Subject: COUNTER-SIGNATURE CAMPAIGN
Newscast: TVPATROL - Air Date: 12/09/96
Maglalaban ang grupong PIRMA (People's Initiative for Reform, Modernization and Action) at ang grupong tutol sa pag-a-amyenda ng Saligang Batas at pagpapalawig sa termino ng mga halal na opisyal. Pormal na inilunsad ng grupo ni Malabon-Navotas Congresswoman Tessie Aquino-Oreta ang Ninoy Aquino Movement, Social and Economic Reconstruction through Volunteer Efforts o NAM-SERVE.Layon ng grupo na makakalap ng isang milyong lagda upang mahadlangan ang gusto ng PIRMA na mabago ang Konstitusyon. Inaasahan ni Oreta na lalagda sa isang manifesto sina Pangulong Ramos, Vice-President Joseph Estrada, Senate President Ernesto Maceda, at House Speaker Jose de Venecia, at iba pang mga senador at kongresista at mga lider tulad ni dating Pangulong Cory Aquino. Pinayuhan naman ng ilang kongresista si Oreta na pabayaang magkaroon ng plebisito tungkol sa mga charter ammendments at mangampanya na lamang laban dito. Nakapaloob sa Konstitusyon ang karapatan ng mamamayan na maglunsad ng isang "people's initiative" upang amyendahan ang Saligang Batas.
Nguni't mayroon pa namang lalagda sa manifesto ni Oreta. Isa na rito si Congressman Jose Zubiri na ayon sa kanya, ang "PIRMA" ay ang "advance party" lamang ng mga malalaking negosyante na nagbabalak na amyendahan ang Saligang Batas. Desidido naman ang grupong PIRMA na ituloy ang signature campaign tungo sa pag-aamyenda sa Saligang Batas. Hinihintay na lamang nilang matugunan ang mga pangangailangan mula sa Comission on Elections (Comelec). Inakusahan ng Movement for People's Initiative ang mga tutol sa pag-amyenda sa Konstitusyon na sila ang dahilan ng pag-kakawatak watak ng taong bayan. Wala naman umanong nakikitang balakid si Atty. Jesus Delfin, convenor ng PIRMA para sa pag-amyenda sa Konstitusyon upang mapalawig ang termino ni Pangulong Ramos, mga senador, at kongresista. Plano ng PIRMA na ilunsad ang signature campaign ngayong Disyembre hanggang Enero, gayung may 60 hanggang 90 araw para sa information campaign period. Didinggin ng Comelec sa Huwebes ang petisyon ng PIRMA. Nguni't ayon kay Comelec chairman Bernardo Pardo, dapat mag-lobby ang PIRMA sa kongreso para mag-laan ng pondo para rito. Hindi tiyak ni Pardo kung aabot ang plebisito sa Baranggay Elections sa Mayo.
Ayon naman kay Delfin, hindi problema ang pondo dahil bahala na ang malalaking organisasyon dito. Samanatala, muling iginiit ng Malakanyang na walang kinalaman ang Lakas o si Pangulong Ramos rito.
Subject: PROBE OUT NEXT WEEK
Newscast: TVPATROL - Air Date: 12/09/96
Ipalalabas na ng Malakanyang sa loob ng linggong ito ang resulta ng "legal review" kaugnay sa umanoy maanomalyang land deals na pinasok ng Public Estates Authority. Ayon kay Executive Secretary Ruben Torres, kasalukuyan niyang kinakalap ang lahat ng mga dokumento na may kaugnayan sa P120 bilyong land scam at rebisahin kung mayroong anomalyang naganap sa kasunduan. Bukod pa ito sa review team na pinangunahan ni Torres sa grupo ng committee of peers na itinalaga para imbestigahan naman ang "liability" ni Transportation and Communications Secretary Amado Lagdameo kaugnay ng naturang iregularidad.Sinabi ni Torres na bago aprubahan ng Pangulong Ramos ang kontrata, dumaan muna ito sa rebisa ng Office of the Government Corporate Council. Gayunman, i-imbestigahan pa rin nila ito upang alamin kung nasunod ang mga legal processes nito. Samantala, pina-re-resign ni Senate President Ernesto Maceda si Government Corporate Counsel Oscar Garcia. Si Garcia umano'y kilala bilang "fixer" sa mga government contracts gaya ng PEA-Amari deal.
Subject: RETRACTION
Newscast: TVPATROL - Air Date: 12/09/96
Binawi ng dalawa sa tatlong mga bagong suspeks sa Chui massacre ang kanilang naunang pahayag na sila ang pumatay sa tatlong miyembro ng pamilya Chui.Sa sinumpaang salaysay nina Leonardo Gaspan at Joel del Juan na isinumite sa sala ni Judge Tirso Velasco, sinabi nilang pinilit lamang sila ng mga awtoridad na amining sila ang may kagagawan ng krimen kapalit ng kanilang paglaya. Humingi ng tulong sina Gaspan at Del Juan sa Public Attorney's Office. Nagsampa rin sila ng petisyon for habeas corpus laban kina Chief Superintendent Efren Fernandez ng Philippine National Police-Criminal Investigation Group at isang Senior Police Officer 4 Gaerlan. Bukas nakatakda ang pagdinig sa petisyon ng writ of habeas corpus.
Subject: JACKSON CONCERT
Newscast: TVPATROL - Air Date: 12/09/96
Naging matagumpay ang unang gabi ng konsiyerto ni Michael Jackson sa Parañaque, kagabi. Ito'y sa kabila ng mga kontrobersiya sa nasabing konsiyerto. Pinatunayan ni Michael Jackson na siya pa rin ang "King of Pop". Pigil ang hininga ng lahat ng lumabas si Michael Jackson sa kanyang rocketship. Biglang sumambulat ang sigawan at palakpakan. At kasabay nito ang nakahahawang pagsasayaw ng pop king. Labing-limang beses siyang nagpalit ng damit sa loob ng dalawang oras na concert, at sa bawat pagpapalit niya ng damit inaaliw ang manonood ng kanyang MTV. Kamangmangha rin ang mga special effects. Kabilang sa mga inawit ni Michael ay ang "Beat It", "Billy Jean", at "You Are Not Alone".Para naman kay Vandolph na nakasama ni Michael sa "Finale", si Michael ay isang mabait na tao, taliwas sa mga balita tungkol sa kanya. Bagamat nagkaroon ng problema sa pilahan hanggang sa uwian, marami pa rin ang umuwing nakangiti. At ang sagot ni Michael: "I love you, Manila".
Samantala, sa gitna ng tagumpay ng Michael Jackson Concert, problema naman sa buwis ang kakaharapin ng mga organizers nito. Iginigiit ng mga opisyal ng Parañaque na dapat taasan ang buwis na dapat ibayad sa kanila.
Ayon kay Parañaque Vice Mayor Tomas Banaga Jr., P45 milyong amusement tax ang dapat na ibabayad ng organizer nito base sa batas na 30 per cent sa inaasahang P150 milyong kikitain nito. Nguni't ayon sa Midas Promotion, ang humahawak ng konsiyerto, ang alam nila'y dalawang porsiyento lamang ang dapat nilang ibigay base sa inaprubahang tax ordinance ng Parañaque nitong Nobyembre.
Ayon kay Vice Mayor Banaga, ang batas ay bale wala dahil hindi nagkaroon ng public hearing at publication. Idinagdag pa ni Banaga na valid man ang ordinansa ay sa Enero pa dapat ito epektibo at ang Jackson concert ay ngayong Disyembre. At ito ay sinang-ayunan ng Department of Finance sa isang opinion. Hindi personal nguni't para sa mamamayan ng Parañaque ang dapat na kitain ng Jackson concert.
Samantala, umatras ang Malakanyang sa anumang kontrobersiya na maaaring idulot ng pagdalaw ng American pop idol. Ayon kay Press Undersecretary Honesto Isleta, mas makabubuting umiwas ang Palasyo sa anumang usap-usapang ibubunga ng pagdalaw ni Michael. Kumpara kay Thalia, sinabi ni Isleta na mas kontrobersiyal si Michael. Gayunman, maari pa ring magkita sina Michael at ang Pangulong Ramos sa okasyon ng ika-100 anibersaryo ng University of Sto. Tomas sa Manila Hotel ngayong gabi.
Subject: JACKO VS. JAWO
Newscast: TVPATROL - Air Date: 12/09/96
Habang hindi magkamayaw ang mga manonood sa konsyerto ni Michael Jackson, hindi rin matahimik ang mga fans ng "Barangay" Ginebra at Alaska sa laban nila kagabi. Ika nga eh, Jawo versus Jacko. Kung sino ang nagwagi, narito ang report. Hiyawan, kantsawan at gaya ng dati, ever-loyal ang "Barangay" Ginebra. Mas exciting daw ang basketball at "can afford" pa. Si Jawo, dramatic ang entrada. Todo sigaw ang mga fans. Pero kay Jacko, "high-tech" ang dating. Bukod sa sigawan, may sayawan pa. Pila din sa PBA. Hindi nga lang kasing tindi ng pila kay Michael. Sa concert, tanghali pa lang naka-linya na ang marami. Doon na sila kumain, bumili ng souvenir.Ang sabi nga ng iba, si Michael Jackson lang ang nakapagpatayo sa kanila ng ilang oras. Sulit naman daw. Kahit na talo ang "Barangay" Ginebra, sulit din daw. Tulad ng concert ni Jackson, nasiyahan din ang lahat, nawala ang problema kahit pansamantala lang.
Subject: TAIPEI POISONING
Newscast: TVPATROL - Air Date: 12/09/96
Apat-na-raang Filipina overseas contract workers (OCWs) ang nanganganib ang buhay sa loob ng isang pabrika sa Taiwan. Ito ang pahayag ng MIGRANTE o "International Alliance of Filipino Migrant Workers" sa rally na isinagawa sa harap ng Labor department.Ayon sa MIGRANTE, hindi maayos ang kondisyon ng mga OCWs sa Philips factory sa Taiwan, kung saan isang nag-ngangalang Joyce Chimicag ang namatay at 20 ang na-ospital dahil sa sakit na "taxicodermia". Ito'y mula sa toxic chemical na kanilang nalalanghap sa loob ng pabrika. Noon pa umanong Agosto ay nag-padala na sa pamahalaang Pilipinas ng reklamo ang OCWs kaugnay sa kanilang kalagayan doon, subalit wala umanong aksiyon hanggang sa lumala ang situasyon.
Subject: NAGPATAYAN?
Newscast: TVPATROL - Air Date: 12/09/96
Malaking palaisipan ngayon sa Mandaluyong Police kung ano ang tunay na ikinamatay ng magkaibigang Renato Ignacio at Ellen del Rosario. Nakita ang dalawang wala ng buhay sa loob ng sasakyan kagabi. Umaandar pa ang makina ng kotse habang nakaparada sa 3rd level ng carpark ng SM Megamall nang makita ang dalawa. Hindi pa alam kung ano ang ikinasawi ng dalawa. Nagtungo ang ABS-CBN News sa tahanan ng mga biktima upang ibalita ang pangyayari. Hindi nila inaasahan ang trahedya. Maging ang relasyon ng dalawang biktima ay ikinagulat ng kanilang pamilya.
Subject: PANG-CATERING?
Newscast: TVPATROL - Air Date: 12/09/96
Pinababasura ni Senador Franklin Drilon ang P14 milyong bahagi ng pondo para sa Philippine National Police, na gagamitin lamang sa mga catering services nito. Ito'y nakapaloob anya sa "extra ordinary and miscellaneous expenses" at "other services" ng PNP. Ani Drilon, ang pagka-klasipika sa ganitong gastusin, ay isang paraan ng pagtatago sa tunay na pinaglalanan ng pondo. Nadiskubre din anya ng Senate finance sub-committee ang pag-abuso sa mga gastusin sa intelligence at anti-insurgency. Partikular na tinukoy ni Drilon ang tanggapan ng Press Secretary.
Go Back To News Service Index
Subject: SA CONCERT NI MICHAEL
Newscast: TVPATROL - Air Date: 12/09/96
Bukod sa ningning na dulot ng bituin ni Michael Jackson, naroon din ang mga artistang nagpakinang pa rin sa concert ng "King of Pop". Nakaw eksena ang maraming bituin na nanood kagabi sa unang gabi ng show ni Jackson. Karamiha'y may hatid na balita gaya ni Nanette Medved na aalis na ng Pilipinas para tumira sa Amerika.Sa unang pagkakataon din, humarap sina Aga Muhlach at Dayanara Torres mula nang kumalat ang balitang magpapakasal na sila. Kababalik lang nila pareho sa Amerika kung saan namanhikan na umano si Aga sa pamilya ng dating Miss Universe. Dumating din si Vilma Santos kasama ang kanyang kabiyak na si Kongresista Ralph Recto. Naging pagkakataon na rin ito para itanggi ang maingay na balitang tatakbo siya bilang congresswoman ng Batangas. Pero ang bituin ng gabi ay si Michael Jackson kahit di napuno ang Asiaworld concert venue. Bukas nakatakda namang manood si Sharon Cuneta. Pero umaasa ang kanyang promoter na bukod sa mga bituin, darating din ang mga parokyano.