Newscast: TV Patrol - Broadcast date: 12/17/96
Homepage: ABS-CBN Broadcasting Corp.
Copyright © 1996, ABS-CBN Broadcasting Corp.

DOJ FILES CHARGES / ETHICS COM
PAANO PATAYIN ANG PRESO
FOLLOW-UP ON DRUGS
EXPOSE
F-O-R / PIRMA / DE VENECIA
UPGRADE / NO SPARKS / FVR
PAANO SINA RUFFA AT ROCKY?
50% OF PINOY OCWS NO JOB
FOR OPERATION
GAME 5
MMDA / AETAS



Subject: DOJ FILES CHARGES / ETHICS COM
Newscast: TVPATROL - Air Date: 12/17/96

Nanganganib mahanay sa pila ng mga nahatulan ng parusang kamatayan si Congressman Romeo Jalosjos. Ito'y matapos isampa kanina ng Department of Justice (DOJ) sa Makati Regional Trial Court, ang dalawang kaso ng statutory rape laban kay Jalosjos.

Ayon sa DOJ, sisikapin nilang mapatawan ng bitay si Congressman Jalosjos. Isa sa kanilang gagamiting ebidensiya ay ang umano'y pang-abuso nito bilang isang public official. Bilang kongresista o government official, dapat umanong nalaman ni Jalosjos na mali ang pang-abuso ng menor de edad bago niya ito ginawa. Isinampa ng government prosecution panel sa Makati RTC ang kasong two counts of statutory rape at 12 kaso ng "sexual abuse and exploitation of a minor" na may "act of lasciviousness". Ang mga kaso ay ibinatay sa testimonya ng batang biktima. Kasabay ng pagsasampa ng kaso laban kay Jalosjos, nagsampa naman ng omnibus motion ang defense panel upang pigilin ang pag-palabas ng warrant of arrest. Hiniling din ng defense ang preliminary hearing upang malaman kung may "probable cause" ang kaso at ang pag basura ng mga kaso.

Ayon sa DOJ, naayon sa batas ang kanilang imbestigasyon at handa silang sagutin ang defense panel. Halos P500,000 ang kailangang ipampiyansa ni Jalosjos sa mga kasong "act of lasciviuosness". Subalit walang piyansa ang mga kasong "statutory rape". Ang kaso ay hahawakan ni Makati RTC Judge Roberto Diokno.

Samantala, hindi pumasa sa prosecution ang kasong isinamampa ng National Bureau of Investigation (NBI) laban sa ama-amahan ng biktima na si Simplicio Delantar. Sa kabila ng kaso, naniniwala pa rin si Jalosjos na lilitaw pa rin ang katotohanan sa bandang huli. "He is confident. The truth shall set him free," sabi ni Atty. Alfredo Lazaro, abogado ni Jalosjos. Ini-urong naman ng House ethics committee sa Enero ng susunod na taon ang imbestigasyon kay Congressman Jalosjos. Tugon ito sa hiling ni Social Welfare and Development Secretary Lina Laigo at ng mga abogado ng 11-taong gulang na batang biktima umano ni Jalosjos. Nangangamba sila na ma-troma ang bata sa magkasabay na imbestigasyon ng Kongreso at korte.

Sa ilalim ng Konstitusyon, hindi maaring igiit ni Jalosjos ang parliamentary immunity. Samantala, dalawa pang biktima umano ni Jalosjos ang handa na ring magbigay ng kanilang testimonya laban sa mambabatas. Kabilang sa mga naging biktima umano ni Congressman Jalosjos ay si "Rose". Si "Rose", hindi niya tunay pangalan, ay tinangka umanong halayin ni Congressman sa Dakak Resort noong siya'y 15 anyos pa lamang. Ang tawag ni Rose kay congressman ay "Sir RJ" dahil ito ang kanyang initials. Si Anna naman ay nagtrabaho sa Dadak Resort na pag-aari ni Jalosjos, mula 1988 hanggang 1991. Aniya, sa kanya ikinuwento ng dalawang umano'y rape victims ni Jalosjos ang mga ginawa sa kanila. Ang tawag naman sa kanya ni Anna ay "Sir Nonong" Nagpahayag na ang DOJ ng interes na makuha ang mga testimonya nina "Anna" at "Rose".

Anila, marami pang naging biktima ang congressman subalit hanggang ngayon ay natatakot pa ang mga itong lumantad. Isa pang kaso ng panggagahasa. Pinawalang-sala ng Manila RTC sa kasong 2 counts of rape si Carlito Corpuz y Dacayanan. Siya'y inakusahan ng pangre-rape sa 15 anyos na si Maria Cirila Gaspay noong Hunyo. Ayon kay Judge Lorenzo Veneracion, maraming butas sa testimonya ng biktima. Ini-utos ni Veneracion ang agad na pagpapalaya ng akusado.


Subject: PAANO PATAYIN ANG PRESO
Newscast: TVPATROL - Air Date: 12/17/96

Matatapos na sa buwang ito ang death chamber sa loob ng National Bureau of Prisons Compound sa Muntinlupa, Metro Manila. Dito gaganapin ang kauna-unahang execution sa pamamagitan ng lethal injection sa Pilipinas sa darating na Hulyo 1997.

Si convicted rapist Leo Echagaray ang magiging unang Pilipino na mamamatay sa pamamagitan ng lethal injection. Ang lethal injection execution ay gagawin sa isang chamber na ginawa noong Setyembre kapalit ng electric chair chamber na nasunog noong 1977. Ang nasabing gusali ay mayroong kulungan na may banyo, execution room, at ang viewing room para sa mga witnesses at mga kamag-anak ng papatayin. Isa pang gusali ang itinayo malapit sa death chamber, kung saan maghihintay ang mga witnesses at media, ilang minuto bago patayin ang convict. Nagkakahalaga ng P1,000 ang bawat execution na gagamit ng tatlong uri ng kemikal. Una, pampatulog. Susunod, muscle relaxant. At ang huli, ang cyanide na siyang papatay sa convict.

Umaabot na sa 230 na mga bilanggo ang nakahanay ngayon sa death row. Ang death chamber at ang visitor's waiting building ay nagkakahalaga ng P1.6 milyon.


Subject: FOLLOW-UP ON DRUGS
Newscast: TVPATROL - Air Date: 12/17/96

Ipinamamadali ni Pangulong Ramos sa Philippine National Police (PNP) at Department of Interior and Local Governments (DILG) ang imbestigasyon sa kasong pagpatay kay radyo dzMM desk editor Bert Berbon. Inatasan ng Pangulo ang dalawang nasabing ahensiya na makipag-ugnayan sa Department of Justice (DOJ) at National Bureau of Investigation (NBI) para sa agarang paglulutas ng kaso. Ipinarating na rin ng Pangulo ang kanyang pakikiramay sa pamilya ni Berbon at sa ABS-CBN.

Samantala, katulad ng ikinamatay ni Father Jessie Palileo, hinihinalang may kinalaman sa illegal drugs ang pagpaslang kay Bert Berbon. Ikalawang araw na mula nang pinatay si Bert Berbon. Pinagtutuunan ng pansin ngayon ng Cavite PNP Command ang dalawang motibo. Isa, ang hidwaan sa pagitan ng mga mediamen sa Cavite, at ikalawa, ang problema sa droga sa naturang lalawigan. Maraming asset si Bert. Malalim ang kuneksiyon at ito ang ginagamit niya sa pagbubulgar ng mga illegal na gawain sa Cavite. Isang mabigat na problema sa Cavite ang droga. Sinasabing 80 porsiyento ng mga drug addicts na nasa rehabilitation ay galing ng Cavite.

Isa sa pinakahuling in-expose ni Bert ay ang nakumpiskang 200 kilos ng shabu sa Tagaytay City kamakailan. Ito ang pinakamalaking drug bust mula 1970s. Isa lamang ang nahuli rito, si Lucky Lau, samantalang pinaghahanap ang tatlong kasama nito na sina Ki Ngo Chan alias Danny Chan, si Calvin Lau, at Pere Lei. Ang grupong ito ang ibinulgar ng Samaka, ang grupong itinatag ni Bert. Sa krusadang ginawa ni Bert, malalaking tao ang masasangkot. Marami pang alam si Bert nguni't hindi natuloy. At ang tanging paraan ng kanyang mga kaaway ay ang patahimikin si Tata Bert sa habang panahon.

Samantala, nagpalabas na ang mga otoridad ng unang cartographic sketch ng isa sa umano'y pumatay sa aming kasamang si Bert Berbon. Ipatatawag din ng Cavite PNP Command ang ilang mediamen na maaring makapaglinaw sa insidente ng pagpatay kay Bert Berbon.

Ayon sa Task Force "Berbon", kukunan din ng pahayag sina Lourdeth Bonilla, Robert Romasanta at ilang miembro ng Samaka, para linawin ang umano'y hidwaan sa dalawang grupo ng media sa Cavite. Naging mainit na magkaaway ang dalawang grupo mula nang itinatag at ihiwalay ni Berbon ang Samaka sa Cavite Press club. Nagkaroon ng magkahiwalay na press office ang Samaka sa Camp Garcia. Ang Cavite Press Club naman ay naglalagi sa Kapitolyo. Nguni't, marami pa rin ang naniniwalang professional na alitan at hindi seryoso ang mga namagitan sa dalawang grupo. Sinikap kunin ng ABS-CBN News ang pahayag ng Cavite Press Club, nguni't nanatililing tahimik ang mga ito. Unang naiulat na pinapatay ng pulitiko na sumusuporta sa kabilang grupo si Berbon. Ilang gramo ng shabu ang ibinayad umano sa professional killers.


Subject: EXPOSE
Newscast: TVPATROL - Air Date: 12/17/96

Bumagsak na sa mga kamay ni Chief Inspector Marcos Badilla, hepe ng PNP Criminal Investigation Group sa region 10, ang suspek sa masaker sa Alaminos, Pangasinan. Si Rolly Pagador ay nahuli kaninang alas 11:00 ng tanghali sa Sitio Dabong-gabong, Mailag, Valencia, Bukidnon. Si Pagador ang sinasabing pumatay sa dalawang magulang ng babaeng nililigawan niya.

Samantala, dalawang taon na ang nakaraan nang dukutin at tangkaing patayin si Agnes Guirindola, dating estudyante sa De La Salle University. Tatlo sa mga kidnapper ang nakakulong na. Nguni't, ayon sa National Bureau of Investigation (NBI), balot pa rin sa misteryo ang kaso. Alas 4:00 ng hapon ng Enero 12, 1994. Nagmamaneho si Agnes Guirindola sa may Mother Ignacia Avenue sa Quezon City, nang bigla siyang patigilin ng isang lalaking naka police vest. Pilit pina-inom ng pampatulog si Agnes. Gabi na nang siya'y magising sa isang bukid sa Batangas. Nabuhay si Agnes. Sa tulong ng NBI, nakulong sina Roberto Gun-gon at Venancio Roxas, mga dating empleyado ng Metro Manila Development Authority.

Si Nilo Magbuhat, na umano'y sepulturero nina Roxas sa Banaba East, ay nahuli nitong 1996. Ngunit ayon sa NBI, maaaring nakakawala pa ang ibang kasangkot. Anila, isang opisyal na malapit kay Gun-gon ang maaaring tumulong sa kanya nang siya'y unang tumakas papuntang Davao. Ayon din sa NBI, dalawa lamang sina Agnes at isang pinatay na Virginia Villena, sa maraming naging biktima. Isang kalansay na ang na-recover ng NBI. Ang iba anila'y, hinukay na ng di kilalang tao. At ayon sa mga residente ng Banaba East, wala silang alam tungkol dito.


Subject: F-O-R / PIRMA / DE VENECIA
Newscast: TVPATROL - Air Date: 12/17/96

Maglulunsad ng sariling kampanya ang Simbahang Katoliko laban sa mga planong pagbabago sa Konstitusyon. Ayon kay Bishop Teodoro Bacani, mauubos lang ang oras ng bansa sa walang katuturang pagkilos ng grupong Pirma. Muling nanindigan ang Catholic Bishops Conference of the Philippines, na wala nang dapat baguhin pa sa Konstitusyon, lalo na kung ito ay magpapalawig lamang ng termino ni Pangulong Ramos. Sinabi ni Bishop Bacani na susuportahan niya ang Bura o "Bury the Useless Reform Agenda", isang grupo na tatapat sa Pirma.

Ayon naman kay Bishop Pedro Quitorio, may sariling paraan ang simbahan para mangampanya laban sa anumang signature campaign. itinanggi naman ng Friends Of Ramos (FOR) na kasapi sila sa mga grupong nais mag-amyenda ng Konstitusyon. Ayon kay Oscar Inocentes, sinabihan sila ng Pangulong Ramos na huwag makialam sa Pirma. Pinag-papaliwanag naman ni Pangulong Ramos si Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) chairman Manoling Morato, sa pagkakasapi nito sa Pirma. Sinabi pa ng Pangulo na nag-utos na siya sa kanyang emisssary na kumbinsihin ang Pirma upang itigil na ang kanilang plano.

Samantala, babawasan ni Pangulong Ramos ang kanyang ehersisyo at mga biyahe sa probinsiya upang agad na maka-recover sa kanyang karamdaman. Subalit, itutuloy pa rin niya ang mga nakatakda niyang foreign trips sa papasok na taon. Ayon sa Pangulo, bumubuti na ang kanyang pakiramdam bagamat kailangan pa rin niyang suma-ilalim sa post-medical check-up. Nabahala ang mga negosyante matapos maiulat na maaring na-stroke ang Pangulo. Itinanggi ito sa ABS-CBN News ng personal na doktor ng Presidente.


Subject: UPGRADE / NO SPARKS / FVR
Newscast: TVPATROL - Air Date: 12/17/96

Lumobo sa P220 bilyon ang halagang nalugi sa pamahalaan dahil sa Public Estates Authority/Amari land deal. Ito ang ibinulgar ngayon ni Senate President Ernesto Maceda sa paghaharap nila ni Transportation Secretary Amado Lagdameo matapos mabunyag ang anomalya. Batay aniya sa mga dokumento at pahayag ng mga eksperto, hindi lang P120 bilyon ang nawala sa gobyerno. Sa pagdinig ng mga komite ng blue ribbon at government corporation sa Senado ngayon, inamin din ni Lagdameo na nilikha lang nila ang posisyon ng deputy general manager for special projects para sa transaksiyon sa Amari at iba pang proyekto para kay Justiniano "Bobby" Montano IV, na kamakailan ay nagbitiw sa tungkulin.

Subject: PAANO SINA RUFFA AT ROCKY?
Newscast: TVPATROL - Air Date: 12/17/96

Maaaring si Ruffa Gutierrez pa rin ang mahatulan ng pinakamabigat na parusa sa kasong Manila Filmfest scam. Ito'y kung di siya a-amin sa korte na kasangkot din siya sa scam gaya ng ginawa ni Lolit Solis na hinatulan kahapon ng dalawang taong pagkakabilanggo. "The admission of Lolit Solis only strengthened our argument that Ruffa conspired with her," sabi ni Angel Aguirre, abogado ng Manila government.

Ayon sa Manila City Hall, 20 taong pagkakabilanggo ang maaring ihatol kay Ruffa sa kasong estafa. Pero maaring maremedyuhan ito kung aminin na ng aktres ang papel niya sa scam sa susunod na hearing sa Enero. Sa ilalim ng isang "plea bargain" kung saan niya inako ang kanyang responsibilidad sa scam, sinentensyahan kahapon ni Judge Felixberto Olalia ng dalawang taong pagkakabilanggo si Lolit. "Ang wish ko lang sana ma-absolve si Ruffa. Ako ang may kasalanan ng lahat," pahayag pa ni Solis. Sinagot naman ni Manila Mayor Alfredo Lim ang punang masyadong magaan ang naging parusa kay Lolit, na puedeng di i-bilanggo sa bisa ng kanyang petisyon na sumailalim na lang sa probation ng korte. "This is a triumph of justice and proves our point na may dayaan talaga," sabi pa ni Lim. Samantala, nilalakad na rin na maabswelto ang kapatid ni Ruffa na si Rocky sa kaso dahil sa kanyang murang edad noong maganap ang dayaan. "Gusto ko matapos na ito. Ako lang ang may kagagawan nito," dagdag pa ni Solis. Si Rocky at Ruffa ay kasalukuyang nasa Amerika.


Subject: 50% OF PINOY OCWS NO JOB
Newscast: TVPATROL - Air Date: 12/17/96

Namemeligrong mawalan ng trabaho ang kalahati ng libo-libong mga Pilipinong nagtatrabaho sa Hongkong sa sandaling mabalik na ito sa People's Republic of China sa Hulyo 1, 1997.

Sa pagdinig ngayon ng Kongreso, ibinunyag ni Foreign Affairs Undersecretary Leonides Caday, na posibleng palitan ng mga Intsik ang mga Pinoy na nasa Hongkong ngayon kahit nangako na sa Pangulong Ramos si Chinese President Jiang Zemin na hindi sila tatanggalin. Kasalukuyan na ring nagpapadala ang Departments of Foreign Affairs at Labor and Employment, ng mga misyon sa ibang bansa para mahanapan ng bagong oportunidad ang mga manggagawa.


Subject: FOR OPERATION
Newscast: TVPATROL - Air Date: 12/17/96

Kinasuhan ng kapabayaan ng National Bureau of Investigation (NBI) Special Task Force ang pitong doktor at nars ng Capitol Medical Center. Ito'y kaugnay ng kaso ng pasyenteng si Proceso Gonzales na dinala sa nasabing ospital para sa isang "gallstone operation".

Ayon sa report, nasa mabuting kalagayan ang pasyente ngunit namatay ito pagkaraan ng operasyon.

Samantala, isasailalim na sa maselang operasyon sa Philippine Heart Center si Alma Magbanua, ang sanggol na ang puso'y nasa labas ng kanyang dibdib. May 20 araw nang naka-confine sa intensive care unit ng Heart Center si Alma. Nguni't, ngayon lamang napagpasyahan na operahan siya. Itinakda ang operasyon sa Huwebes. Ang mga doktor ay namangha sa katatagan ng bata sa pakikipaglaban para mabuhay. Si Alma ang ika-pito sa mga anak ng mag-asawang Alejando at Teresa Magbanua mula sa mahirap na angkan sa Iloilo. Ang sanggol ay isasailalim sa tinatawag na "auto transplantation", isang kumplikadong operasyon na sinasabing "huling pag-asa" ni baby Alma.

Ayon kay Dr. Serafin de Leon, espesiyalista sa puso na naka-base sa Amerika, napaka-delikado ng operasyon. Aniya, malaki ang maitutulong ng dasal. Tatlong option ang pinagpipilian sa operasyon. Una, hayaang nakalabas ang puso na tatakpan ng balat; pangalawa, ilulubog ang puso at pangatlo, putulin ang puso at ihanap ng lugar sa loob ng dibdib. Napaka-delikado ng operasyon at kinakailangan ang panalangin ng bawat isa para mabuhay si Alma.

Tiniyak naman ng Department of Justice sa mga biktima at pamilya ng Ozone tragedy na kakasuhan nila ang mga opisyal ng Quezon City kaugnay sa naturang pangyayari. Binitiwan na rin nina prosecutors Ferdinand Abesamis at Archimedes Manabat ang kaso at sinabihan sila na i-turn over nila ang mga ebidensya sa loob ng 24 oras. Ayon sa mga biktima, siyam na na buwan na ang nakalilipas mula ng mangyari ang trahedya ngunit walang anumang naisasampang kaso laban sa mga responsable sa trahedya.


Subject: GAME 5
Newscast: TVPATROL - Air Date: 12/17/96

May hininga pa at patuloy pang lumalaban ang "never-say-die" na Ginebra! Mamaya sa Game 5 ng PBA Governor's Cup finals, muli silang hihirit sa pangunguna ng bago nilang import na si Derek Rucker. Tatlo pang sunud-sunod na panalo ang kailangan nila kontra sa Alaska para maging kampyon. Ayon kay coach Tim Cone, sa isang pagkakamali lang ng Ginebra, tapos na ang laban. "The fact that they (Ginebra) have to come out and beat us four straight games, I don't think that's going to happen," sabi ni Cone.

Subject: MMDA / AETAS
Newscast: TVPATROL - Air Date: 12/17/96

Daan-daang Aeta ang dumagsa na naman sa Metro Manila upang mamasko. Bukod sa mga tinatawag na "kulot", meron ding mga squatters mula sa Tondo na pumipirmi sa ilalim ng mga flyovers sa Edsa. Sila ang mga katutubo na nawalan ng tirahan nang sumabog ang Mount Pinatubo. Nabigyan sila ng permanenteng tuluyan sa Porac, Pampanga. Ngunit mula taong 1991, tuwing sasapit ang kapaskuhan, naka-ugalian na nilang magtungong Maynila upang mamalimos. Tatlumpu't pitong pisong kapital lamang ang kailangang ipunin ng bawat Aeta para sa kanilang pamasahe mula Pampanga patungong Quezon City. Anila'y nakukuha naman nila ito sa pagbebenta ng kanilang pananim na saging at kamote. Dahil sa laki ng kinikita, hindi lamang ang mga Aeta ngayon ang namamasko sa kalsada. Pati na rin ang ilang mga taga-Tondo ay pumuwesto na. Nakiki-usap sila sa awtoridad na huwag sana silang paalisin kahit ngayong pasko lamang.

Sa unang tingin, sila'y maituturing na perhuwisyo sa lansangan. Doon sila nagluluto, natutulog. Ngunit kung pagmamasdan, makikita sa kanilang mga mukha ang diwa ng kapaskuhan na makukuha lamang nila sa panlilimos.

Samantala, nagtalaga ngayon ang Metro Manila Development Authority (MMDA) ng dagdag na motorcycle patrols sa kahabaan ng Edsa upang tiyaking hindi magbubuhol-buhol ang trapiko lalo na ngayong pasko. Nguni't bugbog pa rin ng reklamo sa mga motorista ang desisyon ng MMDA na suspendihin ang unified traffic scheme.

Ayon sa mga traffic enforcers, kakaiba ang bigat ng traffic nitong nagdaang dalawang araw sa mga pangunahing lansangan partikular sa Edsa. Hinihiling ng marami na ibalik na lamang ang dating unified traffic scheme.

Go Back To News Service Index