Subject: LAKAS HITS ORETA COMPANY
Newscast: TVPATROL - Air Date: 12/11/96
Napikon na si Pangulong Ramos sa mga paghahamon sa kanyang patunayang wala na siyang planong magtagal sa Malakanyang sa pamamagitan ng paglagda sa anti-PIRMA (People's Initiative for Reform, Modernization and Action) campaign. Binatikos din ng Lakas ang anti-PIRMA campaign ni Congresswoman Tessie Aquino-Oreta na anila'y ginagamit lang nito sa pamumulitika. Binalikan ngayon ni Pangulong Ramos ang mga naghahamon sa kanyang pangunahan niya ang paglagda sa signature campaign laban sa grupong PIRMA. Ayon sa Pangulo, sapat na ang salita niya para mapatunayang hindi siya pabor sa pagbabago ng Konstitusyon. Iginiit naman ni Executive Secretary Ruben Torres, wala talagang pondo ang PIRMA para isagawa ang planong pagbabago. Naniniwala naman ang PIRMA na malawak na ang nakuha nilang suporta sa charter change. Binatikos ng Lakas ang pagtatatag ni Aquino-Oreta ng grupo laban sa charter change na anila'y labag sa batas. Ayon kay Lakas Deputy Secretary General Reynaldo Maclang, ginagamit lang ni Aquino-Oreta ang isyu para sa ambisyon nitong maging senador. Ayaw namang magpatalo ni Aquino-Oreta sa isyu ng pagbabago sa Konstitusyon. Malaki ang kanyang tiwala na marami pang lider ng bansa ang lalagda sa kanyang manifesto. Matagal ng nagpahayag si Speaker Jose de Venecia na kokontrahin niya ang anumang kampanya para amyendahan ang Saligang Batas. Tinitiyak naman ng chairman ng House committee on appropriations na may pondo sa isang referendum, basta ito ay isasabay sa Barangay Election sa 1997. Ayon kay Cong. Rolando Andaya, P400 million sa P2 bilyong budget ng Comelec at P500 million sa P71 billion internal revenue allotment (IRA) ng mga lokal na pamahalaan ang maaaring gamitin sa referendum.
Subject: LAMBASTS PIRMA (GIGI) / HONASAN
Newscast: TVPATROL - Air Date: 12/11/96
Nakatakdang mag-isyu ng opisyal na pahayag si Jaime Cardinal Sin tungkol sa posisyon ng simbahan sa signature campaign na nagpapalawig sa termino ng Pangulo. Una rito, binatikos ni Cardinal Sin ang nasabing plano na isang paglabag sa demokrasya. Samantala, hindi i-uurong ni Senador Gregorio Honasan ang kanyang panukalang pag-aalis sa pribelehiyo ng simbahan sa pagbubuwis. Ito'y sa kabila ng matinding oposisyon ng iba't ibang sektor. Gayunman, patuloy pa rin niyang pinag-aaralan ang panukala. Nilinaw din ni Honasan na hindi niya ginagamit ang isyu para malihis ang atensyon ng mamamayan mula sa planong pag-amyenda sa Konstitusyon.
Subject: BINASAHAN NG KASONG MURDER
Newscast: TVPATROL - Air Date: 12/11/96
Binasahan na ng kasong murder si Alberto "Ambet" Antonio, pangunahing suspect sa Arnie Tuadles murder case sa Pasig Regional Trial Court. Not guilty plea ang ipinasok ng huwes pagkatapos na manahimik si Antonio. Nagtitimpi ang pamilya Tuadles habang binigyan ni Judge Martin Villarama ng 40 minuto si Antonio para makahanda sa pagbasa ng kasong murder. Nguni't nanaig ang korte sa kabila ng paghingi ng postponement ni Antonio. Tumangging magbigay ng kaniyang plea si Antonio at si SPO4 Juanito Nieto, ang umano'y bodyguard niya. Ayon sa batas, not guilty plea ang ipapasok ng judge. Si SPO1 Honorio Cartalla, ang imbestigador ng Tuadles killing, ay nagbigay ng plea of not guilty. Si Nieto at Cartalla ay kinasuhan bilang mga accessory. Tumangging makilahok sa arraignment ang abogado ni Antonio, si Atty. Josue San Pedro dahil sa nakabimbing petition sa Korte Suprema na humihiling ng Temporary Restraining Order (TRO). Sa gitna ng laban sa procedural issues ay nasiyahan din sa naging resulta ang maybahay ni Tuadles. Aniya, kahit papaano ay tumatakbo ang kaso.
Subject: SUSPECT OWNS CRIME
Newscast: TVPATROL - Air Date: 12/11/96
Tahasang inamin ni Rolando Abria, ang principal suspect sa Chui massacre sa Quezon City, na siya ang sumaksak at umubos sa pamilya. Nguni't hindi kumbinsido ang mga pulis. Anila, sangkot lahat silang tatlo. Maari ring may kinalaman talaga ang unang dalawang suspect na sinampahan na ng kaso. Konsiyensiya ang nagtulak kay Abria upang sabihin umano ang totoo. Inaako niya ang responsibilidad sa pagpatay sa pamilya Chui noong Abril 13, 1996. Gayon man, hindi rin niya idinidiin sina Leonardo Gaspan at Joel de Juan, ang dalawang umamin ng krimen nguni't bumawi ng kanilang pahayag. Si Gaspan at De Juan ay unang nasangkot sa pahayag rin ni Abria na sabay-sabay silang dumating sa tahanan ng mga Chui bandang hapon. Nguni't ayon sa pulisya, kasamang masasampahan ng kasong multiple homicide ang mga ito. Iniipon lamang nila ang mga ebidensiya. Pinalaya kahapon ng korte sina Gaspan at De Juan dahil sa pagbawi ng kanilang pag-amin. Pansamantalang silang nakakalaya, nguni't hindi nangangahulugan na lusot na sila sa responsibilidad. Iniimbestigahan ng Central Police District Command ang kuneksiyon ng unang dalawang suspect na nakasuhan at ang huling tatlong suspect na nahuli kamakailan.
Subject: LEADERS TO PUSH FOR ROLLBACK
Newscast: TVPATROL - Air Date: 12/11/96
Isusulong ng Mababang Kapulungan ng Congreso ang hakbang para mapababa ang presyo ng langis bago mag-pasko. Ayon kay House Speaker Jose de Venecia, posibleng bumaba na ang halaga ng mga produktong petrolyo sa world market matapos na magbenta muli ng langis ang Iraq. Magsusumite kay Pangulong Ramos ng panukala ang House committee on energy para sa kaukulang pagbabawas sa kasalukuyang presyo ng langis. Sumang-ayon naman ang Pangulo na maaaring bumaba ang presyo ng crudo sa world market sa susunod na buwan. Subalit, ang pagbago ng lokal na presyo ng langis ay depende sa oil deregulation program ng gobyerno.
Subject: MAGIC SUGAR
Newscast: TVPATROL - Air Date: 12/11/96
Nakakumpiska ang Bureau of Food and Drugs (BFAD) ng mga pakete ng magic sugar na nagtataglay ng sodium cyclamate sa dalawang lugar sa Metro Manila. Ito'y mula sa Indonesia na pinaniniwalaang ipinupuslit ng maliliit na mga negosyante. Sa Guadalupe, Makati, at Quiapo sa Maynila, ang bagsakan ng sodium cyclamate na mula sa mga negosyanteng Muslim. Ito ay isang artificial sweetener na pinaniniwalaang may epekto sa kalusugan. Ang magic sugar ay ipinagbibili sa halagang P20 hanggang P30 sa bawat 10 gramo. Ito ay halos 30 beses na mas matamis sa ordinaryong asukal. Kadalasan ang gumagamit nito ay mga nagtitinda ng palamig dahil ito ay mura. Inamin din ng mga vendors sa Guadalupe na matagal na silang gumagamit nito. Ipinagbawal sa bansa ang pagpasok ng sodium cyclamate noong 1970, sapagkat posibleng ito ay maging sanhi ng cancer, subalit wala pang katiyakan dito. Tiniyak naman ng BFAD na wala nang dapat na ipangamba rito ang publiko. Sa ngayon ay ginagamit sa halos 50 mga bansa ang sodium cyclamate, gayung ito ay may basbas din ng World Health Organization. Tiniyak din ng BFAD ang mahigpit na pagmomonitor sa mga gumagamit ng magic sugar, lalo na sa mga palamig. Sa ngayon, problema nila kung sino ang nasa likod nito at paano ipinupuslit ang produkto.
Subject: CARPARK SUICIDE: MANDALUYONG
Newscast: TVPATROL - Air Date: 12/11/96
Balot pa rin ng misteryo ang kaso ng magkasintahang nakitang patay sa loob ng isang kotse sa carpark ng isang shopping mall. Wala pa ring linaw kung ano ang talagang ikinamatay nina Renato Ignacio at Ellen del Rosario. Natagpuan ang dalawang wala ng buhay sa carpark ng isang shopping mall sa Mandaluyong City noong linggo ng gabi. Hinihinala ng pulisya na sa overdose ng carbon monoxide namatay ang dalawa dahil may kemikal silang naamoy mula sa kotse ng buksan nila ito. Ngayon, sinasabi ng pamilya ni Ignacio na ito ay hindi matahimik. Iba't-ibang kakatwang bagay ang kanilang nararanasan. Mga pinggan na walang gumagalaw subalit nagbabagsakan. Mga ilaw na namamatay at nagsisindi ng kusa. Pinto sa kuwarto ni Renato na minsan ay hindi mabuksan at tila may humahatak sa loob. At ang pagkakalampagan ng mga rehas na bakal kahit na walang taong lumalapit. Ang paboritong aso ni Renato ay tila nagdadalamhati sa biglaang pagpanaw ng amo. Hangga't wala ang resulta ng awtopsiya, sina Renato at Ellen lamang ang siya pa ring nakakaalam sa dahilan ng kanilang pagkamatay.
Subject: BATTERED WOMAN
Newscast: TVPATROL - Air Date: 12/11/96
Dahil sa tindi ng pagiging seloso, nilaslas ng isang house painter ang mukha ng kanyang asawa para tuluyan na raw na pumangit at hindi na maagaw pa ng iba. Mahal na mahal ni Juanita Francisco ang asawa niyang si Angelito kung kaya't hindi ito nagsumbong sa pulis at nagpagamot na lamang sa ospital matapos ang insidente. Subalit, pag-uwi niya sa kanilang tahanan kagabi, bigla umanong pinagsusuntok ng kanyang asawa ang kanyang mukha na may mga hiwa pa at katatahi lamang. Agad nagtungo ang biktima sa pulisya upang ireklamo ang asawa nito. Subalit, mariin namang itinanggi ng suspek ang pananakit. Gaya ng karamihan sa "battered women", matagal na tiniis ng babae ang panggugulpi ng asawa dahil mahal niya ito. Madalas umanong magselos ang lalaki ng walang kadahilanan. Kagabi, naubusan na siya ng pasensiya at nagpasyang ipakulong na rin sa wakas ang asawa. Sasampahan ng kasong serious physical injuries ng mga awtoridad ang suspek, samantalang ang biktima naman ay lalayo muna raw upang magpahilom ng kanyang mga sugat.
Subject: LAGDAMEO / MONDAY HEARING
Newscast: TVPATROL - Air Date: 12/11/96
Produkto lang daw ng imahinasyon ni Senate President Ernesto Maceda ang pagkakabanggit nito sa dalawa umanong opisyal ng Public Estate Authority (PEA) na kasama sa secret meeting ni then PEA General Manager Amado Lagdameo sa Bangkok, Thailand. Ito ang iginiit ng PEA habang isang prayer rally rin ang isinasagawa ng mga empleyado nito bilang suporta kay Lagdameo. Inaasahang mag-iisa si Lagdameo sa pagdinig ng Senado sa Lunes kaugnay sa PEA-Amari landscam. Ayon kay Senador Juan Ponce Enrile, chairman ng komite, posibleng makasuhan ng tax evasion at paglabag sa anti-graft law ang mga mapapatunayang sangkot sa landscam. Ayon sa PEA, hindi nila kilala si Ben Cuervo o si Steve Sison, mga binanggit sa report na kasama ni Secretary Lagdameo sa pag-negotiate ng deal sa Amari. Naunang sinabi ni Senador Maceda na dating PEA director si Cuervo na nagdeposito ng mahigit sa P6 milyong matapos mapirmahan ang kontrata sa Amari. Binanggit din sa report ang isang Steve Sison ng PEA na umano'y kasama ni Lagdameo sa isang secret trip sa Bangkok noong isang taon. Nguni't ayon sa tagapagsalita ng PEA, hindi nila kilala ang dalawa. Nagpirmahan din ang mga empleyado ng PEA ng manifesto para suportahan ang kanilang opisyal. Bagama't tinatanggap umano nila ang imbestigasyon ng Malakanyang at Senado, binabale-wala naman ito ni Maceda. Inakusahan ni Maceda ang karamihan sa PEA na sangkot sa iba't ibang anomalya. Aayon naman sa Pangulo, bagama't nagbitiw na sa tungkulin ang assistant general manager ng PEA na si Justiniano Montano, hindi pa rin siya ligtas sa maaring pagkakasangkot sa naturang land deal.
Go Back To News Service Index
Subject: MICHAEL / LAST CONCERT
Newscast: TVPATROL - Air Date: 12/11/96
Umalis na sa bansa kaninang 12:00 ng tanghali ang "King of Pop" na si Michael Jackson. Ito'y higit na mas maaga sa kanyang scheduled departure. Si Jackson at ang mga kasama nito ay sakay ng private plane na may tatak na Kingdom Entertainment mula sa old Manila International Airport (MIA). Naging simple at tago ang kanyang pag-alis. Marami pa ring nag-abang para makita si Jackson sa huling pagkakataon. Bagamat nabigo ang marami sa kanila, marami rin namang nagsabing sulit na sulit ang pagpunta dito ng "King of Pop". Kagabi, mas maraming tao ang pumunta sa huling araw ng concert ni Jackson. May isa ring Pinay natupad ang matagal nang pinangarap. Ngunit hindi lang para sa mga fans naging masaya ang pagdating ni Michael Jackson. Ayon sa kanyang entourage, isa ang Pilipinas sa mga pinakamaganda at pinaka-masaya nilang napuntahan. Naging "memorable" din ang history tour sa Pilipinas dahil isang Filipino designer ang nakapag-design ng costumes ni Michael. Gumamit si Frederick Peralta ng piling-piling mga materyales para sa King of Pop. Bagamat naging mahirap, ay pinilit ng staff ni Peralta na tapusin ang costumes ni Michael sa loob lamang ng dalawang araw. Isa sa apat na costumes na ginawa ni Peralta ang isinuot ni Michael noong pangalawang araw ng kanyang konsyerto.