Newscast: TV Patrol - Broadcast date: 11/07/96
Homepage:
ABS-CBN Broadcasting Corp.
Copyright © 1996, ABS-CBN Broadcasting Corp.

BORJA NA-AKSIDENTE LANG
APEC BINATIKOS MULI
ANTONIO LALUNG NADIDIIN
RC CONSTANTINO PINABALIK
BUDGET NG LUNG CENTER NAMEMELIGRO
MGA SUGATANG SUNDALO PATAY NA
MGA ALAHAS NI IMELDA ISUSUBASTA
SARAH MAG-IIBANG BAYAN MULI
BISAYAS BINAYO NI TOYANG


Subject: BORJA NA-AKSIDENTE LANG
Newscast:
TVPATROL - Air Date: 11/07/96

Ayon sa Western Police District, ibinatay nila ang kanilang imbestigayon sa testimonya rin mismo ni Freddie Borja. Una'y sinabi niyang may nakahawak sa kanyang mga paa. Di-umano sa huling pahayag, sinagasaan siya sa mas-maluwag na bahagi ng riles at gumapang siya pagkatapos patungo sa kabilang bahagi sa gilid ng bakod. Agad nagsagawa ng sariling reenactment ang NBI sa lugar na pinangyarihan ng nakalulunos na insidente kay Borja. Sa mga sukat na isinagawa, malinaw na isang tao lamang ang puwedeng magkasya sa lugar kung saan nakita ang putol ng paa. Sa kanyang kalagayan, imposible umanong buhatin pa nito ang kanyang basket at bote ng suka patungo sa kabilang side ng riles.



Subject: APEC BINATIKOS MULI
Newscast: TVPATROL - Air Date: 11/07/96

Binatikos ng National Peace Conference ang malaking halagang ginugol sa pagpapatayo ng mga villas sa Subic. Ayon kay Corazon Soliman, bise-presidente ng grupo, dapat sana'y ginastos na lang ang perang ito para mabigyan ng tirahan ang mga pamilyang naapektuhan ng mga demolisyon. Sinabi naman ni Sen. Francisco Tatad na ginagamit lang ng Pangulo ang APEC para maisulong ang sarili niyang interes. Kagabi, naglunsad naman ng isang prayer rally ang Urban Land Reform Task Force sa harap ng Senado laban sa mga demolisyon sa Metro Manila.



Subject: MGA WELGA ITATAMA SA APEC
Newscast: TVPATROL - Air Date: 11/07/96

Nahaharap sa dagdag pang sakit ng ulo ang pamahalaan ilang linggo bago isagawa ang APEC Summit sa bansa. Pansamantalang titigil sa Manila Hotel ang ilang APEC dignitariues kabilang ang kapapanalong si US President Bill Clinton sa nalalapit na APEC Summit. Ngunit kung di-agad malulutas ang labor problem doon, ito ang sasalubong sa mga opisyal.

Ang pagsuot ng itim na arm band ay isinasagawa rin ng mga empleyado ng iba pang hotel gaya ng Hyatt Regency at Sofitel Grand Boulevard Hotel. Ngunit sa kabila ng kahihiyang idudulot nito sa bansa kapag isinabay sa APEC, atubili ang Labor Department na makialam rito. Hindi rin naniniwala si Labor Sec. Leonardo Quisumbing na lalala ang problema. Bukod sa welga ng mga hotel workers, nagbabanta ring muling magwelga ang tatlong unyon ng Philippine Airlines sabay sa APEC. Sinimulan kanina ng mga flight stewards at cabin crews ang kanilang protesta.



Subject: RC CONSTANTINO
Newscast: TVPATROL - Air Date: 11/07/96

Ipina-deport ng Malaysian immigration authorities si Renato Constantino Jr. sa pagdating nito sa Subang International Airport sa Kuala Lampur kagabi. Si Constantino na chairman ng militant group na Sanlakas, ay nakatakda sanang lumahok sa Asia-Pacific Conference on East Timor doon nang pigilan siya sa airport.



Subject: ANTONIO LALUNG NADIDIIN
Newscast: TVPATROL - Air Date: 11/07/96

Si Inspector Jaime Leal ng PNP Crime Laboratory ang nag-otopsiya kay Arnie Tuadles. Ayon sa kaniya, sa noo ang tama ni Tuadles at tumagos ang bala sa likod ng ulo -- pataas hindi pababa gaya ng naunang inireport. Nilinaw ni Real na base sa finding, hindi maaring magkaroon ng scuffle. Pinabulaanan ito ni Abet Antonio, ang pangunahing suspek sa pagkamatay ng basketball player.



Subject: BUDGET NG LUNG CENTER NAMEMELIGRO
Newscast: TVPATROL - Air Date: 11/07/96

Kahapon, nameligro ang budget ng PNP matapos suspindihin ng Senado ang pagdinig dito dahil sa Tuadles murder case. Kanina, ang pondo naman ng Lung Center of the Philippines ang naapektuhan. Ayon kay Sen. Orly Mercado, chairman ng Senate Finance Sub-committee on Health, haharangin nila ang pondo hanggat hindi napapa-alis ang mga nangungupahan sa compound nito.


Subject: MGA SUGATANG SUNDALO PATAY NA
Newscast:
TVPATROL - Air Date: 11/07/96

Patay na ang pitong sundalong unang ini-ulat na nasugatan lamang sa sagupaan sa pagitan ng militar at MILF sa Basilan. Dinagdagan na ang mga tropa ng militar sa Basilan para palakasin ang kanilang puwersa. Ang labanan ng mga sundalo at mga rebeldeng Muslim ay nasa-ikatlong linggo na ngayon. Nasa red alert na rin ang Zamboanga del Norte matapos atakihin ng MILF ang mga kampo ng militar doon noong Lunes at Martes.

Napatay sa engkuwentro sa Barangay Panubigan, Zamboanga del Norte si Army Second-Lieutenant Jay Lapuz, Sgt. Pedro Domino, at mga CAFGU na sina Bonifacio Hamoy, Agrifino Concia at Mario Mangao.


Subject: MGA ALAHAS NI IMELDA ISUSUBASTA
Newscast:
TVPATROL - Air Date: 11/07/96

Hindi pinayagan ng Sandiganbayan na maka-alis ng bansa si Congresswoman Imelda Marcos. Binigyan na rin ng "go signal" ang PCGG na ibenta ang mga alahas ni Mrs. Marcos na nakuha sa dating Manila International Airport at sa Hawaii. Ayon kay Presiding Justice Francis Garchitorena, wala nang karapatang maghabol ang pamilya ni Mrs. Marcos dahil mismong ang dating Unang Ginang ay ayaw nang maghabol, kapalit ang pag-urong ng gobyerno sa mga demanda laban sa kanya. Hindi naman pinayagan ng Sandiganbayan na ibenta ng PCGG ang "Malacanang Jewels".


Subject: SARAH MAG-IIBANG BAYAN MULI
Newscast:
TVPATROL - Air Date: 11/07/96

Matapos gawing pelikula ang buhay ni Sarah Balabagan, maraming nag-aakalang maayos na ang buhay niya. Milyones na ang dumaan sa kanyang palad, ngunit ito'y halos ubos na. Kasama rito ang P2.5 million na binayad ng Viva Films. Nakatakdang lumipad si Sarah patungong Europa upang mag-guest sa mga "talkshows" doon at ibahagi ang kanyang mga karanasan. Bagamat sunod-sunod ang pagdating ng biyaya kay Sarah, sunod-sunod din daw ang tinik sa kanyang buhay. Kamakailan, nagtangkang magpakamatay ang kanyang ama.



Subject: BISAYAS BINAYO NI TOYANG
Newscast: TVPATROL - Air Date: 11/07/96

Binayo ng malalakas na hangin at pag-ulan ang buong lalawigan ng Capiz, partikular ang Roxas City. Kaugnay nito, nagkaroon ng "total black-out" sa lalawigan. Ilang mga bayan din sa Capiz ang lumubog sa mataas na tubig-baha kabilang na ang mga bayan ng Sigma, Mambusao, Dau at Pontevedra. 15 katao na sakay ng isang fishing boat ang ini-ulat na nawawala sa Cebu City. Ayon sa 2nd Coast Guard District, ang mga ito ay huling nakita sa Bantayan Island noong Martes.

Go Back to The News Service Index