Subject: WHITEWASH PINANGANGAMBAHAN
Newscast: TVPATROL - Air Date: 12/05/96
Pinapananatili ni Pangulong Ramos sa kanyang puwesto si Transportation Secretary Amado Lagdameo kahit mukhang imposible na itong makapasa sa Commission on Appointments.Duda naman ang mga Senador sa binuong Committee of Peers ng Malakanyang para imbestigahan si Lagdameo. Nangangamba ang mga Senador na dodoktorin ng committee ang resulta ng imbestigasyon nito sa kontrobersiya sa Public Estates Authority at Amari land deal. Ayon kay Senador Ernesto Herrera, kailangang bumuo ng hiwalay na lupon na iimbestiga sa kaso. Sinabi naman ni Senate President Ernesto Maceda na kung mapapatunayang may iregularidad dito ay maaaring sumabit din si Pangulong Ramos. Balak din ng oposisyon sa Kongreso na ipatawag si Lagdameo sa isang question hour. Tiniyak naman ng Committee of Peers na magiging parehas ang kanilang imbestigasyon na sinimulan na noong Martes. Ganoon din ang sinabi ng Ombudsman.
Samantala, tumangging magbigay ng pahayag ang PEA sa kontrobersiya. Sa isang press release, iginiit ng PEA na hihintayin na lamang nila ang resulta ng imbestigasyon ng komite na binuo ng Pangulo. Nakahanda rin silang makipagtulungan sa imbestigasyon.
Subject: BABABA? / ROLLBACK / INFLATION
Newscast: TVPATROL - Air Date: 12/05/96
Malabong bumaba ang presyo ng mga produktong petrolyo hanggang sa Disyembre 15, 1996. Sinabi ngayon ni Energy Secretary Francisco Viray na hindi makakayang tustusan pa ng Oil Price Stabilization Fund (OPSF) ang anumang sapilitang pagbababa ng presyo ng langis dahil papa-ubos na ito.Sa ngayon, inihayag din ni Energy Regulatory Board (ERB) chairman Bayani Faylona na wala silang nakikitang indikasyon na bababa ang halaga ng langis. Anya, patuloy pa rin ang pagtaas ng presyo nito base sa Singapore Posted Price. Maaring tumagal pa anya ng isang buwan bago magkaroon ng adjustment sa presyo ng langis. Kaugnay nito, tumaas sa 6.4 percent ang antas ng inflation sa Metro Manila ngayong Nobyembre kasunod ng mga serye ng pagtataas ng presyo ng langis. Tumaas din ang antas ng gas, ilaw, at tubig dahil sa pagtaas ng halaga ng kahoy, LPG at kerosene. Maging ang halaga ng mga serbisyo ay nagtala ng mas mataas na antas kasunod ng pagtaas ng pasahe, matrikula, at mga serbisyong pangkalusugan. Nguni't, sa kabuuan ay bumaba ang inflation rate sa bansa matapos umanong maging matatag din ang halaga ng mga bilihin.
Subject: BAGO NA NAMAN
Newscast: TVPATROL - Air Date: 12/05/96
At kung pabago-bago ang presyo ng langis, hindi rin pahuhuli ang mga barya. Pagpasok ng taong 1997, mawawala na sa sirkulasyon ang 2-peso coin at lahat ng klase ng 50 sentimos. Sa direktiba ng Bangko Sentral, ipapa-walang bisa na lahat ng baryang ini-labas nuong 1994 pababa.Ang Bangko Sentral series na lamang ang tatanggapin. At sa bagong serye, wala nang kasamang dalawang piso at singkwenta sentimos. Mapapansin na mas malalaki ang numero sa bagong serye upang huwag malito ang mamamayan. May butas din sa gitna ang bagong kinse sentimos para makilala ito sa dyes at isang sentimo. Gayunman, sa buong taon ng 1997, bagamat hindi na nila tatanggapin ang mga lumang barya, maari pa rin itong ipapalit o ide-posito sa bangko.
Subject: ALONTE AARESTUHIN
Newscast: TVPATROL - Air Date: 12/05/96
Posibleng arestuhin na si Binan, Laguna Mayor Bayani Arthur Alonte matapos isampa ng Department of Justice ang mga kasong rape at child abuse laban sa kaniya.Ang kaso ay isinampa na sa Binan Regional Trial Court makaraang mapatunayan ng DOJ panel na may "probable cause" sa reklamo laban sa alkalde. Ang resolusyon ay base sa medical report na tumugma sa testimonya ng 16 anyos na biktima umano ni Alonte. Walang piyansang inirekomenda ang DOJ. Kinasauhan din ang umano'y bugaw na si Wella Concepcion bilang accessory sa kasong rape.
Subject: DRUG CHECK
Newscast: TVPATROL - Air Date: 12/05/96
Handang-handa na ang lahat para sa pagdating sa bansa ng "King of Pop" na si Michael Jackson.Samantala, kakapkapan para sa armas at droga ang lahat ng mga dadalo sa concert. Ito ang babala ni National Capital Regional Command Chief Superintendent Hermogenes Ebdane. Suportado ng mga tauhan ng Hukbong Sandatahang Lakas ang ide-deploy sa Michael Jackson concert.
Ngunit sa kabila nito, inamin ni Ebdane na hindi niya matitiyak ang kaayusan sa konsyerto. Isa nang malaking problema ang trapiko. Ayon kay Ebdane, 2,000 sasakyan lamang ang magkakasya sa paradahan na inihanda ng mga organizers. Kung kaya't umaapela siya sa mga motorista na kung hindi rin naman sila manonood at wala naman silang ticket ay huwag nang dumaan sa Roxas Boulevard partikular malapit sa coastal area. Sinabi naman ni Traffic Czar Romeo Maganto na wala siyang balak na magtatag ng mga Jackson Lanes para sa konsiyerto. At di lang trapiko ang problema. Ang mismong konsiyerto ay inaasahang magiging magulo. Kung kaya't sa kauna-unahang pagkakataon, kakapkapan, lalo na ang mga kabataan na dadalo sa concert.
Puspusan naman ang paghahanda sa Manila Hotel na siyang tutuluyan ni Michael. Walumpung kwarto ang ipina-book sa Manila Hotel para sa buong entourage ni Michael Jackson. Kasama na dito ang tatlong pinaka-malalaki at pinaka-eksklusibong kwarto sa naturang hotel. Maaring sa presidential suite o sa penthouse suite manatili si Michael. Sinigurado na ng kanyang advance security party na maayos na ang lahat. Ininspeksyon ang lahat ng sulok, maging ang mga paso. Dumating din ang mga kagawad ng PNP Special Action Force upang siguraduhing ligtas ang lugar. Pinalitan ang karamihan ng mga halaman at carpet sa buong lugar. Sina-nitize din ang buong floor para sa pagdating ng "King of Pop". Dumating na rin ang sariling butler ni Jackson. Ito lang umano ang makakalapit sa kanya. Kasama rin niyang dumating ngayong gabi ang kanyang sariling chef.
Subject: NIPA HUT NI JACKO
Newscast: TVPATROL - Air Date: 12/05/96
Matatapos na ngayong araw na ito ang bahay kubo ni Michael sa Marina, Paranaque kung saan siya magbibihis at tatanggap ng mga VIP guests sa araw ng concert. Hindi lamang airconditioned ang "dampa" ni American popstar Michael Jackson kundi ito ay mabubuhat at maililipat din tulad sa "bayanihan." Ang bahay kubo ni Jackson ay may laking 128 square meters at may apat na kuwarto. May living room, bathroom, greeting room, at photo session room pa. Linoleum lamang at hindi karpet ang lalakaran ni Jackson sa loob ng kubo. Ang bubong nito ay yari sa nipa, samantalang ang panlabas na ding-ding ay sawali, ngunit sa loob ay plywood. Coco lumber ang ginamit na materyales para sa mga haligi nito. Anim na araw lang ang binigay ng Midas Promotion sa tatlong contractors para tapusin ang nasabing bahay at ngayon ang ika-anim. Tatlumput-dalawang tao ang nagtatrabaho ng labing dalawang oras araw-araw para matapos lamang ang istraktura sa deadline. Ayon pa sa mga contractors, umaabot sa P220,000 ang halaga ng nasabing bahay na gagamitin lamang ng "King of Pop" ng dalawang araw.
Go Back To News Service Index
Subject: AWAY SA LDP
Newscast: TVPATROL - Air Date: 12/05/96
Balewala sa mga tinanggal na miyembro ng Lakas ng Demokratikong Pilipino (LDP) ang naging desisyon ng partidong patalsikin sila.Ayon sa mga ito, sila pa rin ang orihinal na miyembro ng partido at hindi nila lilisanin ito. "Matira ang matibay", ito ang mensaheng ipinaabot ng mga sinibak sa partido na sina Kongresista Jose "Peping" Cojuanco, Emigdio Tanjuatco, Herminio Aquino at Amado Bagatsing. At may sorpresa sila para sa paksiyon ni Senador Edgardo Angara. Hindi sila aalis sa partido.
Ayon sa kanila, sila ang "democratic wing", ang tunay na LDP. Hinimok din nila si Angara na ipaliwanag kung bakit siya pumirma sa isang resolusyon na nagsusuporta sa Senate Presidency ni Neptali Gonzales at sa huli ay patatalsikin nila ito at pauupuin ang isang Senador mula sa NPC. Ayon sa iba nilang kasamahan sa "democratic wing", wala sa "timing" ang pagkakasibak sa kanila. Nguni't pinaninindigan ni LDP chairman Senator Angara na makatuwiran ang pagtatanggal sa mga tinaguriang rebelde ng partido. Binanatan naman nina Congressmen Edcel Lagman at Bonifacio Gillego ang bayad na "newspaper ad" ng grupong "PIRMA" na naglalayong makakalap ng mga lagda para sa pagbabago ng konstitusyon. Ayon kay Lagman, ang tunay na ibig sabihin ng PIRMA ay "PIRME" o' i-pirme natin si Ramos. Sinabi naman ni Gillego na ipinangangalandakan ngayon ang tagumpay ng APEC Summit upang ipakita sa publiko ang galing ni Pangulong Ramos. Ito ay upang palitawin na walang maaaring pumalit kay Pangulong Ramos.