Newscast: TV Patrol - Broadcast date: 12/03/96
Homepage: ABS-CBN Broadcasting
Corp.
Copyright © 1996, ABS-CBN Broadcasting
Corp.
Subject: MACEDA AT ANG EXPOSE KAY LAGDAMEO
Newscast: TVPATROL - Air Date: 12/03/96Mag-re-resign si Senate President Ernesto Maceda kapag napatunayan ni Transportation Secretary Amado Lagdameo na ligal ang mga transaksyon niya sa "Amari/Ital-Thai land deal" habang siya ay Public Estate Authority (PEA) chairman pa. Magugunitang ibinulgar ni Maceda noong Nobyembre 29, na isang ma-anomalyang transaksyon ang pinasok ni Lagdameo sa naturang kumpanya.
Ayon naman kay Lagdameo, walang anomalya sa transaksyon. Pinasususpindi ni Maceda si Lagdameo habang ginagawa ang imbestigasyon ng Senado. Ayon kay Maceda, walong probisyon sa batas ang nilabag ni Lagdameo nang pirmahan niya ang naturang kasunduan. Kabilang dito ang batas tungkol sa land ownership at foreign intervention, anti-graft law, internal revenue law, securities act, revised penal code on falsification of documents, anti-dummy law, environmental regulations, at election law. Ani ni Maceda, taliwas sa pahayag ni Lagdameo na 30 porsiento lamang ang pag-a-ari ng Pilipino sa Amari/Ital-Thai. Isa sa dine-develop ng kumpanya ay ang Freedom Island kung saan nag-rally ang mga iskwater kamakailan. Aniya, P400 milyon din sa diumano'y kickbacks ang ginamit sa nakalipas na eleksyon.
Ngunit ayon kay Antonio Villar, treasurer ng Lakas, hindi siya nakatanggap ng anumang kontribusyon. Ayon kay Maceda, maaring ang pera ay napunta sa bulsa ng ibang tao. Subalit hindi niya tinukoy kung sino-sino ang mga ito. Pinaimbestigahan ito ni Epimaco Velasco sa National Bureau of Investigation subali't ayon kay Maceda, nawawala ngayon ang file sa kaso.
Hiniling ni Maceda kay Pangulong Ramos na tanggalin na lang si Lagdameo dahil hindi rin lang ito makakalusot sa Comission on Appointment. At dagdag pa ni Maceda, kung makakalusot man si Lagdameo, mag-re-resign siya sa Senado. Samantala, isang grupo ng mga imbestigador ang binuo na ni Ombudsman Aniano Desierto upang imbestigahan ang mga paratang ni Senador Maceda laban kay Secretary Lagdameo. Ayon kay Desierto, matindi ang akusasyon ni Maceda at nangangailangan ng matinding pagsisisyasat. Pahihintulutan sa imbestigasyon na maibigay ang panig ng lahat ng sangkot sa nasabing akusasyon.
Subject: PEACE TALKS
Newscast: TVPATROL - Air Date: 12/03/96POSIBLENG palayain si Danilo Borjal kung mapapatunayang talagang consultant ito ng Natiobnal Democratic Front at nasasakupan ng safety and immunity guarantee. Gayunman, sinabi ni government panel chairman Howard Dee na kapag pinalaya si Borjal, para na ring nilabag ng pamahalaan ang Joint Agreement on Safety and Immunity Guarantee o JASIG.
Ang JASIG ay isang kasunduan ng GRP panel at NDF na walang aarestuhing mga rebelde sa panahon ng peace talks kapalit ng ilang mga kundisyon. Si Borjal ay inaresto sa kasong illegal possesion of firearms. Ayon kay Dee, dalawang kundisyon ang hindi natugunan ni Borjal sa ilalim ng JASIG. Sinabi pa ni Dee hindi sakop ng JASIG ang pagdadala ng armas. Magkagayunman, wala na sa pamahalaan ang susunod na hakbang kundi nasa NDF na.
Umaasa naman ang pamahalaan na matutuloy ang peace talks. At kung pumalya, tanging ang alternatibo ang patuloy na tigil-putukan at pagkakaloob ng amnestiya sa mas maraming rebelde.
Subject: SANGGOL NA MAY HEART AILMENT NASA PELIGRO
Newscast: TVPATROL - Air Date: 12/03/96MALAMANG na mabingit sa kamatayan ang buhay ng sanggol na si Alma Magbanua kung hindi agad ma-re-resolba ang alitan ng mga doktor sa Philippine Heart Center. Si Alma na ang puso'y nasa labas ng kanyang dibdib ay sentro ngayon ng kontrobersiya ng dalawang paksyon ng mga doktor sa Heart Center. Nagsimula ang kontrobersiya ng akusahan ni Dr. Ludgerio Torres, puno ng Pediatric Cardiac Surgery Department, si Heart Center Director, Dr. Romeo Zamora, ng pagpapabaya kay Alma. Hindi agad umano isinangguni kay Torres ang kaso kundi pa lumala ang kondisyon ng sanggol. Pinabulaanan ito ni Dr. Zamora. Limang araw ng naka-confine sa Heart Center si Alma habang hinihintay ang pasya ng mga doktor tungkol sa kanyang operasyon. Si Alma na ika-pitong anak ng mag-asawang Teresa at Alejandro ay inilipat sa Heart Center dahil walang sapat na gamit ang mga ospital sa Iloilo. Ngayon, nakakakita ng mga pagbabago ang mga doktor sa kondisyon ng sanggol. Kahit na nag-alok ng libreng serbisyong medikal si Dr. Zamora, nangangailangan pa rin ng tulong pinansiyal ang mga magulang ni Alma.
Subject: POSIBLENG ROLLBACK
Newscast: TVPATROL - Air Date: 12/03/96POSIBLENG magkaroon ng 81 sentimos na rollback sa presyo ng langis. Ito ang inihayag ni House Energy Committee chairman Dante Tinga na nagsabing pinag-aaralan na ng Energy Regulatory Board (ERB) ang posibleng rollback. Ayon kay Tinga, may sapat na pondo pa sa Oil Price Stabilization Fund o OPSF upang dito na lang kaltasin ang 26 sentimos na itinaas noong Agosto at ang 50 sentimos na dagdag noong Setyembre. Aniya, nagkasundo na rin sila ni ERB chairman Bayani Faylona na hindi na nila hihingin ang opinyon ng Justice department sa itinakdang pagtataas sa halaga ng langis noong Agosto.
Subject: HULING KAGANAPAN SA DOJ
Newscast: TVPATROL - Air Date: 12/03/96NAG-WALKOUT ngayon ang mga abogado ni Congressman Romeo Jalosjos sa clarificatory proceedings na isinagawa ng Department of Justice. Inakusahan nina Atty. Alfredo Lazo at Vicente Balizado ang mga prosekyutor ng pamahalaan ng pagiging "biased" sa kaso. Nauna rito, isinumite na para sa resolusyon ang preliminary investigation kung saan hindi nagkatugma ang mga pahayag ng 11 taong gulang na umano'y biktima ni Jalosjos. Binigyan naman ng DOJ ng 10 araw ang mga abogado ni Jalosjos para mag-sumite ng kanilang counter-affidavit. Samantala, pinabulaanan ni Suzette Tuadles na inalok siya ng P15 milyon ng kampo ni Ambeth Antonio para i-urong ang isinampa niyang murder case. Anya, kung sakali mang tutoo ito, kailangan pa rin niyang konsultahin ang kanilang abogado at pamilya ni Arnie. Sa ngayon, desidido si Suzette na ituloy ang kaso laban kay Antonio. Bukas din si Suzette sa posibleng pag-testigo sa korte nina Vice President Joseph Estrada at San Juan Mayor Jinggoy Estrada. Naniniwala siya na hindi pagtatakpan ng mag-amang Estrada si Antonio.
Subject: RIOT AT JUSTICE SYSTEM
Newscast: TVPATROL - Air Date: 12/03/96SISIBAKIN sa puwesto ni Interior Secretary Robert Barbers ang mga opisyal na mapapatunayang nagpabaya sa kanilang tungkulin sa Manila City Jail. Tiniyak ito ni Barbers bunsod ng sunud-sunod na riot sa Manila City Jail at sa mga kaso ng puslitan ng mga ipinagbabawal na gamot, takasan, riot, at puslitan ng mga improvised weapons, maging baril. Ayon kay Barbers nawawala na ng kontrol sa mga iba't-ibang bilangguan lalu na sa Manila City Jail na halos tuwing linggo ay may riot at may namamatay.
Inamin ng Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) na bukod sa kakulangan ng personnel, natutuhan ng mga bilanggo ang makabagong paraan ng pagpupuslit ng epektos sa dalaw. Naco-corrupt na rin umano ang mga jail personnel. Pinalala pa ito ng pagsisikip ng mga kulungan. Dalawa lamang sa Metro Manila ang may tamang bilang ng mga detainee. Sinabi pa ng BJMP na ililipat na ang Manila City Jail sa Bicutan at budget na lamang ang kailangan.
Samantala, maaaring mapabilis na ang paglilitis ng kaso ng mga akusado. Ipinangako ng mga nagpapatakbo ng criminal justice system ang mas mabilis na paglilitis matapos lagdaan ang kasunduan na magtatatag sa centralized information databank tungkol sa mga krimen at mga nasangkot dito. Sa pamamagitan ng pagsasalin ng kanilang mga records sa i-isang databank, magiging mas mabilis ang imbestigasyon at prosekusyon sa mga kriminal.
Subject: RAMOS KAMPANTE SA SPRATLY
Newscast: TVPATROL - Air Date: 12/03/96WALANG pangamba si Pangulong Ramos na muling iigting ang tensiyon sa South China Sea kasunod ng pagtatagumpay ng tinaguriang "videoke diplomacy" kay Chinese President Jiang Zemin. Ito ang pahayag ng Pangulo sa kabila ng alegasyon ni Senador Blas Ople na pinagtitibay ng Tsina ang kanilang mga "military garrison" sa Spratly Islands. Aniya, mas nangangamba siya sa iba pang problemang panseguridad gaya ng terorismo, drug trafficking at illegal migration. Sinabi ni Pangulong Ramos na malaki ang nagawa ng ginanap na Asia-Pacific Economic Cooperation (APEC) Summit at ng "state visit" ni Jiang upang maibsan ang tensiyon sa pagitan ng Tsina at Pilipinas. Kung may "ping-pong diplomacy" si U.S. President Bill Clinton, Pinoy na Pinoy naman ang dating ng "videoke diplomacy" ng Pangulong Ramos.
Tiniyak ng administrasyon na kumbinsido si President Jiang na kinakailangang lutasin kaagad ang problema sa Spratlys. Ngunit hindi pa rin tiyak kung ano ang magiging reaksiyon ng Tsina sa pahayag ng Pangulong Ramos na bukas siya sa plano ng Estados Unidos na panatilihin ang "military presence" nito sa rehiyong Asya-Pasipiko.
Sa iba pang balita, malabo nang maihabol pa ang referendum sa amiyenda ng konstitusyon sa susunod na taon. Sa hearing ng House Committee on Suffrage and Electoral Reforms, inamin ni Comelec Commissioner Regalado Maambong na malaking panahon ang mauubos sa pagbeberipika ng mga lagda at sa anumang petisyong ihaharap sa Korte Suprema na kumukuwestiyon sa mga lagda sa people's initiative.
Subject: PIRATING NG STUFF TOYS
Newscast: TVPATROL - Air Date: 12/03/96SINALAKAY ng mga tauhan ng National Bureau of Investigation (NBI) Anti-Smuggling at Anti-Piracy Group ang anim na warehouses na namemeke ng produktong B-1 at B-2, sa Taguig, Metro Manila. Ito'y sa bisa ng search warrant na inisyu ni Manila Regional Trial Court Judge William Bayhon batay sa reklamo ng ABS-CBN laban sa Patrick's Stuff Toys. Ayon sa may-ari ng mga warehouses na si Danny Labao, hindi niya alam na may patent na ang paggagawa ng mga stuff toys. Gayunman, sasampahan siya ng kasong paglabag sa Copyright at Unfair Competition Act.
Subject: ROSANNA ROCES AT STAR CINEMA
Newscast: TVPATROL - Air Date: 12/03/96NASA bakuran na ng Star Network si Rossana Roces, ang tinaguriang "Queen of Titillating Films". Pumirma kanina si Rosanna ng three-picture contract sa Star Cinema. Ayon sa pinuno ng movie studio na si Malu Santos, kabilang sa mga proyektong gagawin ng aktres ay isang drama kasama si Christopher de Leon, at ang movie version ng top rating na seryeng Maria Mercedes. Mag-uumpisa ang shooting ng mga pelikula sa isang taon.
Go Back to The News Service Index
Subject: MISS ASIA PACIFIC SA SUBIC
Newscast: TVPATROL - Air Date: 12/03/96TAPOS na ang APEC Summit pero nandito pa rin ang mga kinatawan mula sa Asya at Pasipiko para naman sa Miss Asia-Pacific beauty pageant. Sa halip na ekonomiya, dignidad ng kababaihan ang nagiging isyu sa patimpalak. Kokoronahan ang bagong Miss Asia-Pacific sa Subic sa isang linggo. Bago ito, sinusunod ng 30 kandidata ang mahigpit na iskedyul na minamatyagan ng media, mga hurado, at kadalasan ng mga kalalakihan. Kabilang sa mga nakapukaw ng pansin ay ang mga mutya mula sa Tahiti, Costa Rica, Colombia, si Marilen Maristela ng Pilipinas, at si Miss Japan na nag karate sa talent night. Sentro din ng atensyon si Miss Australia dahil sa pagkakaugnay niya kay Gary Estrada. Itinanggi naman ng Miss India na tutol ang kanyang mga kababayan na ipadala siya dito dahil sa isyung pinapababa ng beauty pageants ang dignidad ng kababaihan. Kahapon, dumating si Binibining Pilipinas Daisy Reyes bitbit ang kanyang tropeyo bilang Miss Personality sa Miss World na ginanap sa India.