Newscast: TV Patrol - Broadcast date: 12/16/96
Homepage: ABS-CBN Broadcasting Corp.
Copyright © 1996, ABS-CBN Broadcasting Corp.

BUMAGSAK / BUSINESSMEN WORRIED
BUBURAHIN ANG PIRMA
KILLED IN CAVITE
GOODBYE TATA BERT...
THE PERILS OF A JOURNALIST
ANG GULO SA LTFRB
DOJ TO FILE CASES
LOLIT AT GINEBRA NA NAKA-ISA
TAKBUHAN SA UP
SIMBANG GABI



Subject: BUMAGSAK / BUSINESSMEN WORRIED
Newscast: TVPATROL - Air Date: 12/16/96

Nababahala ang mga negosyante sa kondisyong pangkalusugan ni Pangulong Ramos. Naapektuhan na rin ng pagkaka-ospital ng Pangulo ang stock market. Pinayuhan ng mga negosyante ang Presidente na magpahinay-hinay muna, matapos itong ma-ospital noong huwebes sa Makati Medical Center.

Ayon sa Malakanyang, lagnat lamang ang naging sakit ng Presidente, ngunit iba pang kuro-kuro ang lumabas gaya ng "mild stroke" at "transient ischemia". Ayon kay Philippine Chamber of Commerce President Federico Pascual, hindi kataka-taka na ma-ospital ang Presidente dahil isa ito sa pinakamasipag na naging pangulo ng bansa. Isa pang negosyanteng ayaw magpakilala ang nagsabing malamang na "transient ischemia" ang naging sakit ng Presidente at hindi "mild stroke", kung kaya't nakalabas ito kaagad. Aniya ng negosyante ay nagkaroon din siya ng ganitong sakit dati, at isang sanhi nito ang stress. Pinabulaanan naman ng Presidente ang pag-aalala ng mga negosyante, at sinabing hindi sila dapat basta-basta naniniwala sa haka-haka.

Sa palasyo, nagbihis lamang ang Pangulo kinatanghalian at nagtungong Smokey Mountain para sa dalawang oras na pakikipag-pulong kasama ang Social Reform Council. At para na ring nilabag ng Pangulo ang utos ng kanyang doktor na maghinay-hinay muna nang harapin niya ang maituturing na pinakamasalimuot na isang bumabagabag sa kanyang administrasyon ngayon. Sa state dining room sa palasyo, nakipag-pulong ang Pangulo kay Transportation Secretary Amado Lagdameo kaugnay ng Philippine Estates Authority-Amari land deal. Ngayong alas 6:30 ng gabi, tatanggap ng bisita mula sa Korea ang Pangulo. At alas 8:30, isang taped television interview ang nakatakdang maganap. Nguni't, ang nakatakdang cabinet meeting sa Romblon bukas ay nakansela na. At ayon kay Press Secretary Hector Villanueva, malamang makansela rin ang iba pang biyahe ng Pangulo sa labas ng Metro Manila. Ito'y pagtugon ng Pangulo sa utos ng kanyang doktor.


Subject: BUBURAHIN ANG PIRMA
Newscast: TVPATROL - Air Date: 12/16/96

Itutuloy ng grupong Pirma (People's Initiative for Reform Modernization, Action) ang kanilang signature campaign para sa pagbabago ng Konstitusyon kahit mismong ang Pangulo pa ang humiling na itigil nila ito. Handa naman ang grupong Bury the Useless Reform Agenda (BURA) na kontrahin ang lahat ng mga aksiyong ilulunsad ng Pirma.

Tatapatan ng Bura ang planong people's initiative ng Pirma. Ayon kay Attorney Frank Chavez, convenor ng Bura, kabilang sa grupo ang mga negosyante, grupo ng mga abogado, at mga dating opisyal ng pamahalaan. Ito ay sina Rene Saguisag, Bobbit Sanchez at mga prominenteng negosyante. Pinatitigil na rin ng mga Senador ang kampanya ng Pirma. Sa Kongreso, pinagbibitiw ni Congressman Erasmo Damasing sa Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) si Manoling Morato dahil baka gamitan nito ang pondo ng lotto sa signature campaign. Pinababasura naman ng Senado ang kahit anong planong amyendahin ang Saligang Batas. Nguni't, sa kabila ng mga oposisyon, sisimulan na ng Pirma sa linggong ito ang kanilang kampanya sa mga lalawigan. Binalewala rin ni Alberto Pedrosa ang anumang banta ng Bura. Binatikos din ng mga Pedrosa si Cardinal Sin sa umano'y pakikialam nito sa usaping pulitika. Ayon sa mga Pedrosa, nais lamang ni Sin na pumapel sa pagpili ng mga pinuno ng pamahalaan. Ito na rin ang simula ng kanilang pagbabantay sa anumang plano ng Pirma, kabilang na ang pag-kwestiyon sa korte hinggil sa mga paraang pag-amyenda sa Konstitusyon.


Subject: KILLED IN CAVITE
Newscast: TVPATROL - Air Date: 12/16/96

Isa sa aming ka-pamilya sa ABS-CBN News ang nasawi matapos na walang awang paslangin ng mga di pa kilalang salarin. Tadtad ng bala ang beteranong broadcaster na si Bert Berbon sa harap mismo ng kanyang tahanan sa Imus, Cavite kagabi. Dead on the spot si "Tata" Bert Berbon, senior desk editor ng dzMM Radyo Patrol. Sa ulo pinuntirya ang biktima.

Kasalukuyang nakikipag-inuman si "Tata" Bert kasama ang kanyang may-bahay at mga kapatid nang may pumaradang pulang sasakyan na may plakang NKK 449 sa harap ng kanilang tirahan. Bumaba ang driver at sabay labas ng armalite. Halos maubos ang laman ng magazine ng armalite sa katawan ni "Tata" Bert. Nadaplisan naman ng bala sa hita ang asawa ng biktima. Hindi pa nakuntento, bumaba ng kotse ang isa pang suspek at bumunot ng kalibre 45, kasunod ang panigurong putok sa nakalugmok nang biktima. Nababahala naman ang ilang Cavitenyo sa ilang sunod nang krimeng naganap sa kanilang lalawigan kasama na rin ng pagkakapaslang kay dzMM desk editor Bert Barbon. Lumalabas na professional killers ang pumatay kay Bert Berbon. Siniguradong wala na itong hininga bago kalmanteng umalis ang mga killers.

Masayahing tao, walang kaaway, layon ni Bert na pag-isahin ang mga mediamen sa buong Cavite ngunit may mga nagseselos umano. Ang Samahan ng mga Mamamahayag sa Kabite o "Samaka" ay isang media group na itinatag ni Tata Bert noong nakaraang taon. Para sa Samaka, inggit ang motibo sa pagpatay kay Bert dahil sila lamang ang solidong grupo ng media sa Cavite. Hinihinala ding suportado ng ilang pulitiko ang ilang mamamahayag. Kumilos ang Cavite police at ang National Bureau of Investigation (NBI) ngunit sa ngayon, kahit cartographic sketch ng killers ay hindi pa nabubuo. Ilan sa mga krimeng naganap sa Cavite ay hindi pa nalulutas. Kabilang rito ang pagpatay kay Fr. James Palileo itong nakaraang buwan.


Subject: GOODBYE TATA BERT...
Newscast: TVPATROL - Air Date: 12/16/96

Kilalanin natin kung sino ba si Bert Berbon. Kakaiba ang style ni Berbon. Maging sa news gathering operations, nawawala ang pagod ng mga reporters pag nadidinig ang kanyang boses sa handheld radio. Siya ay unang pumasok sa ABS-CBN bilang coordinator. Pero dahil magaling sa news operations, si Tata Bert ay madaling na-promote bilang desk editor. Maraming balita mula Cavite na pinaputok si Tata Bert. Ang pinaka-huling "scoop" niya ay ang raid sa isa sa pinakamalaking drug bust sa Cavite. Nitong Sabado, isang araw bago siya pinatay, marami ang nakapansin na malungkot siya.

Subject: THE PERILS OF A JOURNALIST
Newscast: TVPATROL - Air Date: 12/16/96

Ipinagluluksa ng Philippine National Police Press Corps (PNPPC) ang pagkamatay ni Tata Bert. Anila, hindi lamang isang dedikadong mamamahayag ang namatay, kundi nagpapatunay lamang ng seryosong paniniil sa pamamamahayag sa bansa.

Ayon sa Philippine Center for Investigative Journalism (PCIJ), ang Pilipinas ay itinuturing isa sa mga pinaka-mapanganib na lugar para sa mga propesyonal na journalists. Maraming organanisasyon ng mga mamahayag at human rights ang nagpadala ng kanilang protesta sa pagpatay kay Bert Berbon. Sa loob ng 30 taon, mahigit 60 ang napatay na mamamahayag sa Pilipinas. May 32 ang napatay noong panahon ni dating Presidente Marcos; 34 noong panahon ni Cory Aquino; at 13 mula nang umupo si Presidente Ramos.

Ayon sa PCIJ, pinakamalaki ang panganib para sa mga mamamahayag sa probinsiya. Anila, nahuhuli lamang ang Pilipinas sa mga bansang Algeria at Bosnia, kung saan may nagaganap na giyera. Karamihan sa mga kaso ng pagpatay ay hindi pa nareresolba. Aniya, hanggat hindi naiintindihan ng mamamayan ang kahalagahan ng malayang pagpapahayag, hindi uunlad ang demokrasya sa Pilipinas.


Subject: ANG GULO SA LTFRB
Newscast: TVPATROL - Air Date: 12/16/96

Nagkabuhol-buhol ang trapik kaninang umaga matapos bigyan ng Metro Manila Development Authority (MMDA) ng "Provisional Exemption" ang lahat ng pampublikong bus, jeep, at taxi sa ipinatutupad na "Unified Vehicular Volume Reduction Program" sa panahon ng kapaskuhan.

Ayon kay MMDA Chairman Prospero Oreta, ito'y bilang pagbibigay-daan sa kahilingan ng publiko na ma-exempt ang mga pampublikong sasakyan sa naturang traffic scheme. Subalit, naging masikip ang mga kalye. Samantala, nagulat at nagalit ang mga taxi drivers at mga operators sa Land Transportation Franchising Regulatory Board (LTFRB) matapos malaman na mahigit na sa P1,000 pala ang babayaran nila sa pagpapa-"calibrate" ng kanilang mga metro. Tumaas kaninang umaga ang flagdown rate ng taxi ng P4.

Ayon sa batas, kailangang ma-i-calibrate ang lahat ng mga metro ng taxi sa pagtaas ng pasahe nito. Subalit, nagreklamo ang mga drivers at operators sa labis na kamahalan ng calibration. Umaabot sa P600 ang nasabing calibration at P400 naman para sa filing fee at P200 daw sa resealing ng mga metro, kung kaya't umaabot ito sa P1,200. Ayon kay LTFRB Chairman Dante Lantin, hindi sila ang dapat sisihin sa pagtaas ng calibration ng mga metro kundi ang mga kumpanya na binilihan nila ng mga metro. Nguni't, ipinagtanggol naman ng mga meter company ang pagtataas ng calibration. Papalitan daw ang mga Internal Circuitry (IC) ng mga metro. Ang IC ay siyang nagpapatakbo sa mga metro o utak nito. Hindi lamang calibration ang tumaas, kundi pati raw ang processing ng mga papeles ay mabigat-bigat din. Pati resealing ng metro ay nagmahal na rin daw.


Subject: DOJ TO FILE CASES
Newscast: TVPATROL - Air Date: 12/16/96

Dalawa pang kaso ng statutory rape laban kay congressman Romeo Jalosjos ang isasampa bukas ng Justice Department. Walang piyansang inirekomenda dito. Napatunayan din ng panel na may sapat na ebidensiya para idiin si Jalosjos sa apat na counts ng acts of lasciviousness. Ibinasura naman ng prosekyusyon ang mosyon ng kapatid ng kongresista na si Dominador para maki-alam sa kaso.

Subject: LOLIT AT GINEBRA NA NAKA-ISA
Newscast: TVPATROL - Air Date: 12/16/96

Otomatiko nang na-sintensiyahan ng dalawang taong pagkaka-bilanggo ang talent manager na si Lolit Solis kaugnay sa Manila Film Fest Scam. Ito'y makaraang ihayag ngayon ni Solis na guilty siya sa kaso. Subalit sa ilalim ng court ruling, ang mga kasong may sintensiyang anim na taong pagkaka-kulong pababa, ay maaring humingi ng "probation". Humihingi si Solis ng ekstensyon sa P20,000 piyansa niya. Nag-alok din siya ng mahigit P15,000, bilang kabayaran sa "trophy" na kanyang ini-uwi noong film-fest awards night.

Sa ngayon, ang tanging Christmas wish ni Lolit Solis ay ang malinis ang pangalan ni Ruffa Gutierrez sa scam. Samantala, nabuhay ang "baranggay" Ginebra nang manalo sila sa Game 4 kagabi sa PBA Governors Cup best-of-seven finals. Ito ang unang panalo ng grupo ni Jaworski sa Philippine Basketball Association (PBA) finals mula 1991. Ngunit malaki pa rin ang hahabulin ng Ginebra. Tatlo na ang panalo ng Alaska at determinado silang makuha ang grand slam sa Martes.


Subject: TAKBUHAN SA UP
Newscast: TVPATROL - Air Date: 12/16/96

Nagkagulo sa University of the Philippines (UP) Diliman kanina, pero hindi dahil sa mga aktibistang mga estudyante, kundi sa taunang "oblation run". Ilang mga neophytes ng Alpha Phi Omega (APO) fraternity ang tumakbo sa loob ng Arts and Sciences lobby na naka-hubo't-hubad. Ngunit hindi makilala kung sino ang mga ito dahil nakatakip ang mga mukha nila. Ang "ehersisyo" ay bahagi ng "initiation rites" ng fraternity. Tinawag itong "oblation run" dahil ginagaya ng mga tumakbo ang "oblation" ng UP na dahon lang ang nakatakip sa maselang bahagi ng katawan nito.

Subject: SIMBANG GABI
Newscast: TVPATROL - Air Date: 12/16/96

Kung pasko rin lang ang pag-uusapan, kilala ang Pilipinas sa buong mundo na may pinaka-mahabang Christmas celebration. Sinisimulan ito sa simbang gabi kaninang madaling araw. Eksakto alas 4:00 kaninang madaling araw, halos sabay-sabay na ipinagdiwang sa mga simbahan ang unang araw ng selebrasyon ng kapaskuhan, ang simbang gabi.

Walang duda, hindi pa rin nalilimutan ng mga Pilipino ang nakagisnang tradisyon na bumangon sa madaling araw at magtungo sa mga simbahan. Halo-halong tao ang makikita sa mga simbahan. Mga bata na ang iba ay naglalaro lamang, at ang mga matatanda ay taimtim sa kanilang pagdarasal. Mga magkasintahan na bukod pa sa misa ang gimik kundi nakaw na sandali na rin. At mukhang ayaw magpahuli ng mga nasa third sex na singtingkad ng Christmas lights ang kolorete sa mukha at tila trompillo na paikot-ikot sa labas ng simbahan. Patok din sa simbang gabi ang mga nagtitinda ng kung anu-ano lalo na ang bagong lutong mga Pinoy delicacies. Top-rater pa rin ang puto bumbong gayundin ang mainit at katakam-takam na bibingka. Hangad ng lahat na makumpleto ang siyam na misang tradisyon. At kahit na sino pa at ano pa ang dahilan ng paglahok sa simbang gabi, isang bagay lang ang hindi maitatatwa, ang tradisyong ito ay nananatili at mananatili sa mga susunod pang pasko.

Go Back To News Service Index