumili pa ng meryenda ang isa pang katulong na si Virginia Andales para sa mga ito. Kanina ay tumungo rin ang mga kamag-anak ni Matulac sa nasabing bahay. Ayon sa kanila, hindi pa nila nakikita ang bangkay nito. Kasalukuyang tinutugis ng mga otoridad ang mga suspects sa mga lugar na maaring pagtaguan ng mga ito.
Subject: HOTEL WORKERS STRIKE UPDATE
Newscast: TVPATROL - Air Date: 11/08/96Mayroon na lamang hanggang Lunes ang management ng Manila Hotel para pigilan ang planong welga ng mga supervisors nito. Nakabinbin na rin ang dalawang notice of strike ng mga empleyado ng grand Boulevard Hotel at handa na silang kumilos kundi pa rin mapagbibigyan ang kanilang kahilingan. Ayon sa manggagawa ng mga hotels hindi pa tapos ang kanilang protesta.
Mahigit 50 porsyento na ng supervisors union ng Manila Hotel ang pumirma sa kanilang strike vote. Ayon sa presidente ng unyon na si Rudy Andres, itutuloy nila ang plano nilang mag-strike kung hindi pa matutugunan ang kanilang hiling sa Lunes. Isang labor representative, na si Ronaldo Foncardas, ang dumalo sa strike vote ng unyon kanina, upang siguraduhing ligal at maayos ang proseso. Tiniyak naman ni labor secretary Leonardo Quisumbing na maaayos na sa Lunes ang labor dispute sa Manila Hotel.
Nag-file na rin ngayon ng notice of strike ang rank and file union ng hotel. Ayon kay Gonzalo Irabon, Presidente ng 600 Myembrong Unyon magsasagawa rin sila ng "sympathy strike" para sa kanilang mga kasamahan. Sa grand Boulevard Hotel naman, dalawang notice of strike na rin ang isinumite ng rank and file union. 400 ang miyembro nito. Nguni't ayon sa general manager ng hotel na si Gerard Zimmer, hindi nila pababayaang umabot sa APEC ang di-pagkakasunduan.
Subject: NPA/JAKARTA/RC CONSTANTINO
Newscast: TVPATROL - Air Date: 11/08/96Naghugas-kamay ang Malakanyang sa deportasyon ng Malaysia kay Sanlakas President Renato Constantino, Jr. Ayon kay Pangulong Ramos, wala siyang kinalaman sa di pagpapapasok kay Constantino sa Kuala Lumpur. Sa kabila nito, hinikayat nina Congressmen Zamora, Defensor at Andolana na magsampa ng protesta ang DFA sa Malaysia. Sinabi ng mga kongresista na mistulang opisyal na posisyon ng ASEAN ang pagtatakip sa isyu ng East Timor matapos itong ipa-uso ni Pangulong Ramos. Nguni't sinabi ng palasyo na igagalang nito ang naging desisyon ng malaysia.
Ipinatatawag ng Senado sina national security director at defense secretary Renato de Villa sa Lunes. Pinapagpapaliwanag ng senate defense committee ang dalawang opisyal sa mga ulat na may kinalaman ang NPA sa mga naganap na Jakarta riots. Ayon kay senador Blas Ople, kailangang malinawan kung nagpapadala ng mga tauhan ang NPA sa iba pang bansa sa asya para manguna sa mga karahasan.
Subject: APEC AT HUMAN RIGHTS
Newscast: TVPATROL - Air Date: 11/08/96Nilabag umano ng administrasyong Ramos ang karapatang pantao, sibil, at pulitikal, ng mga imbitadong panauhin ng counterpart forum ng APEC. Bunga nito ipapaabot mga anti-APEC organizers ang reklamo sa United Nations. Pormal na rin nilang inihayag ang planong protesta sa araw ng APEC.
200-libong mga anti-APEC protesters ang dadalo sa pambansang araw ng protesta. Sisimulan ng mga organizers ang People's Caravan mula Manila hanggang Subic. Hindi raw nila nais na hiyain ang Pangulong Ramos subalit marami na umanong nilabag na karapatang pantao dahil dito. Kabilang na ang demolisyon, militarisasyon sa Central Luzon, at pagtanggi na papasukin ang mga anti-APEC speakers.
I-rereklamo rin ng mga organizers si Pangulong Ramos sa United Nations. Nilabag umano nito ang karapatang pantao ng mga inanyayahang speakers. Pangunahin na rito ang kaso ng dalawang African Agricultural Workers, at pagpigil sa karapatan ng mga organizers na matuloy ang assembly.
Layunin ng protesta na magkaisa ang mga Pilipino. Subalit tumanggi ang People's Conference na makiisa sa planong rally ng isa pang makakaliwang grupo. Kinumpirma ng Malakanyang na tatapatan ng mga pro-APEC rallies ang protesta ng mga militanteng grupo laban sa APEC. Nguni't nilinaw ni press undersecretary Honesto Isleta na hindi ang pamahalaan ang mag-o-organisa nito. Ayon kay Isleta, boluntaryong isasagawa ito ng mga non-government organizations na pabor sa APEC.
Subject: FIREMEN EXPOSÉ
Newscast: TVPATROL - Air Date: 11/08/96Isang opisyal at dalawang bumbero ng Bureau of Fire Protection ang umano'y nahuling nangingikil ng nasunog na kompanya. Umanoy humihingi sila ng pera kapalit ng certificate of inspection upang makapag-claim ng insurance ang isang nasunugan. Narito ang kabuuang report.
Ika-dalawampu't-walo ng Abril 1996, nang nasunog ang Titan-Mega bags, isang pagawaan ng sako ng fertilizer, na pagma-may-ari ng H.M. Montenegro Group of Companies. Agad lumapit ang H.M. Montenegro sa Bureau of Fire Protection sa Quezon City, upang humingi ng patunay na hindi arson ang naganap sa kanila. Ngunit nang malaman ng mga firemen na animnapu't apat na milyong piso ang insurance claim, nagprisenta anila ng kakaibang sulat si fire Engineer Henry Se. Kayat lumapit ang kumpanya sa NBI, gumawa ito ng entrapment at nahuli sina firemen Anthony Figurasin at Alfredo Adordionisio. Ayon sa DILG, hindi dapat payagan magtrabaho ang tatlo habang nililitis ang kaso ngunit nalaman ng Mission Expose na sila'y nasuspindi lamang ng tatlumpung araw at ang dalawa ay naitalaga pa sa pag-imbestiga sa ozone.
Subject: WITNESSES CORROBORATE POLICE STORY
Newscast: TVPATROL - Air Date: 11/08/96Dumarami ang mga sumusuporta sa naunang pahayag ng pulisya tungkol sa umano'y kawalang katotohanan sa testimonya ng balut vendor na si Freddie Borja. Wala umanong sinabi si Borja na siya ay binugbog ng pitong katao nang ito ay dalhin sa Philippine General Hospital matapos siyang masagasaan ng tren. Ayon kay Franco Vergara, driver ng jeep na nagdala sa kanya sa ospital walang binabanggit si Borja na binugbog siya habang ito ay sakay niya patungo sa ospital. Ang sabi lang din ng mga taong nagsakay sa kanya sa jeep ay nasagasaan ito ng tren. Anim na testigo na ang kinunan ng NBI ng pahayag kaugnay sa kaso ni Borja, lumalabas na ang kanilang mga testimonya ay taliwas sa pahayag ni Borja.
Ayon sa mga imbestigador, ang mga salita ni Borja laban sa mga pahayag ng testigo at mga physical evidence ang pagbabatayan ng imbestigasyon. Ang resulta ay malalaman umano sa Martes. Ayon sa NBI, isang politiko at isang aspiring politician ang maaring nasa likod ng mga pahayag ng balut vendor na si Freddie Borja.
Subject: PINAKAHULI SA TUADLES CASE AT IBA PANG KASO SA SAN JUAN
Newscast: TVPATROL - Air Date: 11/08/96Binalak umanong iligwak ng San Juan Police ang isang krimen dito nang makatakas kaagad ang mga suspect sa Jo-Liza Antique robbery slay. Ayon sa mga report, ang Tuadles Case ang pinagtuunan ng pansin ng mga imbestigador kaya't nakatakas ang mga suspect. Ini-uwi na sa Cebu ang labi ng dating PBA player na si Arnie Tuadles. Kagabi, ilan pang mga manglalaro sa PBA ang dumalaw sa burol nito. Kabilang rito si Fortunato "Atoy" Co na siyang katapat lagi ni Tuadles noon sa pagtutunggali ng koponang Crispa at Toyota.
Samantala, tatlumpung milyong pisong robbery slay panibagong problema ng San Juan Police. Dalawang houseboy sina Ramon Nicha, at Richard Rictin ang pinaghahanap ng batas. Sinaksak at napatay ng mga suspect si Elna Espenuelas maid ng mga de Asis na nag-ma-may-ari ng Jo-Liza Antique shop. Ayon sa imbestigasyon, nagstay-in ang dalawang suspect sa bodega ng shop nuong Huwebes ng gabi. Pinasok umano ang kuwarto ng kanilang mga amo, at kinuha ang mga alahas at cash na nagkakahalaga ng 30 million piso. Sa pagtakas ay sinaksak at nasugatan ang guwardiyang si Eddie magaway. Ayon sa mga katiwala ng shop, halos magi-isang taon pa lamang empleyo ang dalawang suspect. Sinuyod na ng pulisya ang lugar na maaring pinagtaguan ng mga suspect nguni't hindi na makita ang mga ito.
Subject: AFTER EFFECTS NG FISHKILL
Newscast: TVPATROL - Air Date: 11/08/96Nakaka-alarma na ang biglang pagbagsak ng bilang ng mga nahuhuling isda sa dagat kasunod ng fishkill. Dahil dito, inilunsad ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) at Marine Technology Foundation ang "Fish for Every Filipino Award." Layunin ng programang parangalan ang pinakamagaling na tagasulong ng isda mula sa pribadong sektor, pamahalaan, research at academe.
Nag-aatubili ngayon ang mga residente na bumili ng isda sa pasil market sa Cebu sa takot na malason. Ayon sa bantay dagat commission, halos kalahati ng lahat ng paninda sa naturang palengke ay produkto ng dynamite fishing, na kontaminado ng ammonium nitrate. Hinihinala nila na ang mga isdang ito ay galing sa mga lisensiyadong fish dealers. Subalit itinanggi naman ito ng Pasil Fish Vendors Association. Iminungkahi naman ng Department of Agriculture na suriin na lamang ang mga naturang isda upang malinawan ang isyu.
Go Back to The News Service Index
Subject: AFTERMATH NG BAGYONG TOYANG
Newscast: TVPATROL - Air Date: 11/08/96Lima-katao, kabilang ang dalawang limang taong gulang na bata ang namatay dahil sa bagyong toyang sa Zamboanga City. Daan-daang pamilya rin sa Zamboanga ang nawalan ng tirahan dahil sa landslides at flashflood.
Sa Central Visayas naman, tinatayang aabot sa 31.2 million pesos ang sinalanta ng bagyong Toyang. Isa-katao ang kumpirmadong namatay sa Inabangga, Bohol at lima ang nawawala sa bayan ng Jagna. Ayon sa office of the Civil Defense, ang Bantayan Island ang pinaka-matinding sinalanta ng bagyo, kung saan nasira ang mga bahay, pananim at mga alagang hayop ng mga residente.
Sa Bacolod, limang daang pamilya mula sa Sipalay, Cadiz at Victorias ang nalubog sa tubig baha dahil kay Toyang. Tinayang aabot sa 18.46-million pesos ng mga pananim na gulay at palay ang sinira ng bagyo.