Newscast: TV Patrol - Broadcast date: 11/15/96
Homepage: ABS-CBN Broadcasting Corp.
Copyright © 1996, ABS-CBN Broadcasting Corp.

BILL LIKES PANSIT
JUSTICE AT LAST
MORE ANTI-APEC PROTESTS
EMERGENCY POWERS
SQUATTERS DEFY ORDER
ROBBERS ARMED W/ ROCK


Subject: BILL LIKES PANSIT
Newscast:
TVPATROL - Air Date: 11/15/96

MALIBAN sa pagpapaganda ng kapaligiran na inihahanda sa pagdating ng mga delegado para sa APEC, pinag-iisipan din ngayon ng mga kinauukulan kung paano bubusugin ang mga lider ng iba't ibang bansa. Ng unang bumisita si U.S. President Bill Clinton sa bansa, pansit guisado ang unang natikman nito. Inaasahang isa na ito sa mga paborito niyang pagkain.

Si Indonesian President Suharto naman ay hindi mahilig sa mga pagkaing napakaraming rekado habang kakainin naman ng Sultan ng Brunei ang kahit na anong putahe. Ang mga bagay na ito ang tinatandaan ni Chef Eugene San Juan ng Manila Hotel, bagamat hindi na bago sa kanila ang pagsisilbi sa mga pinuno ng iba't ibang bansa. Subalit sa pagkakataong ito, nais ipakita at ipagmamalaki ni Chef Eugene ang iba pang putaheng Pinoy.


Subject: JUSTICE AT LAST
Newscast:
TVPATROL - Air Date: 11/15/96

HINATULAN ng tiglilimang habambuhay na pagkabilanggo ang apat na pangunahing akusado, kabilang ang dalawang pulis, sa brutal na pagpaslang sa limang estudyante ng Polytechnic University of the Philippines apat na taon na ang nakaraan. Napaluha sa sobrang tuwa ang mga ina ng mga naging biktima ng karumal-dumal na krimen nang hatulan ni Judge Ramon Makasiar ng Manila Regional Trial Court, sina Senior Police Officer 2 Juanito Abella, Senior Police Officer 3 Diosdado Granada, Benjamin de Guzman at Edgardo Valencia. Walang kaduda-dudang napatunayan ng korte na ang mga akusado ay silang dumukot, nagpahirap at pumatay sa magkakapatid na Marion at Joseph Ronquillo; Andres at Erwin Lojero; at pinsan nilang si Felix Tamayo nuong Marso, 1992. Halos naaagnas na ang mga bankay nito nang matagpuang lulutang-lutang sa Pasig River sa Punta, Sta. Ana, Manila. Lumabas sa imbestigasyon na naunang nag-away ang dalawang grupo habang sila ay naglalaro ng basketball sa naturang lugar.


Subject: MORE ANTI-APEC PROTESTS
Newscast:
TVPATROL - Air Date: 11/15/96

TITIYAKIN ng mga taga-Subic na hindi makakapasok at hindi makapanggugulo ang People's Caravan sa pagdarausan ng summit ng Asia-Pacific Economic Conference o APEC. Kahapon, pinigilan ng may 200 residente roon ang mahigit 500 katao na kontra sa APEC na makapanggulo sa kanilang lugar. Pinabulaanan naman ni Olongapo City Mayor Kate Gordon at Subic Bay Metropolitan Authority (SBMA) chairman Richard Gordon na sila ang nanghikayat sa mga residente na itaboy palabas ang mga miyembro ng People's Caravan. Para sa mga residente ng Olongapo City, ang APEC summit ay isang pagkakataon na ma-i-angat muli ang kanilang kabuhayan at bumangon matapos na lisanin ng mga sundalong Amerikano ang base militar. Handa anila silang ialay ang kanilang buhay magtagumpay lamang ang APEC.

Samantala, matapos mabigo kahapon sa Subic, nagpakitang-gilas ang halos 3,000 demonstrador sa Makati City ngayon bilang simula ng kanilang protesta. Nagmartsa ang mga magsasaka at urban poor sa harap ng National Economic Development Authority (NEDA) building sa Makati upang tutulan ang darating na summit. Nais nilang ipaglaban ang food security at self-sufficiency sa bansa.

Samantala, inamin ni Socio-Economic Planning Secretary Cielito Habito na kailangang magkaroon ng mekanismo kung saan ang mga gagalawing inaararong lupa ay mapapalitan. Dinagdag pa niya na meron ngayong mga training programs upang mahasa ang technical skills ng mga manggagawa at maging dating magsasaka upang hindi sila mawalan ng trabaho kapag binukas sa malayang kalakalan ang bansa. Ngunit hindi umano umaabot sa mga magsasaka ang mga benepisyo.


Subject: EMERGENCY POWERS
Newscast:
TVPATROL - Air Date: 11/15/96

"BALIK MARTIAL LAW!"

Ito naman ang naging reaksiyon ng mga manggagawa, mga mambabatas at militanteng sektor sa banta ng Malakanyang na aalisin sa trabaho ang mga magwewelga sa panahon ng APEC summit. Pina-alalahanan ni Congressman Edcel Lagman ang Malakanyang na Kongreso lang ang puwedeng magkaloob dito ng emergency powers. Aniya, parang ipina-iiral na muli ang martial law sa iligal na pagpigil sa kanilang mga karapatan. Kinuwestiyon din ngayon ni Senador Blas Ople ang isa pang banta ng Malakanyang na i-take-over ang mga kompanyang tutuloy sa pagwewelga.

Samantala, binalewala lamang ng militanteng Kilusang Mayo Uno o KMU at ng 11 pederasyon ng manggagawa ang babala ng Malakanyang na sisibakin sila sa trabaho kung magpapatuloy ito sa pagsasagawa ng strike. Niliwanag ni KMU chairman Crispin Beltran na bantang magwelga ang mga manggagawa hindi upang hiyain ang pamahalaan sa mga delegado ng APEC, kundi tutulan ang labor policy nito tulad ng kontraktualisasyon.

Kaugnay nito, tuloy pa rin ang welga ng Hotel-Sofitel Grand Boulevard sa kabila ng pagbabanta ni Pangulong Ramos na tatanggalin ang sinumang magwewelga sa panahon ng APEC meet. Nakatakdang manirahan ang ilang APEC delegates sa naturang hotel. Ang manggagawa at management naman ng Manila Hotel ay nagkasundo na kagabi. Sa kabila nito, muli pa ring nananawagan ang Labor Department na hintayin na lang ng mga unyong matapos ang APEC para maupuan ng pamahalaan ang kanilang problema.

Samantala, ipinababasura ni Senador Ople sa gobyerno ang pakikipag-usap sa National Democratic Front (NDF) kung ipupursige nito ang mga plano laban sa APEC. Ang pahayag anya ni NDF leader Luis Jalandoni na paiigtingin nila ang military strikes laban sa pamahalaan ay nangangahulugan ng pagdedeklara nito ng digmaan. Sapat na anyang dahilan ito para kansilahin ng gobyerno ang peace talks.


Subject: SQUATTERS DEFY ORDER
Newscast:
TVPATROL - Air Date: 11/15/96

WALANG planong lumisan ang 500 squatter families sa itinayo nilang "tent city" sa harap ng Manila Cathedral. Sa kabila ng abiso ng pamahalaang bakantehin na nila ang lugar, iginiit ng mga itong ipipilit nila sa Senadong bigyan sila ng disenteng relokasyon. Nauna nito, paulit-ulit nang binabatikos ng mga tutol sa APEC ang demolisyon ng mga eskuwater. Para sa mga naging biktima ng demolisyon, ang APEC ang dahilan ng pagkawala ng kanilang tirahan. Inirereklamo din nila ang hindi makataong kondisyon sa mga relocation areas.


Subject: ROBBERS ARMED W/ ROCK
Newscast:
TVPATROL - Air Date: 11/15/96

KARANIWAN, baril o patalim ang gamit ng mga holdaper laban sa kanilang biktima. Ngunit, para kay Elmer Merello, ang kawalan ng baril o patalim ay hindi hadlang upang holdapin niya si Jojo Padua, isang taxi driver, kaninang madaling araw. Nang tangkaing manlaban ni Padua, hinataw siya ni Merello ng isang malaking bato sa mukha na malubhang ikinasugat nito. Agaran namang sumaklolo ang mga kapwa taxi drivers ni Padua. Nahuli si Merello. Sa presinto, nagkaroon ng pagkakataong gumanti si Padua nang hilingin ng imbestigador sa biktima na i-reenact ang pangyayari. Kinuha ni Padua ang malaking bato at, sa harap ng mga nabiglang pulis, buong galit na inihataw ito sa mukha ni Merello. Parehong isinugod sa ospital si Padua at Merello.

Go Back to The News Service Index