Go Back to The News Service Index
Subject: P650-M SHABU NASAMSAM
Newscast: TVPATROL - Air Date: 11/06/96Muling naka-iskor ang PNP sa ipinagbabawal na gamot. Kahapon, nasamsam ng awtoridad sa isang raid sa Sta. Mesa ang tatlong kilo ng shabu, marijuana, balat at mga baril. Kagabi, ang pinakamalaking huli sa kasaysayan ng narkotiko mula sa maaresto si Lim Seng noong 1972. Mahigit sa 200 kilo ng shabu at heroin ang nakumpiska sa Tagaytay City. Ang raid na pinamunuan ni Cavite Governor Epimaco Velasco ay nagresulta sa pag-aresto kay Wai Kuen Alan Tong, alyas "Lucky Lau", isang Hongkong national. Isa pang miyembro ng sindikato na nangangalang Peter Lao ang pinaghahanap ng mga awtoridad. Nagbabala naman si DILG Secretary Robert Barbers na walang sasantuhin ang pamahalaan sa kampanya laban sa droga.
Subject: KASO NI TUADLES "SOLVED" NA
Newscast: TVPATROL - Air Date: 11/06/96Lutas na ang kasong pagkakapaslang sa dating PBA cager na si Arnie Tuadles. Isinara na ng PNP ang kaso matapos umamin ang guwardiyang si Jimmy Bobis na nakita niya ang lahat ng pangyayari, taliwas sa una niyang pahayag. Nagresulta rin ito sa pagkakasibak kay police chief Fernando Dumpit dahil sa kapalpakan ng San Juan police sa pag-iimbestiga sa kaso. Ayon kay Bobis, galit-na-galit si Ambet Antonio habang pinagagalitan si Arnie Tuadles na walang kibo at nanginginig sa takot. Si SPO4 George Nieto na umaaktong bodyguard ni Antonio ay nakita ring lahat ang nangyari ngunit wala umano itong ginawa. Sinabi ni Bobis na walang nag-impluwensiya sa kaniya sa unang statement, maging sa ikalawang pahayag. Si Ernesto Olac isa ring security guard ay nasa lobby ng club na narinig ang putok. Kasama umano si Nieto at Bobis ay pinilit umanong dinala ni Antonio sa bahay nito sa Green Meadows. Bunga ng pagbabago ng statement ni Bobis ay isasama umano sa kasong isasampa si SPO4 Nieto. Wala pang tiyak na dahilan o motibo ng pagpatay kay Tuadles. Ngunit ayon sa pulisya, maaring mahigit pa sa away sa pusoy ang ugat ng lahat.
Subject: PAMILYA TUADLES HINDI NAGULAT
Newscast: TVPATROL - Air Date: 11/06/96Ayon sa pamilyang Tuadles, ang pag-amin ni Bobis ay nakatakda sana niyang gawin kagabi sa harap mismo ng bangkay ni Arnie. Ipinahayag ang kanilang pangamba na maari pa ring gamitin ni Antonio ang kanyang impluwensiya. Dahil sa Tuadles case, nameligro ang budget ng PNP sa susunod na taon matapos suspindehin ng Senado ang pagdinig nito.
Subject: SUSAN ROCES NAKIUSAP
Newscast: TVPATROL - Air Date: 11/06/96Nakiusap si Miss Susan Roces na huwag na siyang i-ugnay sa usaping Tuadles-Antonio. Pinaupahan ni Susan ang IBC Club kay Joji Antonio, kapatid ni Ambet Antonio ilang taon na ang nakakaraan. Sinabi ng aktres sa ABS-CBN News na nabigla siya na magkakaron ng insidente sa dating niyang tahanan.
Subject: WALANG TANDA NG BUGBOG SI FREDDIE
Newscast: TVPATROL - Air Date: 11/06/96Walang palatandaan na binugbog at sinaksak ang balut vendor na si Freddie Borja. Ito ang huling finding ng Philippine General Hospital sa batang nagsabing binugbog siya at saka pinasagasaan sa tren ng pitong kalalakihan. Ayon sa mga doktor, ang mga tama ni Borja ay maaring dulot ng mga matitigas at matatalas na bagay na tumama sa kanya. Naniniwala ang pamilya ni Freddie na hindi magagawa nito ang magsinungaling. Ayon naman sa mga nakatira sa mismong pinangyarihan ng insidente, malabong binugbog si Borja doon.
Subject: BIGONG NAKAWAN SA BANGKO
Newscast: TVPATROL - Air Date: 11/06/96Inside job ang pagkakaholdap sa Rizal Commercial Banking Corporation sa Timog ngayong umaga ayon sa mga awtoridad. Gayunman nabawi ang mahigit sa P1.5 milyung natangay ng mga suspek. Alas-9 ng umaga ng pasukin ang banko ng dalawang armadong lalaki. Isa rito ay kinilalang si Carlito Duante, security guard ng naturang bangko. Sakay ng taksi at may back-up umano ng isang kotseng Lancer ang mga suspek. Dalawa sa apat na inaresto ay miyembro umano ng Task Force Limbas. Ang mga ito ay sina SPO2 Herminigildo Quinicot at SPO1 Jani Abdun. Pinabulaanan naman ito ng Camp Crame.
Subject: ISA NA NAMANG MASAKER
Newscast: TVPATROL - Air Date: 11/06/96Tatlo katao ang pinatay ng apat na armadong suspek sa isang tahanan sa BF Homes, Las Pinas kagabi. Patay na ng madatnan ng mga awtoridad sina Joselito Mendoza, driver, at ang dalawang katulong na sina Virginia Adales at Virginia Matulac dakong alas-11 ng gabi. Ang mga biktima ay tauhan ni Lourdes Mendoza, publisher ng Current Events Digest Magazine. Batay sa pangunang report, ang mga suspek ay pinapasok ni Adales na tila kilala raw nito, dakong alas-10 ng gabi. PInagsasaksak ng mga suspek ang dalawang katulong sa likod ng servant's quarters. Alas-11 nang dumating si Lourdes at ang driver nito sa bahay. Bigla raw tumuloy ang driver sa banyo sa likod at nakita na lang ni Lourdes ang mga suspek sa bakuran. Agad nitong ni-lock ang bahay at hindi na nga nakapasok ng mga suspek. Subalit napatay naman ang driver nito sa loob ng banyo.
Subject: GAY BAR NI-RAID
Newscast: TVPATROL - Air Date: 11/06/96Ilang linggo minanmanan ng mga awtoridad ang mga aktibidad sa Hype Gay Bar bago ito ni-raid kagabi. Ayon sa pulisya, walang mayor's permit ang club at walang working permit ang mga empleyado nito. Ayon naman sa mga empleyado ng club, modeling at hindi bold shows ang nagaganap dito. Kakatwa na ang club ay ilang bahay lamang ang layo sa simbahan. Ito'y pag-aari umano ni Perry Mariano, na siya ring may-ari ng Kampo, Iwahig, Cafferinos, dating Thunderdome at ang kasasara lamang na Slums.