Subject: DESISYUNAN NA! / AT SURVEY
Newscast: TVPATROL - Air Date: 12/19/96
Pinamamadali ng Malakanyang ang pagdedesisyon ni Judge Roberto Diokno sa pag-i-isyu ng warrant of arrest laban kay Congressman Romeo Jalosjos kaugnay sa kasong rape.Nguni't, iginiit ni Diokno na hindi dapat mainip ang publiko dahil dadalawang araw pa lang naman sa kanya ang kaso. Nababagalan ang Malakanyang sa takbo ng kasong statutory rape laban kay Jalosjos.
Ayon kay Chief Presidential Legal Counsel Rene Cayetano, ang kaso ay iniharap sa isang special criminal court upang mapabilis ang paglilitis nito, nguni't hanggang ngayon mukhang salungat dito ang mangyayari. Una rito, ini-ulat na maaaring sa Disyembre a-27 pa makapagpapasya si Judge Diokno kung aarestuhin o hindi si Jalosjos. Ani Diokno, minamadali naman niya ang pagdinig kaya't hindi na niya itinuloy ang preliminary hearing sa susunod na linggo. Dadalawang araw pa lamang niya hinahawakan ang nanturang kaso at kailangan niyang pag-aralan ng mabuti ang mga dokumento ng panig ni Jalosjos. Bukod dito, kailangan pang magsumite ang prosekusyon ng kanilang komento. Sinabi ni Diokno na malamang na sa susunod na taon pa niya made-desisyunan kung aarestuhin si Jalosjos. Ngunit ayon naman kay Cayetano, sapat na ang tatlong araw para magdesisyon. Ang pagtatagal aniya ni Judge Diokno ay nagpapatunay na may batayan ang pagkawala ng kompyansa ng publiko sa hudikatura.
Subject: RAPISTS / MURDERER
Newscast: TVPATROL - Air Date: 12/19/96
Dalawang akusado sa panggagahasa ang nahatulan kaninang umaga ng parusang kamatayan, samantalang isa ang nahatulan ng habambuhay na pagkabilanggo. Si Esteban Victor ay sinentensiyahan ng bitay sa salang panggagahasa sa dalawang anak-anakan. Bitay din ang naging hatol kay Danilo Raymundo sa panghahalay naman sa kapatid. Habambuhay na pagkabilango ang naging hatol kay Pedro Hilario na gumahasa sa kanyang kapitbahay.Ang hatol ay iginawad ni Judge Diosdado Peralta ng Quezon City Regional Trial Court. Sa sala naman ni Judge Julieto Tabiolo, habambuhay na pagkabilanggo ang iginawad laban kay Senior Police Officer 2 Gilbert Peralta. Si Peralta ay nahatulan matapos niyang barilin at mapatay si National Bureau of Investigation agent, Louie Rimando. Nangyari ang krimen noong 1991 sa West Avenue, Quezon City.
Subject: PARDON / ECHAGARAY
Newscast: TVPATROL - Air Date: 12/19/96
Hindi pa handa si convicted rapist Leo Echagaray na harapin ang kanyang kamatayan sa pamamagitan ng lethal injection sa darating na Hulyo 1997. Pitong buwan na lamang ang nalalabi sa buhay ni Echagaray at siya ang magiging kauna-unahang Pilipino na bibitayin sa pamamagitan ng lethal injection. Si Echagaray ay nahatulan ng kamatayan nitong taon sa salang pang-gagahasa sa kanyang 11 taong gulang na step-daughter noong 1994 sa Quezon City. Hanggang sa mga araw na ito ay pinipilit ng bilanggo na wala siyang kasalanan at na-set up lamang. Lumuluhang sinabi ni Echagaray ang kanyang Christmas wish. Ito ay para ma-commute ang kanyang sentinsiya sa habambuhay na pagkabilanggo. Nagbigay din ng Christmas message ang deathrow inmate para sa kanyang pamilya. Hindi naman daw siya nagsisisi dahil alam ng Diyos na wala siyang ginawang masama.Ayon na rin kay Echagaray, ayaw niya pang isipin ang sasapitin niya sa Hulyo sa darating na taon. Subalit, kung ang takdang oras ay dumating na nga, ipapaubaya niya na lamang ang lahat sa Diyos na maykapal.
Samantala, 315 bilanggo ang palalayain naman ng pamahalaan bago magpasko. Sa nasabing bilang, 200 dito ay binigyan ng absolute pardon. Ang natitirang 115 ay binigyan naman ng conditional pardon o mag-rereport pa sa parole officer buwan-buwan.
Subject: ARRIVES / THE PRINCE / TABAKO
Newscast: TVPATROL - Air Date: 12/19/96
Dumating ngayon sa bansa si Prince Andrew, Duke of York, para sa dalawang araw na pagbisita. Sakay ng British Airways, si Prince Andrew ay dumiretso sa Manila Hotel. Nakipagpulong siya kay Pangulong Ramos ngayong hapon at kabilang sa kanilang pinag-usapan ay ang tungkol sa ugnayang kalakalan at defense cooperation.Samantala, muntik nang magkapukpukan ang ilang pulis at isang grupong nagpo-protesta sa harap ng Malakanyang kaninang hapon.
Ayon kay Joel Javier, chief ng Task Force Detainees, mapayapa silang gumagala sa Freedom Park sa tapat ng Malakanyang na may dalang mga banner nang bigla silang lusubin ng mga pulis. Ang mga pulis ay naawat agad ng ilang sibilyan sa paligid at ng pagdating ng mga taga-media. Hinihiling ng grupo ni Javier na palayain ng gobyerno ang 11 political detainees na higit sa isang buwan ng nag-ha-hunger strike. Ani Javier, natatakot silang mamatay ang mga detainees na ito.
Subject: SOBRA NA!
Newscast: TVPATROL - Air Date: 12/19/96
Tungkol naman sa trapik, walang ibang magagawa kundi magtiis. Iyan ang mensahe ni Metro Manila Development Authority (MMDA) chairman Prospero Oreta sa mga motorista at pasahero na ilang oras naiipit sa lansangan dahil sa trapiko. Hindi raw masisisi ang MMDA sa bigat ng trapiko ngayon sa Metro Manila.Ayon kay Oreta, hindi ang pagtatanggal sa unified traffic scheme ang siyang dahilan sa pagbibigat ng trapiko. Aniya, 15,000 hanggang 20,000 sasakyan lang ang nababawas sa lansangan dahil sa unified traffic scheme. Batay sa kanilang pag-aaral, ang umu-okupa sa kalsada ay mga pribadong sasakyan. Ito ang problema, ani Oreta. Dalawa hanggang tatlong pasahero lamang ang kinakarga ng bawat pribadong sasakyan. Karamihan ng mga pasahero sa Metro Manila ay umaasa sa mga pampublikong sasakyan. Inamin ni Oreta na wala na silang magagawa sa higpit ng trapiko sa kasalukuyan. Ngunit isang pampalubag-loob. Simula bukas, inaasahang gagaan ng kaunti ang trapiko dahil bakasyon na ang mga mag-aaral.
Subject: PASKO NG MAHIHIRAP
Newscast: TVPATROL - Air Date: 12/19/96
Anim na araw na lang at Pasko na! Marami na ang nasasabik sa pagdiriwang nito subalit, sa mga pamilyang halos ay lansangan na ang ginawang tahanan, ano nga ba ang naghihintay na Pasko? Saan mang dako ng Metro Manila, karaniwan ng tanawin sa gabi ang mga natutulog sa mga bangketa na ang karamihan ay buong pamilya.Dinadaan-daanan, subalit mahimbing pa rin sa kanilang pagtulog. Sa mga nakaririwasa sa buhay, karaniwan ang mga naggagandahang palamuti at sagana sa iba't ibang prutas. Sa mga hikahos sa buhay, ano nga ba ang naghihintay na Pasko? Sa mga taong lansangan na halos ay walang maayos na higaan at proteksiyon laban sa lamig, maaaring balewala ang Pasko. Subalit sa mga batang lansangan, buhay pa rin ang diwa ng Pasko. Kahit nanlilimahid, merong mga pamilya sa mga lansangan na naniniwalang sasaya ang kanilang Pasko lalo na't kung sama-sama.
Subject: FOLLOW-UP REPORT
Newscast: TVPATROL - Air Date: 12/19/96
Dalawang suspect sa pagpatay kay Bert Berbon ng ABS-CBN dzMM ang hawak na ng pulisya. Bagamat hindi pa inihaharap sa media, sila ay isinasailalim na sa masusing interogasyon. Sinisiyasat ng Cavite PNP Command at ng Criminal Investigation Group ang posibleng kuneksiyon ng dalawang suspect na nasa kanilang custody at ni Senior Police Officer 2 Dante Moral. Napag-alaman sa Task Force Berbon na ang isa sa mga suspect ay si Danilo Espineli, chairman ng Federation of Jeepney Operators and Drivers Association of Cavite (Fedjodac), isang asosayon ng jeepney drivers sa Cavite. Si Espineli ay isang jailguard sa Cavite Provincial Jail. Iniimbestigahan naman ngayon si Moral. Power struggle sa Fedjodac umano ang nakikitang motibo kung sangkot si Espineli dahil ang bayaw ni Bert Berbon ang umano'y malakas na papalit sa grupo.Ayon sa empleyado ng Fedjodac, madalas na nagkikita sina Espineli at Berbon. Mahigit 100 jeepney drivers ang miembro ng Fedjodac at sinasabing may kumikita rin sa regular na tong koleksiyon sa mga drivers ng mga jeepney na bumabiyahe sa Cavite - Manila. Nakatakdang iharap sa mga testigo ang dalawang suspect. Itinakda rin ang re-enactment ng insidente pagkatapos ng libing ni Berbon sa linggo. Masusing iniimbestigahan ang kuneksyon ni Bert Berbon sa Fedjodac. Ayon sa Cavite PNP Command, maaring ito na ang susi sa paglutas sa kaso.
Subject: MILLIONS
Newscast: TVPATROL - Air Date: 12/19/96
Hindi pa rin tiyak na mapapasakamay ng mga human rights claimants ang US$2 bilyon na danyos mula sa mga Marcoses.Ayon sa Presidential Commission on Good Government (PCGG), kailangang mapatunayan munang ang bahagi ng naturang halaga ay hindi galing sa "ill-gotten wealth". Ikinagalak ng mga human rights victims ang naging desisyon ng U.S. court na bayaran sila ng $2 bilyon ng mga Marcoses. Gayundina naman ang PCGG. Subalit ayon sa komisyon, hindi magiging madali ang pagkuha ng kumpensasyon. Isang landmark decision anila ang pag-uphold ng U.S. court. Nanawagan sila sa pamahalaan na respetuhin ang desisyon at itigil na ang negosasyon sa mga Marcoses. Naniniwala din si Romeo Capulong, abogado ng mga human rights victims, na irerespeto rin ng lokal na korte ang desisyon na ito.
Ayon naman kay PCGG chairman Magtanggol Gunigundo, walang pakialam ang pamahalaan sa naging desisyon ng kaso. Sinabi pa ni Gunigundo na pabor din ang Pangulong Ramos na dapat lamang na mabigyan ng kumpensasyon ang may 10,000 biktima ng karapatang pantao. Sinabi pa nito na hindi rin maisusulong ang negosasyon sa mga Marcoses dahil wala pang pinal na basbas ng Pangulong Ramos. Hindi pa rin ganap na nakatutugon ang mga Marcoses sa mga requirements ng pamahalaan.
Subalit, sinabi ng komisyon na dapat mapatunayan na ang $2 bilyon ay hindi bahagi ng "ill-gotten wealth" na hinahabol ng pamahalaan. Tumangging magbigay ng pahayag si Congresswoman Imelda Marcos tungkol rito.
Subject: DEVILLA / ERAP / COMELEC
Newscast: TVPATROL - Air Date: 12/19/96
Tumaba ang puso ni Defense Secretary Renato de Villa sa paglabas niya bilang top presidential candidate ng may kalahating milyon-kataong organisasyon.Gayunman, tikom pa rin ang bibig ni De Villa sa umano'y pagkakapili sa kanya ni Pangulong Ramos para kumandidato sa 1998. Para naman sa mga dayuhang negosyante, mas magiging kampante umano ang mga ito kung hindi muna mapapalitan si Pangulong Ramos, lalo't higit kung si Vice President Joseph Estrada ang magiging successor niya. Kabado ang mga dayuhang mamumuhunan sa patuloy na pamamayagpag ng popularidad ni Vice President Estrada. Inamin ni Mike Johnson, analyst ng All-Asia Capital, na nangangamba ang mga dayuhang negosyante kung maluluklok na presidente si Estrada.
Aniya, masyadong makabayan si Estrada at ipinapalagay na maaaring hindi ito makabuti sa kabuhayan ng bansa. Sa ngayon, umaasa aniya ang mga negosyanteng mapapalawig pa ang termino ni Pangulong Ramos. Namamantene rin aniyang masigla ang kalakaran sa stock market dahil sa posibilidad na magtatagal pa sa puwesto ang Pangulo. Nagbabala na rin ang grupong Pirma na posibleng magkaroon ng power grab kung mabibigo ito sa kanilang signature campaign para sa ekstensiyon ni Pangulong Ramos. Sa kabila nito, pormal nang inilunsad ngayon ang "Bura" o Bury the Useless Reform Agenda. Ibinunyag dito ni Jose "Linggoy" Alcuaz na si House Speaker Jose De Venecia ay tumanggap ng P400 milyong kickback mula sa Ital-Thai noong 1993 hanggang 1994. Hinamon naman ni De Venecia si Alcuaz na patunayan sa korte ang kanyang mga alegasyon.
Samantala, iligal umano ang pagbabawal ng Senado sa Commission on Elections (Comelec) na gamitin nito ang sariling pondo sa pagdaraos ng plebisito. Binatikos ni Comelec commissioner Regalado Maambong ang Senado sa paggigiit nitong maisingit sa 1997 budget ang naturang prohibisyon.
Subject: REAPPOINTMENT
Newscast: TVPATROL - Air Date: 12/19/96
Muling i-a-appoint ng Malakanyang sa puwesto si Transportation Secretary Amado Lagdameo kapag nagbakasyon ang Kongreso ngayong Pasko. Kahit limang beses na itong na-bypass ng Commission on Appointments, sinabi ni Executive Secretary Ruben Torres na ito pa rin ang gusto ng Pangulo sa puwesto. Sinabi na ni Lagdameo na hindi siya umaasang papasa siya sa CA dahil mismong si Senate President Ernesto Maceda ang humaharang sa kanya.
Subject: PINABABALIK ANG BANGKAY!
Newscast: TVPATROL - Air Date: 12/19/96
Sumasailalim pa sa maselang operasyon si baby Alma Magbanua, ang sanggol na ang puso'y tumubo sa labas ng kanyang dibdib. Ang operasyon ay sinimulan kaninang alas 11:00 ng umaga. Tinatayang tatagal ng anim hanggang walong oras ang operasyon. Apat na espesiyalista sa puso sa pamumuno ni Dr. Serafin de Leon, ang nagtutulong-tulong upang maisalba si baby Alma. Nangako ng tulong pinansiyal si Pangulong Ramos sa pamilya Magbanua ng dalawin niya ang sanggol sa ospital kanina. Sinabi naman ni Health Secretary Carmencita Reodica na maayos ang takbo ng operasyon.Samantala, ipinamamadali ni Senate President Ernesto Maceda sa Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) ang pagbabalik ng bangkay ng OCW na si Merlita Munda mula sa Jeddah, Saudi Arabia. Si Munda ay natagpuang patay at hubad sa loob ng bahay ng kanyang employer noong Enero 2, 1996. Patay at hubad ding natagpuan ang kanyang employer na si Riyadh al-Hindi sa naturang bahay. Naghihinala ang pamilya ni Munda na mayroong foul play sa pagkamatay ng OCW.
Subject: SENATE
Newscast: TVPATROL - Air Date: 12/19/96
Nabitin ang deliberasyon ng bicameral conference committee sa 1997 national budget. Nag-adjourn ang Kongreso nang hindi naaaprubahan ang 1997 budget matapos pag-awayan ang pork barrel. Ang bicameral conference committee ay magpupulong na lang ulit sa Enero. Kahit wala pang budget sa 1997, tiniyak ni Congressman Rolando Andaya na hindi maaapektuhan ang operasyon ng gobyerno dahil otomatikong iiral ang kasalukuyang budget. Dahil din dito'y makakasuweldo pa rin ang mga kawani ng pamahalaan. Sinabi ni Andaya na nagkaltas nang nagkaltas ang Senado sa congressional insertions pero nagsingit naman ang mga ito ng halos P9 bilyon sa kanilang pondo.
Subject: DRUGLORD ARRESTED
Newscast: TVPATROL - Air Date: 12/19/96
Nakapuslit mang ma-sentensiyahan sa Pilipinas, hindi naman nakaligtas sa German court ang 32-taong gulang na German pedophile na si Thomas Brewer. Nahatulang mabilanggo ng 3 1/2 taon si Brewer sa salang pakikipagniig ng tatlong ulit sa isang 11 taong gulang na batang Pilipino habang siya'y nasa Pilipinas. Napatunayang sinamantala ni Brewer ang lubhang kahirapan ng bata. Si Brewer ay nakulong sa Pilipinas noong nakaraang taon subalit nakapagpiyansa ito ng $2,000 at nakabalik sa Germany. Samantala, naaresto ng mga tauhan ng Central Police District Command (CPDC) Station 1, ang pinaka-notorious na drug dealer sa La Loma, Quezon City. Di Francisco Dino, anak umano ng isang pulis na nakatalaga sa CPDC Station 4, ay nahulihan ng 20 gramo ng metamphitamine hydrochloride o shabu, sa kanyang owner type jeep. Ilang beses ng tinangkang hulihin si Dino subalit madalas na ito ay nakakatakas.
Subject: EDU APPEALS
Newscast: TVPATROL - Air Date: 12/19/96
Umapela ngayon si Edu Manzano sa korte na huwag bigyan ng mabigat na sentensya si Ruffa Gutierrez sa kasong Manila Filmfest scam. Ito'y matapos mahatulan si Lolit Solis sa pagiging utak ng dayaan sa filmfest awards. Ayon sa presidente ng Actors Guild, matagal na niyang pinatawad ang aktres na nahaharap sa maximum na 20 taong pagkakakulong sa kasong estafa. Matatandaang sina Ruffa at Nanette Medved ang nag-hayag ng pangalan ni Gabby Concepcion bilang maling best actor winner noong awards night, imbes na si edu.
Go Back To News Service Index
Subject: RTVRN / BATANG PASLIT
Newscast: TVPATROL - Air Date: 12/19/96
Nilagdaan ngayon ng ABS-CBN manangement at rank and file employees' union ang isang panibagong collective bargaining agreement (CBA). Sa ilalim ng CBA, makakatanggap ang mga rank and file employees ng P5,500 na dagdag sa kanilang suweldo sa loob ng susunod na tatlong taon. Tig P2,000 para sa una at ikalawang taon at P1,500 para sa ikatlong taon. Tatanggap din ang mga naturang empleyado ng P7,500 bilang signing bonus.Samantala, dalawang bagong programa ng ABS-CBN Regional TV Network ang inilunsad sa Cebu. Ito'y ang sitcom na "Pamilya Ukay-ukay", at ang entertainment talk show na "Carol en' Cosme". Inilunsad ang dalawang programa sa pamamagitan ng isang musical special na dinaluhan nina Gelli de Belen at Rico Yan. Ang "Carol en' Cosme" ay magsisimula ngayon. Bukas naman ang "Pamilya Ukay-ukay". Mapapanood ang dalawang programa sa lahat ng regional stations ng ABS-CBN.