Subject: "PIRMA" PARA SA PANGULO
Newscast: TVPATROL - Air Date: 12/06/96
Limang milyong lagda ang tinatarget na makalap sa signature campaign ng People's Initiative for Reform, Modernization and Action o "PIRMA".Pormal nang inilunsad ang signature campaign upang makatakbo pang muli si Pangulong Ramos para sa reeleksiyon. Ilang ulit ng nagpahayag ang Pangulong Ramos na hindi na ito interesado sa isa pang termino. Nguni't patuloy ang panghihimok ng ilang grupo na kailangan pa siya dahil sa matagumpay na estado ng bansa. Ang PIRMA ay naglalayong hilingin ang pag-aamiyenda sa konstitusyon para sa re-election ni Pangulong Ramos sa 1998.
Ayon sa konstitusyon, ang pag-aamiyenda ay puwede kung i-po-propose ng mga tao sa isang peoples initiative - 12 percent ng mga rehistradong botante, at 3 percent bawa't distrito. Itinanggi ng PIRMA na may kinalaman ang Malakanyang sa kanilang aksyon. Ang petition sa amendment ay ihahain ng PIRMA sa Comelec sa lalung madaling panahon. Umaasa silang makakakuha sila ng 5 milyong lagda para pagtibayin ang people's initiative bago mag-Mayo 12, 1997, kung saan isasabay sa Barangay elections.
Subject: NAGBANTA LABAN SA "PIRMA"
Newscast: TVPATROL - Air Date: 12/06/96
Pinilit naman ng kongreso na nasa likod ng kampanya para sa ekstensiyon ng tungkulin ni Pangulong Ramos. Hinamon ngayon ni Senador Francisco Tatad ang grupong PIRMA na ilantad sa publiko ang pinagkukunan nila ng pondo. Sinabi ni Tatad na ayon sa kanyang source, ang partido Lakas ang nagpopondo sa grupo para isulong ang pagbabago sa konstitusyon. Pinangangambahan niya na magdudulot lang ng kaguluhan sa bansa ang hakbang ng grupo.Pinagbabawalan naman ni House Speaker Jose de Venecia ang mga kongresista na maki-alam sa isyu. Ayon kay De Venecia, hindi siya papayag na gamitin ang Mababang Kapulungan sa anumang charter change drive. At hindi rin siya papayag na bigyang prayoridad ang mga panukalang batas at resolusyon na nakabinbin sa House Committee on Constitutional Amendments.
Nauna rito, sinabi na ng committee chairman na si Congressman Pedro Romualdo na mailalabas ng komite ang report nito bago mag-pasko. Samantala, haharangin ng House Committee on Suffrage and Electoral Reforms ang "charter changes." PIRMA naman ng kamatayan ng demokrasya ang inilunsad na signature campaign. Ito ang binigyang-diin ngayon ni Constitutional Commissioner Rene Sarmiento na kabilang sa organisasyong bumuo ng covenant kontra sa anumang amiyenda sa konstitusyon. Isang People's Caravan ang mamartsa tungong Korte Suprema upang kuwestiyunin ang ligalidad ng "people's initiative." Magpapalabas din ang simbahan ng mga pastoral letter laban dito.
Subject: MGA NEGOSYANTENG GUSTO NG EKSPERTO
Newscast: TVPATROL - Air Date: 12/06/96
Ayaw ng malalaking negosyante na trapo ang pumalit kay Pangulong Ramos sa sandaling matapos ang panunungkulan nito. Ang gusto nila ay eksperto sa ekonomiya. Ibig man ng mga negosyante na magpatuloy ang termino ng Pangulo, mahihirapan ito dahil haharangin ng Senado ang anumang amiyenda sa saligang batas. Kung kaya't ibig ng malalaking negosyante na ang susunod na Presidente ay magaling sa eknomiya at sundin ang bakas ng kasalukuyang administrayson.Sila'y umaayon din sa nais ng mga kabataan na hindi trapo ang magiging kapalit na Pangulo. Mas marami ang botanteng kabataan sa 1998. Pero sino ba sa mga presidentiables ang tinutukoy nila? Bata, non-trapo, maganda ang track record at mayroong vision para sa bansa. Ang sabi ni Senador Raul Roco, puwedeng siya doon. Malaking bagay anya ang suporta ng mga negosyante. Pinagmamalaki naman ni Senador Gloria Macapagal-Arroyo ang kanyang mataas na satisfaction rating.
Dalawang economic expert ang naglalaban sa suporta ng local at international business community na hindi masasabing ganap na pulitiko, parehong umaayon sa criteria ng mga negosyante. Parang langis ang business community sa makinarya ng mga partido pulitikal. Ang kanilang kontribusyon ang nagpapatakbo sa kampanya. Nguni't ayon kay Senador Edgardo Angara, ang importante ay ang gusto ng maliliit na tao.
Subject: VAN DOLPH SA JACKSON CONCERT
Newscast: TVPATROL - Air Date: 12/06/96
Libu-libong tao ang sumalubong sa "King of Pop" na si Michael Jackson ng dumalaw ito kaninang hapon sa Parañaque Community Hospital.Sa ekslusibong panayam, sinabi ni Michael na isa mga mga katangian ng Pilipino na gusto niya ay ang pagiging relihiyoso. Sa Manila Hotel, mahigit tatlong oras nag-hintay ang mga fans ni Michael sa paglabas nito. Nagkaroon ng kalituhan kung saan lalabas ang "King of Pop". Nagpakita si Michael sa mga fans ganap na 4:00 ng hapon, kasama ang isang grupo ng mga Haponesa. Nalulungkot naman ang mga organizers ng concert dahil marami pa ring ticket na hindi nabebenta. Naapektuhan anila ng mga negatibong report tungkol kay Michael ang bentahan ng ticket.
Samantala, kabilang sa dadalo sa concert ni Michael ang maraming TV at movie personalities at ang child star na si Vandolph na siyang itatampok sa final number ni Michael. Kasama ang kanyang mga kapatid at mga batang taga Parañaque, isasabak si Van Dolph sa "Heal the World" number ng konsert. Nagsilbing dry run para sa mga bata ang pakikipagkita nila kay Michael kagabi sa Manila Hotel. Karamihan sa P5,000-VIP seats ay naka reserve na sa mga celebrities tulad nina Sharon Cuneta, Richard Gomez, Aga Muhlach at mga TV personalities. May special letter namang ibibigay ang tinaguriang Michael Jackson of the Philippines sa "King of Pop", ayon sa panayam ng Magandang Gabi Bayan.
Subject: IMBESTIGASYON KAY LAGDAMEO
Newscast: TVPATROL - Air Date: 12/06/96
Gagawing batayan ni Pangulong Ramos sa pagpapasya tungkol kay Transportation Secretary Amado Lagdameo ang magiging findings ng Committee of Peers. Ito ang ipinahiwatig ngayon ni Executive Secretary Ruben Torres. Binanggit ni Torres ang naging kaso ng nasibak na Health Secretary Hilarion Ramiro kung saan naging batayan ng pagsasampa ng kaso sa Ombudsman ang imbestigasyon ng fact-finding body.Wala rin aniyang dapat ikabahala ang mga senador na magkakaroon ng whitewash dahil sa katangi-tanging integridad ng mga cabinet members na mag-iimbestiga kay Lagdameo. Nagbabala ngayon si Senate President Ernesto Maceda na isasampa niya sa korte ang kaso ng Public Estates Authority at Amari land deal. Ito'y kung hindi ipapawalang bisa ni Pangulong Ramos ang transaksiyon.
Ayon kay Maceda, nabalitaan niyang nakikipag-negosasyon ang Amari Ital-Thai sa gobyerno matapos niyang ibunyag ang anomalya. Nanawagan naman si Senador Blas Ople sa kongreso na magpasa ng resolusyon sa pagbuo ng isang hiwalay na grupo upang mag-imbistiga ng kaso.
Subject: ESPARTERO, IPINASISIBAK
Newscast: TVPATROL - Air Date: 12/06/96
Nais ipasibak ni Senador Ernesto Herrera si Attorney Mamerto Espartero bilang pinuno ng Anti-Child Abuse Division ng National Bureau of Investigation (NBI). Ang kahilingan ay ipina-abot ni Herrera kay Justice Secretary Teofisto Guingona.Anya, ito'y dahilan sa pagkasira na ng kredibilidad ni Espartero nang tangkain umano nitong pagtakpan ang kasong rape ni Congressman Romeo Jalosjos. Si Espartero ay una nang isinuspinde ng 90 araw.
Subject: WHITEWASH SA KASO NI ALONTE
Newscast: TVPATROL - Air Date: 12/06/96
Samantala, pinangangambahan namang magkaroon ng whitewash sa kasong rape ni Binan, Laguna Mayor Bayani Arthur Alonte. Hiniling ng 16 anyos na dalagitang biktima umano ni Alonte na mailipat sa ibang korte ang kaso mula sa Binan Regional Trial Court. Ito'y upang maiwasan na magamit ni Alonte ang kanyang impluwensiya sa kanilang bayan. Hihilingin din sa korte ng mga abugado ng biktima na mailagay sa hold departure list si Alonte habang dinidinig ang kaso.
Subject: MANILA PEN APOLOGIZES
Newscast: TVPATROL - Air Date: 12/06/96
Humingi ng paumanhin ang pangasiwaan ng Manila Peninsula Hotel kina Congressman Joker Arroyo at newspaper publisher Teddy "Boy" Locsin.Ayon kay Mila Magsaysay-Valenzuela, Public Relations Officer, ginagawa lang ni Peter Shori, Food and Beverage manager at duty manager ng gabing iyon ang kanyang tungkulin. Sa pamamagitan ng kanilang abogadong si Haydee Yorac, hinihiling naman nina Arroyo at Locsin ang paliwanag ng hotel kung bakit nila pinatakas ang dayuhan. "We demand a full, immediate and formal rectification of these false reports by the Manila Peninsula Hotel within 24 hours from your receipt of this letter."
Subject: PRIVATIZATION NG IBC-13
Newscast: TVPATROL - Air Date: 12/06/96
Samantala, pinal na sa P2 bilyong ang floor price para sa privatization ng IBC-13. Sa isang pulong ng PCGG sa mga bidders, sinabi ni PCGG Commissioner Herminio Mendoza na wala nang pananagutan ang sinumang makakabili ng himpilan sa mga pagkakautang ng istasyon. Ayon pa kay Mendoza sinunod na rin ng PCGG ang itinalagang floor price ng Committee on Privatization. Umaabot sa 30 mga negosyante ang sasali sa bidding sa ika-27 ng Disyembre.
Subject: ERAP NAKIKIUSAP PARA SA 33 PINOYS
Newscast: TVPATROL - Air Date: 12/06/96
Sinisikap ngayon ni Vice President Joseph Estrada na makaharap si King Fahd ng Saudi Arabia upang ipaki-usap ang pagpapalaya sa 33 Pilipinong nakakulong doon. Ang mga naturang Pilipino ay nahatulan na umano ng parusang kamatayan dahil sa mga kasong murder at drug trafficking. Sa ilalim ng Islamic Law sa gitnang silangan, ang mga nahatulan ng kamatayan ay pinupugutan ng ulo.
Go Back To News Service Index
Subject: ILEGAL NA EQUIPMENT NAKUMPISKA
Newscast: TVPATROL - Air Date: 12/06/96
Umaabot sa P500,000 ang halaga ng mga imported illegal communications equipment na nakumpiska sa isang raid na isinagawa ng Philippine National Police - Criminal Investigation Group at ng National Telecommunication Commission.Ayon sa NTC, milyung piso ang nawawalang buwis sa gobyerno sa pagpupuslit ng mga gamit sa komunikasyon. Isa sa mga ni-raid ay ang tanggapan ni Kenneth Mas, sa Talayan, Quezon City at sa Valenzuela. Si Mas ay manufacturer ng cable wires. Kabilang sa mga nasamsam ang ilang long-ranged cordless telephones, mga kable at antena. Ikinakabit ng mga negosyante ang mga imported communications equipments sa frequency ng mga hand-held radios, maging mga linya ng telepono. Ini-smuggle umano ang mga ito mula sa Taiwan.
Ayon pa sa NTC, ang mga government at private telecommunications company ang nalulugi dahil sa paggamit ng mga iligal na communication lines. Higit na sa P6 milyon ang halaga ng mga nakumpiskang kagamitan ng NTC simula noong Hunyo. Sampung mga negosyante na ang nasampahan ng kasong iligal na paggamit ng mga naturang komunikasyon. Pito umanong malalaking negosyante ang iniimbestigahan ng NTC na sangkot sa pag-smuggle ng naturang mga gamit sa komunikasyon.