Newscast: TV Patrol - Broadcast date: 12/04/96
Homepage: ABS-CBN Broadcasting Corp.
Copyright © 1996, ABS-CBN Broadcasting Corp.

ADJUSTMENT LANG / WAGES
WALANG TAAS SA PASAHE
PIRMA NI FVR
QC JAIL WEAPONS / MUYOT
GUANZON UMAASA PA
VENDORS NAGREKLAMO
BRGY 3 LIPA CITY
KUMPIRMASYON NI LAGDAMEO
PAGLIPAT NG SENADO
UPDATE KAY JACKSON



Subject: ADJUSTMENT LANG/WAGES
Newscast: TVPATROL - Air Date: 12/04/96


Maaaring bumaba ang presyo ng mga produktong langis sa Disyembre 15, ayon kay Energy Regulatory Board (ERB) chairman Bayani Faylona. Sinabi ni Faylona na maaring nalito lamang ang mga periodista kahapon nang ihayag nila ang kabaligtaran na tataas sa December 15 ang presyo ng langis. Dagdag pa ni Faylona na dapat masanay na ang taumbayan sa buwan-buwan na pagtaas o pagbaba ng presyo ng langis. Ito anya'y epekto ng industry deregulation.

Sa deregulation, hindi na ang pamahalaan ang siyang nagdidikta sa presyo ng langis, sa halip ibinabatay na ng ERB ang presyo dito, sa presyo ng mga produktong petrolyo sa Singapore. At bahagi na ng deregulation ang buwanang "price adjustments" ng mga produktong petrolyo. Kaninang umaga, tumaas ng 50 sentimos bawat litro ang mga produktong langis. Sa Disyembre 15 naman, inaasahang bababa naman ito. Tumanggi si Faylona na ihayag kung magkano ang ibaba ng presyo. Gayunman, aniya, dapat nang masanay na ang publiko sa pag-urong-sulong ng presyo ng langis. Kaugnay nito, inatasan ngayon ni Pangulong Ramos ang mga price monitoring councils na mahigpit na subaybayan ang pagkilos ng presyo ng mga bilihin.

Gayunman, tiniyak ng Pangulong sa kabila ng pinakahuling pagtataas ng presyo ng langis, magiging bahagya lamang ang epekto nito sa presyo ng mga produkto. Idiniin naman ng Bukluran ng Manggagawa sa Pilipinas (BMP) na dapat itaas na agad ang sahod ng manggagawa dahil tumataas na ang presyo ng bilihin.

Ayon sa BMP, kundi makapagtatakda ng umento ang pamahalaan, puwedeng balikatin na lang nito ang bahagi ng mga kinakaltas sa suweldo upang tumaas ang "take-home pay" ng mga manggagawa.


Subject: WALANG TAAS SA PASAHE
Newscast: TVPATROL - Air Date: 12/04/96


Kakaiba ang naging reaksyon ng public transport groups sa oil price increase kahapon. Hindi na sila hihingi ng dagdag sa pamasahe dahil sapat na sa kanila ang naging taas ng pasahe nuong Nobyembre 12. Ayon kay Land Transportaion Franchising and Regulatory Board (LTFRB) chairman Dante Lantin, nagbitiw na sa kanya ng salita ang mga transport groups. Ayon kay Romeo Maranan, presidente ng Federation of Jeepney Operators and Drivers Associations of the Philippines (FEJODAP), inasahan na nila ang pagtaas ng presyo sa buwan na ito. Ngunit ibang istorya kung magkaroon pa rin ng isa pang round ng pagtaas ng presyo ng gasolina ngayong Disyembre. Bukod sa ang gobyerno mismo ang lalabag sa sarili nilang tuntunin, ay mapipilitan na umanong umaksyon ang mga public transport operators.

Samantala, inaasahan namang maa-aprubahan ang pagtaas ng pasahe ng taxi sa isang linggo. Pinag-aaralan pa kung apat na piso nga ang itataas sa aircon taxi, nguni't siguradong magkakaroon ng adjustments.


Subject: PIRMA NI FVR
Newscast: TVPATROL - Air Date: 12/04/96


Isang pekeng organisasyon na gumagamit ng Sagisag ng Pangulo at ng kanyang pangalan ang nabuwag ng National Bureau of Investigation (NBI) at ng Presidential Security Group sa isang raid sa headquarters nito sa Maynila.

COBSAF-FVR, ibig sabihin, Cool But Sure And Firm Foundation, isang organisasyon na umano'y nasa ilalim ng tanggapan ni Pangulong Ramos. Nguni't si Pangulong Ramos mismo ang nag-utos sa NBI na imbestigahan ito. Kaya't agad na ni-raid ang kanilang national headquarters sa Intramuros, Maynila. Kumpleto sa mga gamit: IDs, application form, office personnel, jacket, mga plake at retrato na nagsasaad na malapit ang grupo sa Malakanyang.

Inaresto ang mag-asawang Klystron, at Maria Corazon Sison at ang spiritual father na si Teodoro Patenia, isang Pastor. Nag-so-solicit umano ang mga ito ng kontribution sa BIR office sa pamamagitan ng pabebenta ng raffle ticket. Dating non-government organization para sa mga OCWs ang COBSAF na itinatag ng isang Isagani Mercado. At may 500 miembro na umano ito. Nguni't ngayon, ipasasara na ang mga regional headquarters nito sa buong kapuluan dahil sa illegal na paggamit ng tanggapan at pangalan ng Pangulo ng Pilipinas.


Subject: QC JAIL WEAPONS / MUYOT
Newscast: TVPATROL - Air Date: 12/04/96


Isang sako ng mga patalim at iba pang armas ang nakumpiska sa follow-up operations ng Department of Interior and Local Government at ng Bureau of Jail Management and Penology sa Quezon City Jail kanina. Kabilang dito ang mga basag na bote, icepicks, kutsilyo at iba't ibang klase ng pamalo. Nakumpiska rin ng mga otoridad ang mga drug paraphernalias, cellular phones at two-way CB radios. Ang operasyon ay bahagi ng hakbang ni DILG Secretary Robert Barbers na linisin ang mga city jails upang maiwasan ang mga jail riots. Ayon naman kay DILG Undersecretary Alvin Dans, ang pagpapaluwag ng mga piitan at ang mabilis na paglutas ng kanilang kaso ang maaring maging solusyon.

Samantala, nasurpresa si National Bureau of Investigation Director Santiago Toledo sa ginawa niyang biglaang pagbisita sa NBI jail. Ito'y nang hindi niya makita sa nasabing kulungan ang pinaghihinalaang drug pusher na si Major Renato Muyot ng WPD, na inarestto nila kamakailan. Nabigla si Toledo nang malamang inilipat na kahapon ng tanghali sa Quezon City jail si Muyot.


Subject: GUANZON UMAASA PA
Newscast: TVPATROL - Air Date: 12/04/96


Umaasa si Congressman Bobby Guanzon na itutuloy pa rin ang recall elections sa Kalookan City. Ito'y sa kabila ng pagpigil ng Korte Suprema sa desisyon ng Comelec na ganapin ang recall elections sa Disyembre 14. Si Guanzon ay isa sa mga posibleng kumandidato laban kay Mayor Rey Malonzo. Aniya, maaring maipagpaliban ang nasabing halalan subalit matutuloy pa rin ito sa ibang petsa.

Subject: VENDORS NAGREKLAMO
Newscast: TVPATROL - Air Date: 12/04/96


Samantala, tatlong pulis sa Novaliches ang sinampahan ng kaso ng mga vendors sa Commission on Human Rights. Dalawampu't pitong vendors ang nagtungo sa tanggapan kanina upang ireklamo ang mga pulis na sina Gil del Rosario, Purisimo Angeles at isang "Pasia".

Ayon sa tagapagsalita ng grupo, sobra na ang pangingikil ng tatlong pulis sa kanila sa loob ng dalawang taon. Ngayong kapaskuhan, itinaas pa umano ng mga pulis ang kanilang singil sa P500 kada vendor.


Subject: BRGY 3 LIPA CITY
Newscast: TVPATROL - Air Date: 12/04/96


Isang buong barangay sa Lipa City, Batangas ang nilamon ng apoy makaraang sumabog ang isang tindahan ng paputok sa Lipa City Public Market, kagabi. Naabo ang may 300 kabahayan sa Purok Tres at umaabot sa P500 bilyong halaga ng ari-arian ang tinupok ng apoy. Wala namang napaulat na nasaktan o namatay sa naturang malaking sunog.

Ayon sa mga residente, ito na ang itinuturing na pinakamalaking sunog na nangyari sa Lipa City. Sa isang tindahan ng tuyo umano nagsimula ang sunog. May sumiklab na kuryente na mabilis namang kumalat sa katabing tindahan ng paputok. Kumalat ang apoy sa katabing barangay ng palenge. Sinisisi ng mga nawalan ng tirahan ang Fire Regional Director at Provincial Fire Marshall. Marami ang nakakitang habang nagliliyab ang barangay ay patuloy naman ang inuman ng ilang fire officials. Tigas-tanggi namang magbigay ng pahayag ang kina-uukulan.


Subject: KUMPIRMASYON NI LAGDAMEO
Newscast: TVPATROL - Air Date: 12/04/96


Lumalabo na ang kumpirmasyon ni Transportation Secretary Amado Lagdameo sa Commission on Appointments matapos masangkot sa Public Estate Authority (PEA) landscam. Nguni't, inamin ngayon ni Pangulong Ramos na alam ng Malakanyang ang tungkol sa proyekto. Nilinaw ni Pangulong Ramos na siya ang approving authority para sa Boulevard 2000 project na magsasa-ayos sa Roxas Boulevard at siyang batayan ng kontrobersiyal na land deal.

Kanina, sinuspinde ng Commission on Appointments ang pagdinig sa nominasyon ni Lagdameo. Iba naman ang nais ng Mababang Kapulungan. Sa pahayag namang inilabas ngayon ng PEA, iginiit nitong "misleading" ang mga akusasyon ni Maceda sa kanilang land deal sa PEA.

Ayon kay Maceda, nagkakahalaga lamang ng mahigit sa P1,200 kada square meter ang bili ng Amari-ItalThai sa lupa. Nguni't, ang presyo sa katabing lugar ay umaabot mula P9,000 hanggang P400,000 bawat square meter. Ayon naman sa Amari, ito ay dahil nakalubog pa sa tubig ang lupa at malaki ang gastos sa gagawing reclamation nito. Ibinato naman ni Pangulong Ramos sa oposisyon ang hamon upang patunayang tumanggap ng pondo ang Lakas-NUCD mula sa Amari.


Subject: PAGLIPAT NG SENADO
Newscast: TVPATROL - Air Date: 12/04/96


Samantala, posibleng makalipat na ang Senado sa GSIS building, sa CCP complex sa katapusan ng Enero sa susunod na taon. Ini-abot na ni Senador Ramon Magsaysay, chairman ng oversight committee on the senate transfer ang P46 milyong "cheque" sa GSIS. Ito'y bilang "lease payment" sa 25,000 square meter area na ookupahan ng Senado.

Subject: UPDATE KAY JACKSON
Newscast: TVPATROL - Air Date: 12/04/96


Walumpu't walong kuarto sa Manila Hotel ang pina-reserve ni Michael Jackson at ng kanyang entourage para sa kanyang two-night concert sa Paranaque. Nakatakdang dumating bukas ng 6:00 ng gabi si Michael sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) sa isang chartered airplane galing Australia. Walang interviews ang papayagan.

Ayon sa official concert spokesman na si Oscar San Pedro, lalapag ang eroplano ng "King of Pop" sa nakatalagang "Michael Jackson Lane" na malayo sa commercial traffic ng NAIA. Mula NAIA, si Michael at ang kanyang 139-man entourage ay tutungo sa Manila Hotel kung saan haharanahin sila ng Ateneo Boys Choir. Ayaw magbigay ng official announcement ni San Pedro kung kasama ng pop king ang kanyang bagong Misis na si Debbie Rowe na pinakasalan niya nung isang buwan sa Sydney, Australia. Nakatakda rin ang kanyang blowout para sa mga batang lansangan sa Paranaque. Puspusan naman ang pagtatayo ng dambuhalang concert stage ni Michael sa Asiaworld, Paranaque. Umaasa naman ang kanyang tagapagtaguyod na matutuloy ang courtesy call ng singer sa Malakanyang.

Go Back To News Service Index